"Ang Allah Subhaanaho wa Ta'aala, ay nagsabi: 'O Aking mga alipin! Ipinagbawal Ko ang pang-aapi (kawalang-katarungan) sa Aking Sarili at ito ay ipinagbabawal Ko sa inyo, kaya huwag kayong mang-api sa iba. O Aking mga alipin, kayong lahat ay naliligaw maliban yaong Aking ginabayan, kaya kayo ay dapat humanap ng patnubay sa Akin at kayo ay Aking papatnubayan. O Aking mga alipin, kayong lahat ay nagugutom maliban yaong Aking pinakakain, kaya kayo ay nararapat humingi ng panustos (na pagkain) sa Akin at kayo ay Aking pakakainin. O Aking mga alipin, kayong lahat ay hubad maliban yaong Aking dinamitan, kaya kayo ay nararapat na humingi ng kasuotan sa Akin at kayo ay Aking bibihisan. O Aking mga alipin, kayo ay nagkakasala sa bawa't sandali sa araw at sa gabi at Aking pinatatawad ang lahat ng kasalanan, kaya kayo ay nararapat humingi ng kapatawaran sa Akin at kayo ay Aking patatawarin. O Aking mga alipin, hindi ninyo Ako magagawang saktan upang Ako ay mapinsala at hindi ninyo Ako magagawang bigyan ng pakinabang upang Ako ay makinabang. O Aking mga alipin, kung ang una sa inyo o ang huli sa inyo, ang tao sa inyo o ang jinn sa inyo ay magiging mabuti sa lahat ng pinakamabuting nabibilang sa inyong kalipunan, hindi makadaragdag ito nang kahit katiting sa Aking Kaharian (o Kapangyarihan). O Aking mga alipin, kung ang una sa inyo o ang huli sa inyo, o ang tao sa inyo o ang jinn(2)sa inyo ay magiging masama sa lahat ng pinakamasamang puso na nabibilang sa inyong kalipunan, hindi ito makababawas kahit katiting sa Aking Kaharian (o Kapangyarihan). O Aking mga alipin, kung ang una sa inyo at ang huli sa inyo, ang mga tao sa inyo o ang mga jinn sa inyo ay magsisitayong sama-sama sa isang pook at humingi sa Akin at kung bibigyan Ko ang bawa't isa ng kanilang kahilingan, magkagayunman, hindi ito makababawas sa anuman sa Aking pagmamay-ari maliban kung ano ang nabawas sa karagatan kapag ang karayom ay inilubog dito. O Aking mga alipin ang inyong mga gawa lamang ang Aking binibilang sa inyo at pagkaraan ay binabayaran sa inyo. Kaya, sinumang makatagpo ng kabutihan, hayaang magbigay papuri sa Allah Subhaanaho wa Ta'aala, , at sinumang makatagpo ng iba kaysa rito, walang dapat sisihin maliban ang kanyang sarili."
Lahat ng papuri ay nauukol lamang sa Allah,, ang Rabb (Panginoon) ng lahat ng nilikha. Nawa'y purihin at itampok ng Allah Subhaanaho wa Ta'aala, ang pagbanggit sa Propeta at iligtas siya at ang kanyang pamilya sa anumang pagkukulang at pangalagaan sila mula sa anumang kasamaan.
Ako ay taus-pusong bumabati sa inyo nang dahil sa patnubay na iginawad sa inyo ng Dakilang Allah,. Dinadalangin ko sa Allah Subhaanaho wa Ta'aala, na nawa'y manatili tayong lahat na matatag bilang Muslim sa pagtahak sa Dakilang Relihiyong ito hanggang sa Araw na tayo ay humarap sa Kanya, na wala tayong binago ng anupaman mula rito sa aral ng Islam at nawa'y huwag tayong ilagay sa mga matitinding pagsubok ng buhay.
Katotohanan, ang tunay na Muslim ay nakadarama ng malaking kaligayahan kapag ang isang tao ay yumakap sa Islam, sapagka't hangad niya ang lahat ng pagpapala para sa iba at hangad din niya na sila ay mamuhay tulad ng kanyang ginawa sa kanyang sarili: isang buhay ng katiwasayan at kaligayahan kalakip ng espirituwal na kasiyahan at katatagan ng kaisipan. Ito ay matatamo lamang sa pamamagitan ng pagsasakatuparan ng mga aral ng Islam. Ang Dakilang Allah Subhaanaho wa Ta'aala, ay nagsabi, Qur'an, Kabanata An-Nahl, 16:97;
"Sinuman ang gumawa ng gawang matuwid maging siya man ay lalaki o babae, habang siya ay nananatiling isang tunay na Mananampalataya, katotohanan, ipagkakaloob Namin sa kanya ang magandang buhay (sa mundong ito nang matiwasay at mabuting panustos), at katiyakan na sila ay Aming babayaran ng gantimpalang ayon sa anumang pinakamabuti sa kanilang ginagawa."
Ito ay sa dahilang ipinaliwanag ng Dakilang Allah Subhaanaho wa Ta'aala, ang kalagayan ng mga taong walang paniniwala sa Kanya. Ang Allah Subhaanaho wa Ta'aala, ay nagsabi sa Qur'an Kabanata Taa-Haa, 20: 124-126;
"Datapuwa’t sinumang sumuway sa Aking paala-ala, katotohanang sasakanya ang buhay ng kahirapan at siya ay Aming muling bubuhaying bulag sa Araw ng Paghuhukom. Siya ay magsasabi: “O aking Rabb (Panginoon)! Bakit Ninyo ako binuhay nang bulag, noon ay mayroon akong paningin?” (Ang Allah,) ay magsasabi: “Noon, nang ang Aming mga Ayat (tanda, aral, babala) ay dumating sa inyo, ito ay inyong ipinagwalang-bahala, kaya’t sa Araw na ito, kayo ay kinalimutan.”
Ang isang tunay na Muslim ay naghahangad din na sila ay mamuhay ng walang hanggang kaligayahan sa Kabilang Buhay, na ang mga kasiyahan ay walang katapusan. Ang Dakilang Allah Subhaanaho wa Ta'aala, ay nagsabi sa Qur'an, Kabanata Al-Kahf 18: 107-108;
"Katotohanan, yaong mga naniniwala (sa Kaisahan ng Allah) at nagsisigawa ng kabutihan, sila ay magkakaroon ng mga Hardin ng Al-Firdaus (Paraiso) para sa kanilang libangan. Doon, sila ay mamamalagi (magpakailanman). Doon, sila ay hindi maghahangad na mapaalis."
Ang kamatayan ay hindi maiiwasan, maaaring ang hantungan nito ay walang hanggang kaligayahan o walang katapusang pagsisisi. Sinuman ang mamamatay sa gitna ng kawalan ng tamang pananampalataya – na ang paglingap at kaligtasan ay matatagpuan lamang mula sa Allah Subhaanaho wa Ta'aala, – siya ay mananahan sa Impiyerno nang walang hanggan. Ang Dakilang Allah Subhaanaho wa Ta'aala, ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Bayyinah, 98:6;
"Katotohanan, silang Kafirun (walang pananampalataya) mula sa mga Angkan (na pinagkalooban) ng Kasulatan at mga pagano ay mamamalagi roon sa Impiyerno, sila ang pinakamasama sa lahat ng mga nilikha,"
Mga minamahal kong mga kapatid, katotohanang isang Dakilang Pagpapala at Kagandahang-loob ng Makapangyarihang Allah Subhaanaho wa Ta'aala, na kayo ay mapatnubayan sa relihiyong Islam at mailigtas kayo sa kawalan ng Pananampalataya sapagka't maraming tao ang hindi nagawaran ng patnubay sa pamamagitan ng di pagkaroon nila ng pagkakataong maunawaan ang tamang aral ng Deen (relihiyong) Islam at mayroon din namang nakauunawa sa Islam bilang tunay na Deen (relihiyon) nguni't hindi nagawaran ng patnubay upang ito ay kanilang tahakin at isabuhay. Kaya naman mga kapatid, nararapat lamang na tayo ay magpasalamat sa Dakilang Allah Subhaanaho wa Ta'aala, sa pagbibigay Niya Subhaanaho wa Ta'aala, ng Kabutihang-Loob na ito. Hilingin natin sa Kanya na tayo ay maging matatag sa Deen na ito hanggang sa ating pagharap sa Kanya. Ang Dakilang Allah Subhaanaho wa Ta'aala, ay nagsabi sa Qur'an; Kabanata Al-Hujuraat, 49:17;
"Itinuturing ba nila bilang kagandahang-loob sa iyo (O Muhammad) na sila ay yumakap sa Islam? Sabihin : “Huwag ninyong isaalang-alang ang inyong pagyakap sa Islam bilang kagandahang-loob sa akin. Bagkus! ang Allah ay naggawad sa inyo na kayo ay Kanyang pinatnubayan sa pananampalataya, kung tunay nga na kayo ay makatotohanan."
Lahat tayo ay nangangailangan ng tulong mula sa Allah Subhaanaho wa Ta'aala, . Ang Allah Subhaanaho wa Ta'aala, ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Faatir, 35:15;
"O Sangkatauhan, kayo ang may pangangailangan sa Allah. Nguni't ang Allah ay Mayaman (malaya sa anumang pangangailangan), (Siya ang) karapat-dapat (pag-ukulan) ng lahat ng papuri."
Hindi kailangan ng Allah, ang tao at hindi Siya nakikinabang sa pagtupad at pagsamba ng tao sa Kanya ni hindi nakapipinsala sa Kanya ang ating pagsuway at kawalan ng pananampalataya. Ang Allah Subhaanaho wa Ta'aala, ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Zumar, 39:7;
"Kung inyong itakwil (ang Allah), katotohanan ang Allah ay hindi nangangailangan sa inyo; at hindi Niya nais para sa Kanyang mga alipin ang kawalan (nila) ng pananampalataya. Kung kayo ay may pasasalamat (sa pamamagitan ng pananampalataya), Siya ay nalulugod sa inyo…"
Ang Propeta ng Allah ay nagsabi mula sa 'Hadith' Qudsi(1):
(Inilahad ni Imam Muslim)
- Hadeeth Qudsi: ay isang Hadeeth na isinalaysay ng Propeta na nagmula mismo sa Allah Subhaanaho wa Ta'aala, . Ang Hadeeth ay katagang tumutukoy sa lahat ng tradisyon, aral, pananalita at mga gawain na ginawa at sinasang-ayunan ng Huling Propeta na si Muhammad,
- Jinn: Sila ay mga nilikha ng Allah Subhaanaho wa Ta'aala, mula sa apoy na walang usok. At sila ay mayroong din kalayaang katulad ng tao upang guamwa ng mabuti at masama. Sila ay mayroong sariling ginagalawang daigdig na hindi nakikita ng tao.