*Ang Layunin (Niyyah), dapat magkaroon ng layunin (sa puso) ang isang taong magsasagawa ng Ghusl (ganap na paliligo) upang padalisayin ang sarili mula sa maruming kalagayan,(1) maging ito man ay sa kalagayang Janaabah (pagkaraang makipagtalik sa asawa), sa pagkakaroon ng buwanang regla o mula sa pagdurugo sanhi ng panganganak (para sa mga kababaihan).
*Ang Pagsambit ng 'Bismillah', kailangang sabihin ang 'Bismillah' (ako ay magsisimula sa Ngalan ng Allah).
*Ang Paghuhugas ng mga kamay at paglinis ng dumi sa mga maseselang bahagi ng katawan.
*Ang Pagsasagawa ng 'Wudoo(2)' (ablution) tulad ng paglilinis na kinakailangan sa Salaah. Maaari niyang hugasan ang kanyang mga paa sa huling bahagi ng pagsasagawa ng Ghusl.
*Ang Pagbuhos ng tubig sa ulo ng (kahit na) tatlong sandakot (tabo) at gamitin ang mga daliri upang dumaloy nang maayos ang tubig sa lahat ng ugat ng kanyang buhok at maging malinis pati ang anit nito.
*At pagkatapos ay magbuhos ng tubig sa buong katawan (at haplusin ito) simula sa kanang bahagi (bago sa gawing kaliwa). Kailangan ang pag-iingat at tiyakin na makaabot ang tubig sa lahat ng bahagi ng katawan (tulad ng kili-kili, tainga, pusod at mga lukot na balat (sa mga taong matataba) na humaharang sa tubig upang makaabot ang lahat ng balat). At hugasan ang mga paa kung hindi pa ito ginawa sa pagsasagawa ng Wudoo (bago mag-Ghusl). Si Aa'ishah ay nag-ulat;
"Kapag ang Propeta ay nagsasagawa ng Ghusl sanhi ng pagtatalik, una niyang hinuhugasan ang kanyang mga kamay, pagkaraan siya ay magbubuhos ng tubig sa kanang kamay para gamitin ng kaliwang kamay sa paghuhugas ng maselang bahagi ng katawan. Pagkaraan nito, siya ay magsasagawa ng 'Wudoo' tulad ng pagsasagawa niya para sa pagdarasal (As'Salaah), at pagkatapos siya ay kukuha ng tubig at ihahagod sa anit upang ang tubig ay dumaan sa mga ugat ng kanyang buhok sa pamamagitan ng kanyang mga daliri at sa huli huhugasan niya ang kanyang mga paa."
(Iniulat ni Imam Muslim)
Ang Ghusl ay kinakailangang isagawa sa mga sumusunod na kalagayan;
1)Sa paglabas ng semilya sanhi ng pagnanasang sekswal, o ng panaginip at ng ibang mga kalagayang tulad nito.
2)Pagkatapos ng pagtatalik ng mag-asawa kahit walang lumabas na semilya.
3)Pagkatapos ng buwanang pagdurugo (regla ng babae).
4)Pagkatapos ng pagdurugo mula sa panganganak (ng babae).
Ang 'Wudoo'
Ang pagsasagawa ng 'Wudoo' ay kailangan bago mag-alay ng As-Salaah.
Ang Propeta ay nagsabi;
"Walang tinatanggap na Salaah kung walang paglilinis (Wudoo)."
(Iniulat ni Imam Muslim)
At sinabi ng Allah ,
"O kayong Mananampalataya! Kung kayo ay maglayong magsagawa ng Salaah, hugasan (3)ang inyong mga mukha, mga kamay (braso) hanggang mga siko, haplusin ng basang kamay ang inyong mga ulo at hugasan ang inyong mga paa hanggang (sa hugpong ng) bukung-bukong…"
Qur'an, Kabanata Al-Maaidah, 5:6;
Ang pagsasagawa ng 'Wudoo' ay tulad ng pagkakaulat ni Homraan, ang alipin ni Uthmaan bin 'Affaan na nagsabi;
"Nakita ko si 'Uthmaan' na nagsagawa ng Wudoo. Nagbuhos ng tubig sa kanyang mga kamay ng tatlong ulit, at nagmumog ng bibig at naglinis ng ilong, hinugasan ng tatlong ulit ang mukha, hinugasan ang kanang kamay hanggang sa itaas na bahagi ng siko ng tatlong ulit, hinugasan ang kaliwang kamay hanggang sa itaas na bahagi ng siko ng tatlong ulit, hinaplos nang minsanan ng basang kamay ang ulo, hinugasan ang kanang paa ng tatlong ulit at saka ang kaliwang paa ng tatlong ulit, at sinabi; 'Nakita ko ang Propeta na ginawa niya ang pag-Wudoo na tulad ng ginawa ko,' at sinabi rin niya; 'Sinuman ang nagsagawa nang ganito, katulad ng pagsasagawa ko ng Wudoo, at pagkatapos ay magdasal ng dalawang rak'ahs na walang inaalalang iba, patatawarin ng Allah ang lahat ng kanyang kasalanan.”
(Iniulat ni Imam Bukhari)
Ang Pagsasagawa Ng Wudoo Ayon Sa Pagkakasunud-sunod
1)Niyyah. Ang Niyyah (layunin) ay kinakailangan bago magsagawa ng 'Wudoo' upang linisin ang sarili sa mga mumunting dumi. Ang patunay na kailangang magkaroon ng layunin (Niyyah) ay mula sa pananalita ng Propeta :
"Ang lahat ng mabubuting gawain ay batay sa layunin, at ang isang tao ay mabibigyan ng gantimpala ayon sa kanyang nilayon…"
(Iniulat ni Imam Bukhari)
2)Bismillah. Ang pagbanggit ng 'Bismillah' (Sa Ngalan ng Allah), bago magsimulang mag-'Wudoo'. Ang Propeta ay nagsabi:
"Walang pagdarasal (na tinatanggap) sa isang hindi nagsagawa ng Wudoo, at walang Wudoo sa isang hindi nagsabi ng 'Bismillah'".
(Iniulat ni Abu Dawood)
3)Kailangang hugasan ang mga kamay ng tatlong ulit sa simula ng 'Wudoo', batay sa 'Hadeeth' ni Aws bin Aws Ath-Thaqafi na nagsabi;
"Nakita ko ang Propeta ng Allah na naghugas ng kamay ng tatlong ulit sa pagsagawa ng 'Wudoo'."
(Iniulat ni Imam Ahmad)
4)Kailangang magmumog ng bibig at linisin ang ilong sa pamamagitan ng pagsinghot ng tubig (nang dahan-dahan) mula sa kanang kamay at pagsingha na papalabas ang tubig sa pamamagitan ng kaliwang kamay.
5)Kailangang hugasan ang mukha ng tatlong ulit. Ang bahagi ng mukha ay magmula sa nuo hanggang sa ilalim ng baba (kasama ang mga balbas) at hanggang sa gilid ng mga tainga.
6)Kailangang hugasan ang mga kamay mula sa dulo ng mga daliri hanggang sa taas na bahagi ng siko, simula sa kanang kamay at isunod ang kaliwang kamay. Kung may nakasuot na relo o singsing, ito ay nararapat na alisin upang ganap na maraanan ng tubig ang balat sa ilalim ng mga ito.
7)Kailangan ang paghaplos ng mga basang kamay sa ulo nang minsanan. Ang paghaplos ng basang mga kamay sa buhok ay mula sa harap hanggang sa likod at pabalik ding paghaplos. Isinalaysay ni Abdullah Ibn Zaid ,
"Inihaplos ng Propeta ang kanyang basang dalawang kamay sa kanyang ulo mula sa harap hanggang sa likod. Nagsimula siya sa itaas ng nuo at hinaplos hanggang sa itaas ng batok at ibinalik (na paghaplos din) hanggang sa bahaging pinagmulan."
(Iniulat ni Ibn Khuzaimah, sa kanyang Saheeh)
8)Kailangang linisin ang mga tainga sa pamamagitan ng basang hintuturo (sa loob ng tainga) at ang pagkuskos sa labas ng tainga sa pamamagitan ng hinlalaki. Si Ibn Abbaas ay naglarawan ng pagsasagawa ng Wudoo ng Propeta ng ganito;
"Hinaplos niya ang kanyang ulo at (nilinis ang) mga tainga nang minsanan."
(Abu Dawud)
Sa ibang salaysay, sinabi niya;
"Pagkatapos ay hinaplos niya ang kanyang ulo at ipinasok ang kanyang hintuturo sa loob ng kanyang mga tainga. Nilinis niya ang labas ng tainga sa pamamagitan ng hinlalaki at ang loob naman ay sa pamamagitan ng hintuturo."
(Abu Dawud)
9)Kailangang hugasan ang mga paa ng tatlong ulit mula sa dulo ng mga daliri hanggang sa bukung-bukong. Si Abu Hurairah ay nagsalaysay na nakita ng Propeta ang isang tao na hindi naghugas ng mga sakong at sinabi sa kanya;
"Kasawian sa mga sakong sa Impiyerno." (Iniulat ni Imam Muslim)
10) Ang pagsasagawa ng 'Wudoo' ay nararapat gawin ayon sa pagkakasunud-sunod tulad ng nabanggit sa itaas. Hindi maaaring gawing pasalungat ang pagkakasunud-sunod na paglilinis sa mga bahagi ng katawan. Tulad ng mga nabanggit sa 'ayat' (talata) ng Qur'an, ipinag-utos ng Allah na dapat gawin ang 'Wudoo' ayon sa itinalagang pagkakasunud-sunod nito.
11) Kailangang isagawa ang Wudoo nang tuluy-tuloy at nasa itinalagang pagkakasunud-sunod nito bago matuyo ang huling bahagi ng katawan na hinugasan. (Hindi dapat hayaang matuyo ang hinugasang bahagi bago hugasan ang susunod na bahagi ng katawan) Sa isang Hadeeth, inilahad na;
"Nakita ng Propeta na hindi nabasa ang kaunting bahagi ng paa (na kasinglaki ng isang dirham) ng isang taong nagdarasal. Sa sandaling iyon pinagbilinan ng Propeta na ulitin ang 'Wudoo' nito at muling magsagawa ng Salaah (magdasal ulit)(4)."
(Iniulat ni Abu Dawud)
Kailangang alisin muna ang anumang dumi sa mga bahagi ng katawan na huhugasan sapagka't ito ay maaaring makasagabal sa pagdaiti ng tubig sa balat, tulad ng pintura o anumang tulad nito.
Kailangang laging malinis at nasa kalagayan na 'Wudoo'. Ang mga sumusunod ay nagpapawalang-bisa ng 'Wudoo'; ang pag-ihi, pagdumi, pag-utot, paglabas ng semilya dahil sa pagnanasang sekswal, ang pagdurugo bilang hudyat ng buwanang regla (bago ang tunay o oras ng pagregla), sa sandaling hinawakan ang maselang bahagi ng katawan na walang nakasapin o hadlang, kapag nakatulog nang mahimbing at kung kumain ng karne ng kamelyo.
- Kalagayan ng Karumihan (Impurity): ang kalagayan ng isang tao pagkaraang nakagawa ito ng partikular o likas na gawain. May dalawang uri ito; ang mga pangunahin at mga mumunting karumihan.
- Wudoo: ang paglilinis ng mga partikular na bahagi ng katawan mula sa maliliit na karumihan.
- Wudoo Isinalaysay ni Nu’aim Al Muhmir: Minsan, ako ay umakyat sa bubungan ng Masjid kasama ko si Abu Hurayrah. Siya ay nagsagawa ng Wudoo (paghuhugas) at nagsabi, “Narinig ko ang Sugo ng Allah na nagsabi, ‘Sa Araw ng Pagkabuhay Muli, ang aking mga tagasunod ay tatawaging Al Ghurr-ul-Muhajjalun mula sa bakas ng Wudoo (paghuhugas) at sinuman ang may kakayahang dagdagan ang sakop ng liwanag ay isagawa ito (sa pamamagitan ng paghuhugas sa tama at ganap na pamamaraan.” Sahih Bukhari vol 1 Hadith Bilang 138.
- Pansinin na hindi lamang pinahugas ang bahagi ng katawan na hindi nabasa, kundi pinaulit ang kabuuan ng 'wudoo' at ang pagdarasal.