“Sabihin (O Muhammad): Siya ang Allah, ang Nag-iisa, Allah-us-Samad [may Kasapatan sa sarili, Siyang sandigan o inaasahan ng lahat, hindi Siya kumakain o umiinom]. SIya ay hindi nagkaanak at hindi Siya ipinanganak; At sa Kanya ay walang makapapantay [o makakatulad].” (Quran 112)
Natapos natin ang unang bahagi ng artikulong ito sa pamamagitan ng pagmumungkahi na kung ang isang tao ay tunay na naniniwala na walang diyos maliban sa Diyos, dapat niyang tanggapin agad ang Islam. Natalakay din namin na ang Islam ay ang relihiyon ng kapatawaran. Kahit gaano karaming kasalanan ang nagawa ng tao, siya ay mapapatawad pa rin. Ang Diyos ay Mapagpatawad, Maawain, at binibigyang diin ng Quran ang mga katangiang ito nang higit sa 70 beses.
“At sa Allah ang [pagmamay-ari ng] anumang nasa mga kalangitan at anumang nasa kalupaan. Kanyang pinatatawad ang sinumang Kanyang nais at Kanyang pinarurusahan ang sinumang Kanyang nais. At ang Allah ay Mapagpatawad, Maawain.” (Quran 3:129)
Gayunpaman, mayroong isang kasalanan na hindi patatawarin ng Diyos at iyon ay ang kasalanan ng pagtatalaga ng mga kasosyo o pakikipag-ugnayan sa ibang diyos-diyosan. Naniniwala ang isang Muslim na ang Diyos ay iisa, walang mga kasosyo, supling, o mga kasama. Siya ang nag-iisang karapat-dapat na sambahin.
“Katotohanan, ang Allah ay hindi nagpapatawad [sa isang nagkasala] ng pagtatambal sa Kanya. Nguni't Kanyang pinatatawad ang anumang [kasalanang] mababa kaysa riyan sa sinumang Kanyang nais.” (Quran 4:48)
Ito ay tila kakatwa na sabihin na ang Diyos ang Pinaka-maawain, at igiit na ang Islam ang relihiyon ng kapatawaran habang sinasabi din na mayroong isang hindi mapapatawad na kasalanan. Hindi ito kakaiba o hindi mapagkakatiwalaang konsepto, kung nauunawaan mo na itong malubhang kasalanan ay hindi lamang mapapatawad kung ang isang tao ay namatay nang hindi nakapagsisi o nakapagbalik loob sa Diyos. Kahit anong oras, ay maaaring mataimtim na bumaling sa Diyos at humingi ng kapatawaran hanggang sa oras na ang isang makasalanang tao ay humugot na ng kanyang huling hininga, sapagka't ang Diyos ay tunay na Pinaka-maawain at Mapagpatawad. Ang taimtim na pagsisisi ay nagtitiyak sa kapatawaran ng Diyos.
“Sabihin mo sa mga di-naniwala, [na] kung sila ay magsisitigil, ang anumang naunang nangyari noon ay patatawarin para sa kanila.” (Quran 8:38)
Si Propet Muhammad, sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala, ay nagsabi: “Tatanggapin ng Diyos ang pagsisisi ng Kanyang alipin hangga't hindi pa umaabot ang kanyang hininga sa kanyang lalamunan.”[1] at kanya ding sinabi, “tinatanggal ng Islam ang mga kasalanan na dumating bago ito (ang Islam)”.[2]
Tulad ng tinalakay sa nakaraang artikulo, madalas kapag ang isang tao ay nagmumuni-muni na tanggapin ang Islam nalilito siya o nahihiya sa maraming mga kasalanan na maaaring nagawa niya sa kaniyang buhay. Ang ilan sa mga tao ay nagtataka kung papaano pa sila magiging mabuti, mga taong may mahuhusay na asal ngunit kapag nasa pag-iisa at walang nakatingin ay tinatago ang kanilang mga kasalanan at krimen.
Ang pagtanggap ng Islam at pagbigkas ng mga salitang kilala bilang Shahada o patotoo ng pananampalataya, (Ako ay sumasaksi na "La ilaha illa Allah, Muhammad rasoolu Allah.”[3]), Ay nagbubura sa lahat ng kasalanan ng taong nagsasabi nito. Siya ay nagiging tulad ng isang bagong panganak na sanggol, ganap na walang kasalanan. Ito ay isang bagong simula, kung saan ang mga nakaraang mga kasalanan ay hindi na makakapagbilanggo sa isang tao. Hindi na kailangang multuhin ng mga nakaraang mga kasalanan. Ang bawat bagong Muslim ay madadama ang ginhawa at malayang makakapamuhay ayon sa pangunahing paniniwala na ang Diyos ay Iisa.
Kapag ang isang tao ay hindi na pinipigilan ng takot na ang kanyang mga nakaraang kasalanan o pamumuhay ay pipigil sa kanya na mamuhay ng isang magandang buhay, ang landas sa pagtanggap ng Islam ay madalas na nagiging madali. Ang malaman na ang Diyos ay maaaring magpatawad sa kahit sino, ng kahit ano, ay tiyak na isang nakaka-aliw na pag-asa. Gayunpaman, ang pag-unawa sa kahalagahan ng hindi pagsamba sa anuman o sinumang iba pa kaysa sa Diyos ang pinakamahalaga sapagkat ito ang batayan ng Islam.
Hindi nilikha ng Diyos ang sangkatauhan maliban na lamang na sambahin Siya na nag-iisa (Quran 51:56) at ang alamin kung paano panatilihing dalisay ang pagsamba na iyon ay kinakailangan. Ngunit, ang mga detalye ay kadalasan natututunan matapos makilala ng isang tao ang kahanga-hangang katotohanan ng paraan ng pamumuhay sa Islam.
“ At inyong sundin ang pinakamahusay sa alinmang [kautusan o tagubiling] ipinahayag sa inyo mula sa inyong Panginoon bago sumapit ang parusa sa inyo nang biglaan habang hindi ninyo namamalayan. Upang hindi masabi ng isang kaluluwa: "Ahh, ang aking siphayo ay dahil sa ako ay naging mapaglabag sa Panginoon (i.e. hindi ko ginawa ang ipinag-uutos ng Panginoon sa akin), at ako ay naging kabilang sa mga mapanuya." (Quran 39:55-56)
Sa sandaling tinanggap ng isang tao ang katotohanan ng Islam, sa gayon kanyang tinatanggap na walang ibang diyos kundi ang Diyos (Allah) lamang, may oras para sa kanya na matutunan ang tungkol sa kanyang relihiyon. May oras para sa kanya upang maunawaan ang kagila-gilalas na kagandahan at kadakilaan ng Islam, at alamin ang tungkol sa lahat ng mga propeta at mensahero ng Islam kasama na ang huling propetang, si Muhammad (sumakanya ang kapayapaan at pagpapala). Kung ang Diyos ay magtakda na ang buhay ng isang tao ay magtatapos na sa lalong madaling panahon matapos tanggapin ang Islam, magsisilbi ito bilang tanda ng awa ng Diyos; sapagkat ang isang taong dalisay tulad ng isang bagong panganak na sanggol ay nakatadhana para sa walang hanggang Paraiso; sa pamamagitan ng awa ng Diyos, at ng Kanyang walang hanggan na karunungan.
Kapag ang isang tao ay nagmumuni-muni na tanggapin ang Islam, marami sa mga hadlang na nakikita niya ay walang iba kundi mga ilusyon at panlilinlang mula kay Satanas. Malinaw na kapag ang isang tao ay pinili ng Diyos, gagawin ni Satanas ang kanyang buong makakaya upang mailigaw ang taong iyon at pinupuno siya ng mga maliliit na bulong at pag-aalinlangan. Ang relihiyon ng Islam ay isang regalo, at tulad ng anumang iba pang regalo ay dapat itong tanggapin, at buksan bago maipahayag ang totoong halaga ng mga nilalaman nito. Ang Islam ay isang pamamaraan ng pamumuhay na ginagawang madali ang pagtamo ng pangarap na walang hanggang kaligayahan sa kabilang buhay. Walang diyos kundi ang Diyos, ang namumukod tangi, ang una at huli. Ang Pagkilala sa Kanya ang susi sa tagumpay at ang pagtanggap ng Islam ay ang unang hakbang sa paglalakbay tungo sa Kabilang Buhay sa Paraiso.
MGA TALABABA:
- At-Tirmidhi
- Saheeh Muslim
- Ako ay sumasaksi na walang karapat-dapat na sambahin maliban sa Diyos (Allah) at ako ay sumasaksi na si Muhammad ay ang sugo ng Diyos (Allah). Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Shahada maaring pumindot dito