Isa sa mga tungkulin ng Muslim ay ang pagbabayad ng 'Zakaah' (itinakdang Kawanggawa) sa mga karapat-dapat na makatanggap nito. Ang Zakaah ay isa sa mga karapatan ng Allah na ipinatutupad sa mga Muslim bilang tulong na dapat ipamahagi sa kanilang mga kapatid na nangangailangan upang sila ay makaiwas sa kahihiyan ng paghingi o pagpapalimos at sa gayon, kanilang mapanatili ang kanilang marangal na pamumuhay.
Ang Allah ay nagsabi,
"At sila ay hindi napag-utusan maliban na sila ay sumamba (lamang) sa Allah, maging matapat sa pananampalataya sa Kanya, maging matuwid at magsagawa ng Salaah (pagdarasal), at magbigay ng Zakaah (kawanggawa), ito ang tunay (at tuwid) na pananampalataya."
Qur'an, Kabanata Al-Bayyinah, 98:5;
Ang Zakaah ay itinakda at ipinag-utos nang may kaakibat na mga mahahalagang Kaalaman at Kadahilanan. Ang mga sumusunod ay kabilang sa mga ito;
1)Ang Zakaah ay isang paraan na ginagawang dalisay ang kaluluwa ng mga mayayamang Muslim at inilalayo sila sa pagiging gahaman, ganid, maramot at upang sila ay hindi mabulid sa pagmamahal sa panandalian at makamundong buhay.
2)Ang Zakaah ay isang paraan na ginagawang dalisay ang kaluluwa ng mga mahihirap mula sa poot at paninibugho na maaaring maramdaman nila laban sa mga mayayaman. Subali't nang dahil sa pagsasakatuparan ng Zakaah, nakikita ng mga mahihirap ang paglingap na ginagawa ng mga mayayaman sa kanila at nadarama nila na isinasakatuparan nila ang ipinag-uutos ng Allah sa pamamagitan ng patuloy na pagmamalasakit at magandang pakikitungo sa kanila.
3)Ang Zakaah ay nagbibigay ng magandang pagkakataon sa mga Muslim na paunlarin ang kanilang mabubuting pag-uugali tulad ng pagbibigay ng kawanggawa, at higit na nagpaparaya sa kapwa nang higit sa mismong sarili.
4)Ang Zakaah ay isang paraan ng pagpawi ng kahirapan mula sa pamayanan ng mga Muslim at inilalayo sila sa anumang masasamang gawain tulad ng pagnananakaw, pagpatay at ang mga gawaing paglabag laban sa dangal ng mga tao. Ito ay nagdudulot ng ibayong sigla sa diwa ng pagdadamayan at pagkakapatiran sa buhay sa pamamagitan ng pagsasakatuparan ng mga ipinag-uutos ng Islam at ng mga pangangailangan ng pamayanang Muslim sa kabuuan.
5)Ang pagbibigay ng Zakaah ay isang paraan ng pagpapalaganap ng Islam sa buong mundo. Sa pamamagitan nito, nakikita ng mga di-Muslim ang kagandahan ng Islam at umaasang ito ay kanilang tatanggapin at isabuhay.
Ang Mga Pangunahing Patakaran ng 'Zakaah'
1)Ang Itinakdang Pamantayan o Nisaab. Kung ang mga ari-arian o yaman ay umaabot sa itinakdang pamantayang halaga o 'Nisaab' na ang halaga nito ay katumbas ng walumpot limang (85) gramo ng ginto, samakatuwid, ito ay sumasaklaw sa pamantayang itinakda ng Zakaah batay sa batas ng Islam.
2)Ang Paglagpas ng Isang Taon. Kung ang mga ari-arian ng Muslim ay umabot sa 'Nisaab' sa loob ng isang taon, samakatuwid, ang pagbabayad ng Zakaah ay nararapat na tuparin.
Ang Mga Taong Karapat-dapat Tumanggap ng 'Zakaah'
Binanggit ng Dakilang Allah sa Qur'an yaong mga taong karapat-dapat tumanggap ng Zakaah,
"As-Sadaqah (ang Kawanggawa) ay para lamang sa mga Fuqara (dukha) at Al-Masakin (maralita) at yaong mga kawaning naglilikom (ng kawanggawa) at sa mga taong ang mga puso ay malalapit (sa Islam); at sa pagpapalaya ng mga bilanggo at sa mga may pagkakautang; at sa Landas ng Allah (Mujahideen na nakikipaglaban) at sa mga Naglalakbay (na nawalan ng kakayahang magpatuloy sa paglalakbay); isang tungkulin sa Allah. At ang Allah ay Lubos na Maalam, ang Tigib ng Karunungan."
Kabanata At-Tawbah, 9:60;
Ang Mahahalagang Puna
1)Walang Zakaah na dapat bayaran sa mga ari-ariang ginagamit sa sarili, tulad ng bahay, mga muwebles o kasangkapan, mga sasakyan at mga alagang hayop na sinasakyan (tulad ng kabayo, asno at iba pa).
2)Walang Zakaah na dapat bayaran sa mga paupahang ari-arian tulad ng mga auto, bahay o apartment, tindahan at sa mga tulad nito. Ang binabayarang Zakaah ay yaon lamang bayad sa paupahan, kasama ang iba pang ari-ariang umabot sa pamantayan (Nisaab) ng Zakaah at nanatili sa kanya bilang kanyang pag-aari sa loob ng isang taon.