Luminaw sa iyo sa aklat na ito na ang Islam ay ang Relihiyon mula kay Allah. Ito ang totoong Relihiyon. Ito ang Relihiyon na inihatid ng lahat ng propeta at isinugo. Naghanda na si Allah ng malaking gantimpala sa mundo at kabilang-buhay sa sinumang sumampalataya rito at nagbanta ng matinding pagdurusa sa sinumang tumangging sumampalataya rito.

Sapagkat si Allah ang Tagapaglikha, ang Nagmamay-ari at ang Namamahala sa Sansinukob na ito — samantalang ikaw, tao, ay isa sa mga nilikha Niya — nilikha ka Niya, pinasunud-sunuran Niya sa iyo ang lahat ng nasa Sansinukob, isinabatas Niya ang batas Niya at inutusan ka Niya na sundin ito. Kaya kung sumampalataya ka, tumalima ka sa ipinag-utos Niya sa iyo at itinigil mo ang anumang sinaway Niya sa iyo ay matatamo mo ang ipinangako Niya sa iyo sa tahanan sa kabilang-buhay: ang lugod na mananatili.

Liligaya ka sa mundo sa pamamagitan ng ibinibiyaya sa iyo na mga uri ng lugod at magiging kawangis ka ng pinakalubos sa mga tao sa pag-iisip at pinakadalisay sa kanila sa mga kaluluwa. Sila ay ang mga propeta, ang mga sugo, ang mga matuwid at mga anghel na malapit kay Allah.

Kung tumanggi kang sumampalataya at sumuway ka sa Panginoon ay mapapahamak ang mundo mo at ang kabilang-buhay mo at mahaharap ka galit Niya at parusa Niya sa mundo at kabilang-buhay. Ikaw ay magiging kawangis ng pinakamasama sa mga nilikha, pinakakulang sa kanila sa mga pang-unawa at pinakahamak sa kanila sa mga kaluluwa: ang mga demonyo, ang mga nang-aapi, ang mga nanggugulo at ang mga nagdidiyus-diyusan. Ito ay ayon sa paglalahat.

Maglilinaw ako sa iyo ng ilan sa mga kahihinatnan ng kawalang-pananampalataya sa paraang madetalye:

1. Ang Pangamba at Kawalan ng Katiwasayan

Pinangakuan ni Allah ang mga sumampalataya sa Kanya at sumunod sa mga sugo Niya ng lubos na katiwasayan sa buhay sa mundo at sa kabilang-buhay. Nagsabi si Allah:

Ang mga sumampalataya at hindi naghalo sa pananampalataya nila ng isang paglabag sa katarungan, ang mga iyon ay magkakaroon ng katiwasayan at sila ay mga napapatnubayan.

Qur’an 6:82.

Si Allah ang Tagapagpatiwasay at ang Tagpagbantay. Siya ang Nagmamay-ari sa lahat ng nasa Sansinukob. Kapag umibig Siya sa isang tao dahil sa pananampalataya nito ay pinagkakalooban Niya ito ng katiwasayan, katahimikan at kapanatagan. Kapag tumangging sumampalataya ang tao ay aalisin Niya rito ang kapanatagan nito at ang katiwasayan nito.

Kaya hindi mo siya makikita kundi nangangamba sa kahahantungan niya sa tahanan sa kabilang-buhay, nangangamba para sa sarili niya sa mga karamdaman at mga sakit, at nangangamba sa hinaharap niya sa mundo. Dahil dito ay lumitaw ang pamilihan ng insurance para sa buhay at mga pag-aari dahil sa kawalan ng katiwasayan at kawalan ng pananalig kay Allah.

2. Ang Masikip na Pamumuhay

Nilikha ni Allah ang tao. Pinasunud-sunuran Niya para sa kanya ang lahat ng nasa Sansinukob. Hinati-hati Niya sa bawat nilikha ang bahagi nito na panustos at buhay. Kaya ikaw ay nakakikita na ang ibon ay umaalis sa pugad nito upang maghanap ng ikabubuhay nito at pupulutin iyon. Nagpapalipat-lipat ito mula sa isang sanga patungo sa isa pang sanga. Umaawit ito ng napakatamis na mga himig.

Ang tao ay isang nilikha na kabilang sa mga nilikhang ito na hinatian ng ikabubuhay ng mga ito at buhay ng mga ito. Kaya kung sumampalataya siya sa Panginoon nito at nanatili sa Batas Niya ay pagkakalooban siya ng kaligayahan at katiwasayan at padadaliin ang nauukol sa kanya, kahit pa wala siyang anuman kundi ang pinakamaliit na mga kailangan ng buhay.

Kung tumanggi siyang sumampalataya sa Panginoon niya at nagmalaki sa pagtanggi sa pagsamba sa Kanya ay gagawin Niya ang buhay niya na masikip at titipunin sa kanya ang mga alalahanin at mga pighati, kahit pa man nagtaglay siya ng lahat ng kaparaanan ng kapahingahan at uri ng pampalugod. Hindi mo ba nakikita ang dami ng mga nagpapatiwakal sa mga bansang naggagarantiya sa mga mamamayan ng mga ito ng lahat ng kaparaanan ng luho? Hindi mo ba nakikita ang pagsasayang sa mga klase ng mga kasangkapan at mga uri ng paglalakbay alang-alang sa pagpapakaligaya sa buhay?

Tunay na ang nagtutulak sa pagsasayang doon ay ang kawalan ng puso ng pananampalataya, ang pagkadama ng paninikip ng dibdib at paninikip ng buhay at ang pagtatangka na itaboy ang pagkabagabag na ito sa pamamagitan na iba-ibang mga pabagu-pabagong kaparaanan. Nagsabi si Allah ng totoo yamang sinasabi Niya:

Ang sinumang bumaling palayo sa pag-alaala sa Akin ay tunay na magkakaroon siya ng isang masikip na pamumuhay. Iipunin Namin siya sa araw ng pagbangon na isang bulag.

Qur’an 20:124.

3. Namumuhay siya sa pakikipagtunggali sa sarili niya at sa Sansinukob sa paligid niya

Iyan ay dahil sa ang sarili niya ay nilalang sa paniniwala sa pagkaiisa ng Diyos. Nagsabi si Allah:

Mamalagi sa kalikasan ng pagkalalang ni Allah na nilalang Niya ang mga tao ayon doon.

Qur’an 30:30.

Ang katawan niya ay sumuko sa Tagapaglikha niya at tumahak sa sistema Niya. Ngunit walang ninais ang tumatangging sumampalataya kundi salungatin ang kalikasan niya at mamuhay ayon sa mga pinipiling kapasyahan niya na sumasalungat sa utos ng Panginoon niya. Kaya talagang kung ang katawan niya ay sumusuko, tunay na ang pagpipili niya ay sumasalungat naman.

Siya ay nasa isang pakikipagtunggali sa Sansinukob sa pagligid niya. Iyan ay dahil sa ang buong Sansinukob na ito mula sa pinakamalaki na mga galaxy nito hanggang sa pinakamaliit na mga kulisap nito ay tumatahak ayon sa pagtatakda na isinabatas para rito ng Panginoon nito. Nagsabi si Allah:

Pagkatapos ay bumaling Siya sa langit nang ito ay usok pa at sinabi Niya rito at sa lupa: “Pumarito kayong dalawa nang may pagtalima o sapilitan.” Nagsabi ang dalawa: “Pupunta kami na mga tumatalima

Qur’an 41:11.

.” Bagkus ang Sansinukob na ito ay umiibig sa sumasang-ayon dito sa pagsuko kay Allah at nasusuklam sa sumasalungat dito.

Ang tumatangging sumampalataya ay ang nagmamatigas sa mga nilikhang ito yamang itinalaga niya ang sarili niya na sumasalungat sa Panginoon niya at nakikipagtulungan laban sa Kanya. Dahil dito ay naging karapat-dapat para sa mga langit, lupa at lahat ng nilikha na kamuhian siya at kamuhian ang kawalang-pananampalataya niya at ang pagtanggi niya.

Nagsabi si Allah:

Sinabi nila: Nagkaroon ang Napakamaawain ng isang anak. Talaga ngang nagsabi kayo ng isang bagay na kasuklam-suklam. Halos ang mga langit ay magkabitak-bitak dahil doon at mabiyak ang lupa at gumuho ang mga bundok nang durug-durog, dahil nagparatang sila sa Napakamaawain ng isang anak. Hindi nararapat para sa Napakamaawain na magkaroon ng anak. Lahat ng sinumang nasa mga langit at lupa ay pupunta lamang sa Napakamaawain bilang isang alipin.

Qur’an 19:88-93.

Nagsabi naman Siya tungkol kay Paraon at sa hukbo nito:

Kaya hindi umiyak para sa kanila ang langit at ang lupa at sila ay hindi mga ipagpapaliban.

Qur’an 44:29.

4. Siya ay mamumuhay na isang mangmang

ito ay yamang ang kawalang-pananampalataya ay ang kamangmangan. Bagkus ay ito ang pinakamalaking kamangmangan dahil sa ang tumatangging sumampalataya ay hindi nakaaalam sa Panginoon niya. Nasasaksihan niya ang Sansinukob na ito na nilikha ng Panginoon niya at hinusayan Niya ang pagkalikha nito. Nakikita niya sa sarili niya ang kadakilaan ng pagkakayari at ang karangalan ng pagkalikha, pagkatapos ay hindi niya nakikilala kung sino ang lumikha sa Sansinukob na ito at bumuo sa sarili niya? Hindi ba ito ang pinakamalaking kamangmangan?

5. Nabubuhay siya na lumalabag sa katarungan sa sarili niya at lumalabag sa katarungan sa sinumang nasa paligid niya

Ito ay dahil sa siya ay nagpasunud-sunuran sa sarili niya para sa layuning iba sa layon ng pagkalikha rito. Hindi siya sumamba sa Panginoon niya, bagkus ay sumamba siya sa iba. Ang paglabag sa katarungan ay ang paglalagay sa isang bagay sa hindi nito kinalalagyan. Aling paglabag sa katarungan ang higit na malaki kaysa sa pagtutuuon ng pagsamba sa hindi karapat-dapat dito?

Nagsabi si Allah na nagsabi si Luqmán na marunong, na naglilinaw sa karumalan ng Shirk:

O anak ko, huwag kang magtambal kay Allah. Tunay na ang pagtatambal sa Kanya ay talagang mabigat na paglabag sa katarungan

Qur’an 31:13.

.

Siya ay isang kawalang-katarungan sa sinumang nakapaligid sa kanya na mga tao at mga nilikha dahil sa siya ay hindi nakakikilala sa karapatan ng isang may karapatan. Kaya kapag nangyari ang Araw ng Pagbangon ay tatayo sa harap niya ang bawat nilabag niya sa katarungan na tao o hayop, na hihiling sa Panginoon niya na gumanti para rito laban sa kanya.

6. Inilantad niya ang sarili niya sa suklam at galit ni Allah habang nasa mundo

Siya ay nagiging nakalantad upang babaan ng mga kasawian at dapuan ng mga krisis bilang agarang parusa.

Nagsabi si Allah:

Kaya natiwasay ba ang mga nagpanukala ng mga gawang masagwa na hindi magpapalamon si Allah sa kanila sa lupa, o hindi pupunta sa kanila ang pagdurusa mula sa hindi nila nararamdaman, o hindi Niya kukunin sila sa sandali ng paglalakbay-lakbay nila at sila ay hindi makalulusot, o hindi Niya kukunin sila sa sandali ng isang pangangaba-ngaba? Ngunit tunay na ang Panginoon ninyo ay talagang Mahabagin, Maawain.

Qur’an 16:45-47.

Nagsabi pa Siya:

Hindi matitigil ang mga tumangging sumampalataya na tinatamaan ng dagok dahil sa masamang ginawa nila o dinadapuan nito malapit sa tahanan nila hanggang sa dumating ang pangako ni Allah. Tunay na si Allah ay hindi sumisira sa naipangako.

Qur’an 13:31.

Sinabi pa Niya:

O natiwasay ba ang mga nakatira sa mga bayan na pupuntahan sila ng parusa Namin sa kaumagahan samantalang sila ay naglalaro?

Qur’an 7:98.

Ito ang kalagayan ng bawat tumatanggi sa pag-alaala kay Allah. Nagsabi Siya habang nagbabalita sa mga parusa sa mga nagdaang kalipunan na tumatangging sumampalataya:

Kaya ang bawat isa ay pinarusahan Namin dahil sa pagkakasala nito. Kaya mayroon sa kanila na pinadalhan Namin ng isang unos ng mga bato, mayroon sa kanila na dinaklot ng hiyaw, mayroon sa kanila na ipinalamon Namin sa lupa at mayroon sa kanila na pinalunod Namin. Hindi mangyayaring si Allah ay lalabag sa katarungan sa kanila, subalit sila noon sa mga sarili nila ay lumalabag sa katarungan

Qur’an 29:40.

. Nakikita mo rin ang mga kasawian ng nasa paligid mo na dinapuan ng kaparusahan ni Allah at parusang pambabala Niya.

7. Itatakda sa kanya ang kabiguan at ang pagkatalo

Kaya dahil sa paglabag niya sa katarungan ay naipatalo niya ang pinakamalaking tinatamasa ng mga puso at mga kaluluwa: ang pagkakilala kay Allah, ang pikipagpalagayang-loob sa pakikipagniig sa Kanya at ang kapanatagan.

Naipatalo niya ang buhay sa mundo dahil siya ay namuhay roon nang buhay na aba at nalilito. Naipatalo niya ang sarili niya, na alang-alang dito ay nagtitipon siya ng pakinabang, dahil hindi niya ito pinasunud-sunuran sa layon ng pagkakalikha rito. Hindi siya lumigaya sa mundo dahil sa sarili niya dahil ito ay namuhay nang hapis, namatay nang hapis, at bubuhayin kasama ng mga hapis.

Nagsabi si Allah:

Ang sinumang gumaan ang mga timbangan niya sa kabutihan, ang mga iyon ay ang nagpatalo sa mga sarili nila

Qur’an 7:9.

Ipinatalo niya ang mag-anak niya dahil siya ay namuhay kasama nila sa pagtangging sumampalataya kay Allah, kaya naman sila ay tulad niya sa kapwa kahapisan at kasikipan ng buhay. Ang kahahantungan nila ay tungo sa Impiyerno. Nagsabi si Allah:

Tunay na ang mga nalulugi ay ang mga ipinalugi ang mga sarili nila at ang mga mag-anak nila sa Araw ng Pagbangon.

Qur’an 39:15, 42:45.

Sa Araw ng Pagbangon ay titipunin sila sa Impiyerno. Kaaba-abang pamamalagian! Nagsabi si Allah:

Tipunin ninyo ang mga lumabag sa katarungan, ang mga kapara nila at ang sinasamba nila noon bukod pa kay Allah at patnubayan ninyo sila sa landasin ng Impiyerno

Qur’an 37:22-23.

8. Namumuhay siya nang walang utang na loob sa Panginoon niya at nagkakaila sa biyaya Niya

Ito ay sapagkat si Allah ay lumikha sa kanya mula sa wala at nagpasagana sa kanya ng lahat ng biyaya kaya papaanong sumasamba siya sa iba sa Kanya, tumatangkilik sa iba pa sa Kanya at nagpapasalamat sa iba sa Kanya. Aling pagkakaila ang higit na malaki kaysa rito? Aling pagtanggi ang higit na karumal-dumal kaysa rito?

9. Pagkakaitan siya ng tunay na buhay

Iyon ay dahil sa ang tao na karapat-dapat sa buhay ay ang sumampalataya sa Panginoon niya, nakaalam sa layon niya, malinaw sa kanya ang kahahantungan niya at nakatiyak sa pagbubuhay sa kanya. Nalalaman niya ang karapatan ng bawat may karapatan kaya naman wala siyang ikakailang karapatan at wala siyang pipinsalaing nilikha.

Namumuhay siya nang pamumuhay ng mga maligaya at matatamo niya ang kaaya-ayang buhay sa mundo at kabilang-buhay. Nagsabi si Allah:

Ang sinumang gumawa ng isang matuwid, maging isang lalaki man o isang babae samantalang siya ay isang sumasampalataya, ay talagang pamumuhayin nga Namin siya nang isang kaaya-ayang buhay

Qur’an 16:97.

at sa kabilang-buhay naman:

mga kaaya-ayang tahanan sa mga Hardin ng Pamamalagi. Iyan ay ang dakilang pagtamo.

Qur’an 61:12.

Tungkol naman sa namuhay sa buhay na ito nang pamumuhay na kawangis ng buhay ng mga hayop — kaya naman hindi niya nakikilala ang Panginoon niya, hindi niya nababatid ang layon sa kanya at hindi niya nalalaman ang kahahantungan niya, bagkus ang layon niya ay kumain, uminom at matulog — ay ano na ang kaibahan sa pagitan niya at ng lahat ng hayop? Bagkus siya ay higit na ligaw kaysa sa mga ito.

Nagsabi si Allah:

Talaga ngang lumikha Kami para sa Impiyerno ng marami mula sa jinn at tao. Mayroon silang mga puso na hindi sila nakauunawa sa pamamagitan ng mga ito, mayroon silang mga mata na hindi sila nakakikita sa pamamagitan ng mga ito, at mayroon silang mga tainga na hindi sila nakaririnig sa pamamagitan ng mga ito. Ang mga iyon ay gaya ng mga hayupan, bagkus sila ay higit na ligaw. Ang mga iyon ay ang mga nagpapabaya.

Qur’an 7:179.

Nagsabi pa Siya:

O inaakala mo ba na ang higit na marami sa kanila ay nakaririnig o nakauunawa? Walang iba sila kundi gaya ng mga hayupan, bagkus sila ay higit na ligaw sa landas.

Qur’an 25:44.

10. Siya ay mamamalagi sa pagdurusa

Iyon ay dahil sa ang tumatangging sumampalataya ay lilipat-lipat mula sa isang pagdurusa patungo sa isa pang pagdurusa. Siya ay lalabas sa mundo, noong nalagok na niya ang mga kapaitan doon at mga kasawian doon, patungo sa tahanan sa kabilang-buhay. Sa unang yugto niyon ay may magbababaan na mga anghel ng kamatayan na uunahan ng mga anghel ng pagdurusa upang magpalasap sa kanya ng pagdurusa na karapat-dapat sa kanya. Nagsabi si Allah:

Kung nakikita mo sana kapag kinukuha ang mga tumangging sumasampalataya ng mga anghel, na hinahagupit ng mga ito ang mga mukha nila at ang mga likod nila

Qur’an 8:50.

Pagkatapos kapag lumabas na ang kaluluwa niya at ibinaba na sa libingan niya ay makikipagkita siya sa higit na matinding pagdurusa. Nagsabi si Allah, na nagbabalita tungkol sa mga kampon ni Paraon:

Ang Apoy, idadarang sila roon sa umaga at gabi. Sa araw na sasapit ang Oras ng Pagpaparusa ay sasabihin sa mga anghel: “Papasukin ninyo ang mga kampon ni Paraon sa pinakamatinding pagdurusa.”

Qur’an 40:46.

Pagkatapos kapag nangyari na ang Araw ng Pagbangon [ng mga patay], binuhay na ang mga nilikha, itinanghal na ang mga gawa, at nakita na ng tumatangging sumampalataya na si Allah ay nag-isa-isa para sa kanya ng lahat ng gawa niya sa aklat na iyon na nagsabi si Allah tungkol doon:

Ilalagay ang aklat ng mga gawa kaya makikita mo na ang mga sumasalansang ay mga nababagabag sa nasa loob nito at magsasabi: “O kapighatian sa amin; anong mayroon sa aklat na ito na hindi nag-iiwan ng isang maliit ni isang malaki malibang inisa-isa nito iyon

Qur’an 18:49.

.” ay doon iibigin ng tumatangging sumampalataya na siya sana ay naging alabok:

sa Araw na masisilayan ng tao ang anumang gawang ipinauna ng mga kamay niya, at magsasabi ang tumatangging sumampalataya: “O kung sana ako ay naging alabok!”

Qur’an 78:40.

Dahil sa tindi ng hilakbot sa pagtayo [sa Araw ng Pagkabuhay], tunay na ang tao, kung sakaling minamay-ari niya ang lahat ng nasa lupa, ay talagang ipantutubos na sana niya iyon sa sarili mula sa pagdurusa sa Araw na iyon. Nagsabi si Allah:

Kung sakaling taglay ng mga lumabag sa katarungan ang lahat ng nasa lupa at tulad nito kasama nito ay talagang ipantutubos na sana nila ito sa mga sarili mula sa kasagwaan ng pagdurusa sa Araw ng Pagbangon.

Qur’an 39:47.

Nagsabi pa Siya:

Pakaiibigin ng sumasalansang na tubusin niya sana ang sarili mula sa isang pagdurusa sa araw na iyon sa pamamagitan ng mga anak niya at asawa niya at kapatid niya at angkan niya na nagpapatuloy noon sa kanya at sinumang nasa lupa sa kalahatan, upang pagkatapos ay maililigtas siya nito.

Qur’an 70:11-14.

Dahil sa ang tahanang iyon ay tahanan ng pagganti at hindi tahanan ng mga mithiin, hindi maiiwasang makatagpo ng tao ang ganti sa gawa niya: kung mabuti ay mabuti ang ganti at kung masama ay masama ang ganti. Ang masama na makatatagpo ng tumatangging sumampalataya sa tahanang pangkabilang-buhay ay ang pagdurusa sa Impiyerno. Sinari-sari nga ni Allah sa mga mananahan sa Impiyerno ang mga uri ng pagdurusa upang malasap nila ang karubduban ng kinahinatnan ng gawa nila.

Nagsabi si Allah:

Ito ay ang Impiyerno na pinasisinungalingan ng mga sumasalansang; magpapabalik-balik sila sa pagitan ng Impiyernong ito at ng napakainit na tubig na kumukulo

Qur’an 55:43-44.

, Nagsabi pa Siya, na nagbabalita tungkol sa inumin nila at mga kasuutan nila:

Ngunit ang mga tumangging sumampalataya ay magpuputul-putol para sa kanila ng mga damit na yari sa apoy. Ibubuhos mula sa ibabaw ng mga ulo nila ang kumukulong tubig. Malulusaw sa pamamagitan nito ang nasa mga tiyan nila at mga balat. Maghahagupit sa kanila ng mga kawit na bakal.

Qur’an 22:19-21.