“Katotohanan, itong inyong relihiyon ay isang relihiyon, at Ako ang inyong Panginoon, kaya matakot kayo sa Akin. Subalit, kanilang pinaghati-hati ang kanilang relihiyon sa iba't-ibang bahagi - bawat pangkat ay nangagdiriwang sa anumang nasa kanila. Kaya, hayaan sila sa kanilang kalituhan hanggang sa takdang panahon.” (Quran 23:52-54)
Ang Iba Pa
Yaon ay panahon na ako ay nasa paghahanda para sa aking masteral degree nang unang beses akong makarinig ng patungkol sa Quran. Hanggang sa panahong yaon, gaya ng karamihan sa mga Amerikano, ang tanging alam ko patungkol sa mga “Arabo” ay ang pagiging misteryoso, mga maninila na nariyan upang salakayin ang ating kabihasnan. Ang Islam ay hindi kailanman nabanggit – tanging ang masasama, maruruming mga Arabo, mga kamelyo at mga tolda sa disyerto. Bilang isang bata na nasa pag-aaral ng relihiyon, madalas akong mapaisip kung sino ang ibang mga tao? Si Hesus ay naglakad sa Caana at Galilee at Nazareth, ngunit mayroon siyang bughaw na mga mata — sino pa ang ibang mga tao? Naunawaan ko na mayroong nawawalang kaugnayan sa ibang lugar. Noong 1967, sa panahon ng sigalot sa pagitan ng mga Arabo at Israelita, nagkaroon kaming lahat ng unang sulyap sa ibang mga tao, at sila ay malinaw na itinuturing ng marami bilang kaaway. Ngunit para sa akin, gusto ko sila, at yan ay sa walang malinaw na dahilan. Hindi ko ito maipaliwanag, liban na lamang na maunawaan ngayon na sila ay aking mga kapatid na Muslim.
Ako ay nasa edad na 35 nang mabasa ko ang unang pahina ng Quran. Binuksan ko ito sa layunin ng simpleng pagsasaliksik para maging pamilyar sa relihiyon ng mga nananahan sa rehiyon kung saan ako nag-aaral ng aking masteral degree. Ipinangyari ng Diyos na mabuksan ko ang aklat sa Surat al-Mu'minun (Ang Tunay na Naniniwala), sa ika-52 hanggang 54 na talata:
Mula sa unang pagbabasa, batid ko na ito ay tiyak na katotohanan - malinaw at malakas na pwersa, na naglalantad ng katangian ng sangkatauhan at kinukumpirma ang lahat ng aking mga napag-aralan bilang isang major sa Kasaysayan. Ang kalunos-lunos na pagtanggi ng sangkatauhan sa katotohanan, ang kanilang walang tigil na walang kabuluhang pagpapaligsahan na maging espesyal at ang kanilang kapabayaan sa layunin ng kanilang buhay, lahat ay ipinahayag sa ilang mga salita. Ang mga estado ng nasyon, mga nasyonalidad, mga kultura, mga lenggwahe - lahat ay nag-aakalang mas nakahihigit, gayung sa katunayan, lahat ng mga pagkakakilanlang ito ay nagtatakip lamang sa realidad na dapat nating pagsaluhang ikagalak - yan ay ang maglingkod sa iisang Panginoon, ANG NAG-IISA NA SIYANG Lumikha ng lahat ng bagay at Siya na Nagmamay-ari ng lahat ng bagay.
Si Hesus at Maria ay Mahal ko pa rin
Noong ako ay bata pa, nakasanayan kong sabihin ang pariralang “Santa Maria, ina ng Diyos, ipanalangin mo kaming mga makasalanan, ngayon at kung kami'y mamamatay, Amen,” na matatagpuan sa panalangin na “Aba Ginoong Maria”. Nakita ko na ngayon kung gaano siniraan ng puri si Maria sa pamamagitan ng maling pagpapakahulugan sa kanya bilang ina ng Diyos. Sapat nang ituring siya bilang pinili sa lahat ng mga kababaihan upang magdala sa kahanga-hangang propetang si Hesus sa pamamagitan ng panganganak na birhen. Ang aking ina ay madalas na ipaglaban ang kanyang patuloy na pagsamo sa tulong ni Maria sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na siya rin ay isang ina at nauunawaan niya ang lumbay ng isang ina. Mas magiging kapaki-pakinabang para sa aking ina at sa iba pa na pagbulay-bulayan kung gaanong ang pinaka dalisay na si Maria ay siniraang-puri ng mga Hudyo sa kanyang kapanahunan at pinaratangan ng isang kasuklam-suklam na kasalanan, ang pakikipag-talik nang hindi kasal. Dinala itong lahat ni Maria, sa kaalaman na ipagtatanggol siya ng Pinaka-Makapangyarihang Diyos, at na siya ay bibigyan ng lakas na makayanan ang lahat ng kanilang paninirang-puri.
Ang pagkilalang ito sa panananampalataya at paniniwala ni Maria sa habag ng Diyos ay magpapahintulot sa isang tao na kilalanin siya sa kanyang mataas na posisyon sa mga kababaihan, at gayun din na tanggalin ang paninirang-puri sa pagtawag sa kanyang 'ina ng Diyos', na isang napakasamang paratang kaysa sa ginawa ng mga Hudyo sa kanyang kapanahunan. Bilang isang Muslim, maaring mong mahalin si Maria at Hesus, ngunit ang higit na pagmamahal sa Diyos ay magdadala sayo sa Paraiso, dahil Siya ang Nag-iisa na dapat mong sundin ang mga kautusan. Siya ang huhusga sayo sa araw na walang sinumang makakatulong sa iyo. Siya ang Lumikha sayo, kay Hesus at sa kanyang inang si Maria, katulad ng Kanyang pagkakalikha kay Propeta Muhammad. Lahat ay namatay at mamamatay - Ang Diyos ay hindi kailanman mamamatay.
Si Hesus ('Isa sa lenggwaheng Arabe) ay hindi kailanman nag-angkin na siya ay Diyos. Sa halip, paulit-ulit niyang tinukoy ang kanyang sarili bilang 'isinugo'. Sa aking pagbabalik-tanaw sa pagkalitong naranasan ko sa aking kabataan, ito ay nag-ugat sa pag-aangkin ng simbahan na si Hesus ay higit pa sa kanyang sinabi. Ang mga pinuno ng simbahan ay bumuo ng doktrina para imbentuhin ang konsepto ng Trinity (tatlong persona). Ito ay ang magulong pagsasalin ng orihinal na Torah at Injil (ang mga kapahayagan na ibinigay kay Moises at Hesus) na siyang nasa sentro ng usapin sa Trinity.
Sa matapat na katotohanan, sapat nang sabihin na si Hesus ay isang propeta, oo tama, isang sugo na dumating na may dala-dalang salita ng Nag-iisa na Siyang Nagsugo sa kanya. Kung ating titingnan si Hesus, mapasakanya ang habag at pagpapala ng Tagapaglikha, sa kanyang tamang kahalagahan, magiging madali ang pagtanggap kay Muhammad, mapasakanya ang habag at pagpapala ng Tagapaglikha, bilang kanyang nakababatang kapatid na dumating para sa parehong misyon - ang anyayahan ang lahat tungo sa pagsamba sa Nag-iisang Pinaka-Makapangyarihan sa lahat, na Siyang Lumikha ng lahat at sa Kanya na tayong lahat ay magbabalik. Walang kahihinatnan o ano pa man ang pagtalunan ang kanilang pisikal na kaanyuan. Ang mga Arabo, Hudyo, Caucasian, asul o kulay-tsokolateng mga mata, mahaba o maiksing buhok - lahat ay walang kaugnayan sa kanilang kahalagahan bilang tagapaghatid ng mensahe. Sa tuwing iniisip ko si Hesus ngayon, matapos kong malaman ang Islam, naramdaman ko ang koneksyon ng pagiging malapit katulad ng pakiramdam ng isang tao sa isang masayang pamilya - pamilya ng mga mananampalataya. Nakita mo, si Hesus ay isang “Muslim”, isang tao na nagpapasakop sa Kanyang Panginoong nasa Kaitaas-taasan.
Ang una sa “Sampung Kautusan” ay nagsasaad:
1. Ako ang Panginoon mong Diyos, huwag kang magkaroon ng ibang Diyos maliban sa Akin.
2. Huwag mong gamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ng Diyos.
Sinumang nakababatid sa tamang kahulugan ng “la ilaha ila-llah” (walang ibang Diyos maliban sa Natatanging Diyos) ay agad na mapapansin ang pagkakapareho sa testimonyang ito. Pagkatapos ay maari na nating umpisahan na pagsamahin ang tunay na kwento ng lahat ng mga propeta at bigyang wakas ang mga kabaluktutan.
“At sila ay nagsasabi: “Ang Natatanging Tagapaglikha na Pinakamahabagin ay nagkaroon ng anak na lalaki!” Katiyakan, nakagawa kayo, O kayo na mga nagsasabi nito, ng napakalaking kalapastanganan. Na halos mawarak ang mga kalangitan dahil sa napakasidhing kalapastanganang ito, at ang kalupaan ay magkabiyak-biyak mula sa ilalim, at ang kabundukan ay malansag sa pagkaguho.” (Salin ng kahulugan ng Quran 19:88-90)