Ang pangangailangan ng mga tao sa relihiyon ay higit na malaki kaysa sa pangangailangan nila sa iba pa na mga kinakailangan ng buhay dahil sa ang tao ay hindi makaiiwas sa pag-alam sa mga kinaroroonan ng kasiyahan ni Allah at mga kinaroroonan ng yamot Niya. Hindi siya makaiiwas sa pagkilos na ipanghahatak niya sa mapakikinabangan niya at pagkilos na ipantutulak niya sa makapipinsala sa kanya.

Ang Batas ay ang nagbubukod sa mga gawang napakikinabangan at mga gawang naka-pipinsala. Ito ay katarungan ni Allah sa mga nilikha Niya at liwanag Niya sa gitna ng mga lingkod Niya. Kaya naman hindi maaari sa tao na mamuhay nang walang batas na mabu-bukod nila sa pamamagitan nito ang gagawin nila at ang ititigil nila.

Kung ang tao ay may pagnanais ay hindi niya maiiwasan na malaman ang ninanais niya. Kung ito ba ay napakikinabangan o nakapipinsala? Kung ito ba ay nakaaayos o nakasisira? Ito ay maaaring nalalaman ng ilan sa mga tao sa pamamagitan ng kalikasan ng pagkalalang sa kanila. Ang iba sa kanila ay nakaaalam nito sa pamamagitan ng paghinuha nito sa pama-magitan ng mga isip nila. Ang iba naman sa kanila ay hindi nakaaalam nito kung hindi sa pamamagitan ng pagpapabatid ng mga sugo, ng paglilinaw ng mga ito sa kanila at ng pag-patnubay ng mga ito sa kanila.

Maging anuman ang paglaganap ng mga ideyolohiyang materyalistang ateista at ang pagmumukhang maganda ng mga ito, at maging anuman ang pagdami ng mga kaisipan at mga teoriya ay hindi maaalis ng mga individuwal at mga lipunan ang pangangailangan sa tamang relihiyon at hindi makakaya ng mga kaisipan at mga teoriya na ito na matugunan ang mga kahilingan ng kaluluwa at katawan.

Bagkus sa tuwing nagpapakalalim ang individuwal sa mga ito ay matitiyak niya nang lubusang pagkatiyak na ang mga ito ay hindi makapagkakaloob sa kanya ng katiwasayan, hindi makatutugon sa pagkauhaw niya at na wala tayong matatakasan mula sa mga ito kundi ang tamang relihiyon.

Nagsasabi si Ernest Renan: “Maaaring maglaho ang panahon ng bawat bagay at mawalang-saysay ang kalayaan ng paggamit ng isip, kaalaman at kahusayan ngunit imposible na mapawi ang pagrerelihiyon. Bagkus mananatili ito na katwirang nangungusap laban sa ideyolohiyang materyalista na nagnanais na limitahan ang tao sa mga abang kakitiran ng panlupang buhay.”(1)

Nagsasabi naman si Muhammad Faríd Wajdí: “Imposible na magmaliw ang ideya ng pagrerelihiyon dahil ito ay pinakamataas sa mga hilig ng kaluluwa at pinakamarangal sa mga damdamin nito, huwag nang sabihing isang hilig na nag-aangat sa ulo ng tao. Bagkus tunay ang hilig na ito ay madadagdagan sapagkat ang kalikasan ng pagrerelihiyon ay bubun-tot sa tao hanggang may pang-unawa na ipang-uunawa sa kagandahan at kapangitan. Mada-dagdagan sa kanya ang kalikasan na ito ayon sa sukat ng kataasan ng mga pagtalos niya at paglago ng mga kaalaman niya.”(2)

Kapag nalayo ang tao sa Panginoon niya ay ayon ito sa sukat ng taas ng mga pagkatalos niya at sa lawak ng mga abot-tanaw ng kaalaman niya. Natatalos niya ang laki ng kamang-mangan niya sa Panginoon niya; ang kinakailangang gampanan sa Kanya; ang kamang-mangan niya sa sarili niya, sa anumang nagpapabuti rito, nagpapasama rito, nagpapaligaya rito at nagpapahapis dito; at ang kamangmangan niya sa mga kaliit-liitang bahagi ng mga agham at mga talasalitaan ng mga ito gaya ng Astronomiya, Computer Science, Nuclear Physics at iba pa.

Sa sandaling iyon, umuurong ang mundo mula sa yugto ng kapalaluan at pagkamapag-malaki tungo sa pagpapakumbaba at pagsuko. Naniniwala ito na sa likod ng agham ay may isang nakaaalam na marunong at na sa likod ng kalikasan ay may isang tagapaglikhang nakakakaya.

Inoobliga ng katotohanang ito ang makatarungang mananaliksik na maniwala sa naka-lingid, magpasakop sa matuwid na relihiyon, at tumugon sa panawagan ng kalikasan ng pagkalalang at katutubong gawi. Kapag iniwan ng tao iyon ay mapipinsala ang kalikasan ng pagkalalang sa kanya at babagsak sa antas ng piping hayop.

Mabubuod natin sa pamamagitan nito na ang totoong pagrerelihiyon — na nakasalig sa pagbubukod-tangi kay Allah sa pamamagitan ng Tawhíd (3)at sa pagsamba sa Kanya alin-sunod sa isinabatas Niya — ay isang kinakailangang sangkap ng buhay upang maisakatu-paran ng tao sa pamamagitan nito ang pagkaalipin niya kay Allah, ang Panginoon ng mga nilang, at upang matamo niya ang kaligayahan niya at ang kaligtasan niya mula sa kapa-hamakan, paghihirap at kahapisan sa mundo at Kabilang-buhay.

Ito ay kinakailangan upang malubos sa tao ang lakas sa pampagmamasid. Sa pamama-gitan lamang nito masusumpungan ng isip ang makabubusog sa lunggati niya. Bukod pa rito ay hindi maisasakaganapan ang mga napakataas ng mithiin niya.

Ang pagrerelihiyon ay isang kinakailangang sangkap para sa pagdadalisay sa kaluluwa at pagdidisiplina sa lakas ng emosyon yamang ang mga marangal na damdamin ay maka-susumpong sa Islam ng isang larangang masagana at isang batis na hindi mauubusan ang bukal nito, na matatamo rito ng mga [damdaming] ito ang layon ng mga ito.

Ang pagrerelihiyon ay isang kinakailangang sangkap upang malubos ang lakas ng pag-nanais dahil sa itinutulong nito na napakalaking mga pampasigla at mga pang-udyok. Nagpapatibay ito sa lakas ng pagnanais sa pamamagitan ng napakalaking mga paraan ng pagkalaban sa mga sanhi ng panghihina ng pag-asa at kawalan ng pag-asa.

Ayon dito, kung may nagsasabi na “ang tao ay sibilisado ayon sa kalikasan niya,” nara-rapat naman na sabihin natin na “ang tao ay relihiyoso ayon sa kalikasan ng pagkalalang sa kanya” (4)dahil ang tao ay may dalawang lakas: lakas pangkaalaman na pampagmamasid at lakas pangkaalaman na pampagnanais.(5) Ang ganap na kaligayahan niya ay nakasalalay sa pagkalubos ng dalawang lakas niya: ang pangkaalaman at ang pampagnanais. Hindi naisasakaganapan ang paglulubos sa lakas pangkaalaman kundi sa pamamagitan ng pag-kakilala sa sumusunod:

  1. Ang pagkakilala sa Diyos na Tagapaglikha na Tagapagtustos na lumalang sa tao mula sa wala at nagpasagana sa kanya ng mga biyaya;

  2. Ang pagkakilala sa mga pangalan ni Allah at mga katangian Niya, sa isinatungkuling gampanan sa Kanya, at sa epekto ng mga pangalang ito sa mga lingkod Niya;

  3. Ang pagkakilala sa daan na nagpaparating tungo kay Allah;

  4. Ang pagkakilala sa mga bumabalakid at mga salot na humahadlang sa pagitan ng tao at ng pagkakilala sa daan na ito at sa ipinararating ng kaalamang ito sa kanya na dakilang lugod;

  5. Ang pagkakilala sa sarili mo nang tunay na pagkakilala, ang pagkakilala sa kinakaila-ngan nito at sa anumang nagpapabuti rito at nagpapasama rito, at ang pagkakilala sa nilalaman nito na mga kalamangan at mga kapintasan.

Sa pamamagitan ng limang pagkakilala na ito ay nalulubos ng tao ang pangkaalamang lakas niya. Ang paglulubos ng lakas na pangkaalaman at pampagnanais ay hindi magaganap kung hindi sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga karapatan ni Allah sa nilikha at pagsasagawa sa mga ito ayon sa kawagasan, katapatan, pagpapayo at pagsubaybay, at ayon sa pagsaksi sa biyaya Niya sa nilikha. Walang daan tungo sa pagkakalubos ng dalawang lakas na ito kundi sa pamamagitan ng tulong ni Allah sapagkat ang tao ay nangangailangan na patnubayan siya ni Allah sa tuwid na landasin, na pinatnubayan Niya ang mga tinang-kilik Niya tungo roon.(6)

Matapos na malaman natin na ang tamang relihiyon ay ang ayudang makadiyos para sa iba-ibang lakas ng kaluluwa, tunay na ang Relihiyon din ang kalasag na nagsasanggalang sa lipunan. Iyon ay dahil sa ang buhay pantao ay hindi mananatili kundi sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa pagitan ng mga kaanib nito, at hindi malulubos ang pagtutulungan na ito kung hindi sa pamamagitan ng isang sistema na nagsasaayos sa mga ugnayan nila, nag-tatakda ng mga tungkulin nila at nagagarantiya sa mga karapatan nila.

Ang sistema na ito ay hindi makaiiwas sa pangangailangan sa awtoridad na sumasaway, sumusugpo at pumipigil sa tao sa paglabag dito, nagpapanais sa tao sa pangangalaga rito, gumagarantiya sa pagpipitagan dito ng mga tao at pumipigil sa paglabag sa mga ipinag-babawal nito.

Kaya ano ang awtoridad na ito? Masasabi ko na walang lakas sa balat ng lupa na maka-tutumbas sa lakas ng pagrerelihiyon o makalalapit doon sa paggagarantiya ng paggalang sa kaayusan at pagtitiyak sa pagbubukluran ng lipunan, katatagan ng sistema nito, at pag-kakatugma ng mga kaparaanan ng kaginhawahan at katiwasayan dito.

Ang lihim doon ay na ang tao ay natatangi sa lahat ng nilikhang buhay dahil ang mga pagkilos niya at ang mga gawi niya na kusang-loob ay binabalikat ang pag-akay sa mga ito ng isang bagay na hindi natatalos ng pandinig ni paningin. Ito ay isang paniniwalang pampananampalataya lamang na nagdidisiplina sa kaluluwa at nagdadalisay sa mga bahagi ng katawan. Samakatuwid ang tao ay inaakay magpakailanman ng isang paniniwalang tumpak o tiwali. Kapag naging matuwid ang pinaniniwalaan niya ay magiging matuwid sa kanya ang bawat bagay. Kapag naging tiwali ito ay magiging tiwala ang bawat bagay.

Ang Pinaniniwalaan at ang Pananampalataya ay ang Pansariling Bantay sa Tao at ang mga ito — gaya ng napapansin sa kalahatan ng mga tao — ay nasa dalawang uri:

  • Pananampalataya sa pagkamahalaga ng kabutihan, sa dangal ng tao at iba pang mga dalisay na katangian na ikahihiya ng mga mataas na kaluluwa ang pagsalungat sa mga udyok nito kahit pa alisan ang mga ito ng mga pananagutang panlabas at mga materyal na ganti.

  • Pananampalataya kay Allah, na Siya ay Bantay sa mga lihim. Nalalaman Niya ang lihim at ang higit na lingid. Hinahango ng Sharí‘ah ang awtoridad nito mula sa iniutos Niya at sinaway Niya. Nagliliyab ang mga damdamin sa pagkahiya kay Allah bunsod ng pag-ibig sa Kanya o pagkatakot sa Kanya o magkasabay. Walang pag-aalinlangan na ang uri na ito ng pananampalataya ay higit na malakas sa dalawang uri bilang awtoridad sa kaluluwang tao. Ito ay higit na matindi sa dalawa sa pagkalaban sa mga buhawi ng pithaya at mga pagpapabagu-bago ng mga emosyon, at higit na mabilis sa dalawa sa panunuot sa mga puso ng karaniwang tao at piling tao.

Alang-alang doon, ang relihiyon ay pinakamainam na tagapagtiyak sa pananatili ng pakikitungo sa pagitan ng mga tao ayon sa mga panuntunan ng katarungan at kawalang-pagkiling. Dahil doon ito ay isang pangangailangang panlipunan. Kaya naman walang pagtataka kung lumagay ang relihiyon kaugnay sa kalipunan nito sa kinalalagyan ng puso kaugnay sa katawan.(7)

Kung ang relihiyon sa kabubuan ay nasa ganitong kalagayan, ang nasasaksihan naman sa ngayon ay ang pagkarami-raming relihiyon at kulto sa daigdig na ito. Matatagpuan mo ang bawat kalipunan na masaya sa taglay nilang relihiyon at nangangapit dito. Kaya ano naman ang tumpak na relihiyon na magsasakatuparan sa kaluluwang tao ng hinahangad nito? Ano ang mga pamantayan sa tumpak na relihiyon?



  1. Tingnan ang ad-Dín (Ang Relihiyon), akda ni Muhammad ‘Abdulláh Darraz, pahina 87. 
  2.  Tingnan ang ad-Dín (Ang Relihiyon), akda ni Muhammad ‘Abdulláh Darraz, pahina 88. 
  3.  Sa literal na kahulugan ay “paniniwala sa pagkaiisa” at sa Islam naman ay “Paniniwala sa pagkaiisa ni Allah at pamumukod-tangi Niya sa anumang nauukol sa Kanya na pagkapanginoon, pagkadiyos, at mga pangalan at mga katangian.” Ang kabaliktaran nito ay ang Shirk. Ang Tagapagsalin. 
  4.  Tingnan ang ad-Dín (Ang Relihiyon), akda ni Muhammad ‘Abdulláh Darraz, pahina 84, 98. 
  5.  O lakas ng kaalaman sa pagmamasid at lakas ng kaalaman sa pagnanais. Ang Tagapagsalin. 
  6.  Tingnan ang al-Fawá id (Ang mga Pakinabang), pahina 18, 19. 
  7.  Tingnan ang ad-Dín (Ang Relihiyon), akda ni Muhammad ‘Abdulláh Darraz, pahina 98, 102.