Kailangang mag-ayuno ang isang Muslim sa buwan ng Ramadhan, sa bawa't taon. Nararapat na umiwas sa lahat ng bagay na makasisira sa pag-aayuno, tulad ng pagkain, pag-inom at pakikipagtalik ng mag-asawa mula sa oras ng pagtawag o hudyat ng 'Salatul-Fajr' hanggang sa pagtawag o hudyat ng pagsapit ng 'Salaatul-Maghrib' bilang tanda ng pagtalima o pagsunod sa kautusan ng Allah    

Ang Allah ay nagsabi,

"O kayong Mananampalataya (mga Muslim)! Ang (pagsasakatuparan ng) Sawm(1) (pag-aayuno) ay ipinag-uutos sa inyo katulad ng ipinag-utos sa mga nauna sa inyo upang kayo ay maging Muttaqun (2)..."

Qur'an, Kabanata Al-Baqarah, 2:183;

Ang layunin ng pag-aayuno ay hindi lamang nakatuon sa pagpipigil sa mga makamundo at mga pagnanasa ng katawan na nakakasira sa pag-aayuno, bagkus, higit sa lahat, nararapat ding umiwas sa mga bagay na makababawas (ng gantimpala) sa panahon ng pag-aayuno tulad ng pagsisinungaling, paninirang puri, pang-aalipusta, pandaraya, at mga kasuklam-suklam na asal. Dapat tandaan na tungkulin ng mga Muslim ang pag-iwas sa lahat ng mga hindi magandang gawain at pagsasalita sa lahat ng oras kahit hindi pa sa buwan ng Ramadhan, nguni't higit sa buwan na ito, katulad ng sinabi ng Propeta :

"Hindi kailangan ng Allah ang pag-iwas sa pagkain at inumin (ang pag-aayuno) ng isang Muslim kung ito ay hindi umiiwas sa mga maling gawain at mga salita."

(Iniulat ni Imam Bukhari)

Maraming mga dahilan at mga makabuluhang kaalaman kung bakit ipinatupad ang pag-aayuno, tulad ng mga sumusunod;

1)Ang pag-aayuno ay isang banal na pagsasanay sa mga Mananampalataya, na ang kanyang kaluluwa ay nagsasagawa ng 'Jihad(3)' laban sa mga masasamang hangarin at pagnanasa.

2)Ang pag-aayuno ay nagpapatatag sa kaluluwa ng isang Muslim upang ito ay mangibabaw laban sa lahat ng mga nakakasakit na pananalita at mga gawain.

Ang Propeta ay nagsabi:

"Kung ang isa sa inyo ay nag-aayuno, hindi siya dapat magsalita ng masasama at hindi siya dapat humiyaw o manigaw, at kung siya ay inaaway, nararapat niyang sabihin na, 'Tunay! na ako ay taong nag-aayuno'.

(Iniulat ni Imam Bukhari)

3)Sa oras ng pag-aayuno, mapagtatanto at madarama ng isang tao ang hirap na dinaranas ng kanyang mga kapatid sa mga panahon ng paghihikahos at ito ang nagtutulak sa kanya upang tuparin ang mga karapatan, at maging maawain at matulungin sa kanila. At sa gayon, maipagkakaloob niya ang mga pangunahing pangangailangan at kapakanan nito nang dahil sa pagmamahal at pagsunod sa Dakilang Allah     .

Ang Mahahalagang Puna

Hindi pinahihintulutan ang pag-aayuno sa babaeng dinatnan ng buwanang regla o ang isang babaing dumaranas ng pagdurugo sanhi ng panganganak hanggang ang mga ito ay makalipas. Sa oras na ang pagdurugo ay mawala, dapat siyang maligo nang ganap bago magsimulang isagawa ang mga nakaligtaang mga araw ng pag-aayuno. Kung ang isang tao ay maysakit o naglalakbay, siya ay maaaring hindi mag-ayuno sa araw na iyon, datapwa't nararapat niyang bayaran ito sa mga darating na araw(4).


  1. Sawm. Ang Sawm ay pag-aayuno (pag-iwas sa pagkain, pag-inom at pagkikipagtalik mula sa Adhan ng Fajr hanggang sa pagsapit ng takip-silim.
  2. Al Muttaqun (maramihan) o Muttaqi (isahan)- sila ang mga banal na tao na umiiwas sa kasalanang Shirk (pagsamba sa mga nilikhang bagay maging ito man ay anghel, propeta, rebulto, imahen, bituin, at iba pang ginagawang diyos). Ang  Muttaqun ay larawan ng tunay na nananampalataya sa Nag-iisang Diyos. Sila ay larawan ng kabutihan sa lahat ng aspeto ng kanilang pamumuhay. Ang kanilang pag-uugali, kilos, pananalita, kalooban at kaisipan ay malilinis. Sila ay mga tapat na nananampalataya sa Allah na handang ipagkaloob ang kanilang buhay, yaman at panahon upang ipagtanggol ang kanilang pinagpalang relihiyon. Sila ang mga taong walang kinatatakutan maliban ang Diyos na Lumikha sa lahat-ang Allah.
  3. Jihad: dito ang salita ay ginagamit sa kanyang literal na kahulugan, ang ibig sabihin, 'ang pagpupunyagi laban sa'.
  4. Kailangan ang pagbabayad ng lahat ng mga nakaligtaang pag-aayuno ay bago sumapit ang susunod na Ramadaan. (Ibig sabihin ng pagbabayad dito ay ang pag-aauyuno ulit).