Nararapat na paniwalaan na ang mga anghel ay mula sa paglikha ng Allah Subhaanaho wa Ta'aala ; walang sinuman ang nakakaalam sa tunay na bilang ng mga ito maliban sa Kanya. Sila ay may sariling ginagalawang daigdig mula sa Al Ghaib (di-nakikita). Sila ay nilikha ng Allah Subhaanaho wa Ta'aala  upang sumamba at sumunod lamang sa Kanya at wala silang kakayahang sumuway sa Kanya. Sila ay sumusunod at tumutupad sa lahat ng ipinag-uutos ng Allah Subhaanaho wa Ta'aala  tulad ng pamamahala, pagmamatyag, pangangalaga ng buong santinakpan kabilang na rin maging ang lahat ng mga nilikha, na ito ay naayon sa kautusan at kapahintulutan ng Allah Subhaanaho wa Ta'aala .

Ang Allah Subhaanaho wa Ta'aala  ay nagsabi,

"Kailanman ay hindi magagawang itakwil nang may pagmamalaki ng Messiah ang kanyang pagiging isang alipin ng Allah, at maging ang mga anghel na malalapit (sa Allah).  At sinumang magtakwil sa pagsamba sa Kanya (Allah) at siya ay magmalaki, magkagayo’y silang lahat ay Kanyang titipunin nang sama-sama sa Kanya. (1)"

Qur'an, Kabanata An-Nisaa, 4:172;

Ang mga anghel ay gumaganap bilang mga Sugo sa pagitan ng Allah Subhaanaho wa Ta'aalaat ng Kanyang mga Sugo para sa sangkatauhan.

Ang Allah Subhaanaho wa Ta'aalaay nagsabi,

"Na ibinaba ng isang Pinagkakapuring Ruh (ang Anghel Gabriel) sa iyong puso (O Muhammad) upang ikaw ay maging isa sa mga tagapagbabala, sa malinaw na wikang arabik.".

Qur'an, Kabanata, Ash-Shu'araa, 26:193-195;

Nilikha ng Allah Subhaanaho wa Ta'aalaang mga Anghel para mangalaga at mangasiwa sa mga ibat-ibang bagay na ipag-uutos sa kanila;

Ang Allah Subhaanaho wa Ta'aalaay nagsabi,

"Kinatatakutan nila (ng mga Anghel) ang kanilang Rabb (Panginoon) na nasa itaas, at sila ay tumatalima sa bawa't ipinag-uutos sa kanila."

Qur'an, Kabanata An-Nahl, 16:50;

Ang mga Anghel ay hindi mga katambal o karibal ng Allah Subhaanaho wa Ta'aalasa pagiging Diyos, at hindi sila mga anak ng Allah  Subhaanaho wa Ta'aala, datapwa't nararapat silang igalang at mahalin.

Ang Allah Subhaanaho wa Ta'aalaay nagsabi,

"At sila ay nagsipagturing: 'Ang Mahabagin (Allah) ay nagkaroon ng anak (na lalaki o mga supling)', Luwalhati sa Kanya! Sila (na itinuring nilang mga anak ng Allah, mga anghel, si Hesus – anak ni Maria, si Ezra atbp.) ay mga mararangal na alipin lamang. Sila ay hindi nangungusap hanggang Siya (Allah) ay hindi nakikipag-usap, at sila ay gumagawa ayon sa Kanyang pag-uutos."

Qur'an, Kabanata Al-Anbiyaa, 21:26-27;

Sila ay patuloy na sumasamba at sumusunod sa Allah  Subhaanaho wa Ta'aala, lagi nang lumuluwalhati at pumupuri sa Kanya  Subhaanaho wa Ta'aala.

Ang Allah Subhaanaho wa Ta'aalaay nagsabi,

"Sila (ang mga Anghel) ay lumuluwalhati ng Kanyang mga Papuri sa gabi at araw, at sila ay hindi nakalilimot o nagpapabaya (na gawin ito)."

Qur'an, Kabanata Al-Anbiyaa, 21:20;

Ang mga Anghel ay nilikha mula sa liwanag.

Ang Propeta  Sal'lal'laaho a'laihi wa sal'lam, ay nagsabi;

"Ang mga Anghel ay nilikha mula sa liwanag, ang mga 'Jinn' ay nilikha mula sa apoy na walang usok at si Adan   ay nilikha (tulad ng nakasulat sa Qur'an) mula sa alabok."

Bagaman sila ay nilikha sa liwanag, sila ay hindi nakikita. Sila ay pinagkalooban ng kakayahang mag-ibang anyo tulad ng isang tao upang sila ay makita at masaksihan sa ibang pagkakataon.

Ang Allah Subhaanaho wa Ta'aalaay nagsabi na si Arkanghel Gabriel (2)  ay nagpakita kay Maryam sa anyo ng tao, "At siya ay naglagay ng isang tabing (upang ikubli ang sarili) sa kanila, (at) pagkaraan ay Aming ipinadala sa kanya ang Ruh (Banal na Espiritu, ang Anghel Gabriel), at ito ay lumitaw sa kanyang harapan sa anyo ng isang ganap na tao. Kanyang sinabi : ‘Katotohanan ! ako’y humihingi ng paglingap sa Mahabagin (Al-Rahman) laban sa iyong (kasamaan), kung tunay ngang ikaw ay may takot sa Allah. Kanyang (ni Gabriel) sinabi : ‘Ako ay isang Sugo lamang ng iyong Rabb (Panginoon), (upang ipabatid) sa iyo ang pagkakaroon ng isang anak na lalaki bilang handog."

Qur'an, Kabanata Maryam, 19:17-19;

Nakita ng Propeta Muhammad  Sal'lal'laaho a'laihi wa sal'lam,, ang Anghel Jibreel   sa tunay na anyong paglikha sa kanya. Siya ay mayroong 600 na raang pakpak na sakop ang buong alapaap.

Ipinahayag ng Allah Subhaanaho wa Ta'aalaang mga ibang pangalan at mga gawain ng mga Angel. Ang isa sa kanila ay ang Anghel Jibreel   at siya ay naatasan na magbigay ng kapahayagan mula sa Allah Subhaanaho wa Ta'aala,

"Na ibinaba ng isang Pinagkakapuring Ruh (ang Anghel Gabriel). Sa iyong puso (O Muhammad) upang ikaw ay maging isa sa mga tagapagbabala, sa malinaw na wikang arabik."

Qur'an, Kabanata As-Shuaraa, 26:193-194;

Ang Anghel Israafeel   ay isang anghel na binigyan ng tungkulin upang umihip ng trumpeta sa pagsapit ng takdang Araw ng Pagkabuhay Muli at ang Anghel Mikaeel   ay naitalaga sa pagbantay ng ulan at halamanan. At may inatasang dalawang Anghel na nagtatala ng mga gawain ng mga tao, ang isa ay nagsusulat ng lahat ng mga mabubuting gawain at ang isa naman ay nagsusulat ng lahat ng mga kasalanan nito.

Ang Allah Subhaanaho wa Ta'aalaay nagsabi;

"(Alalahanin!) ang dalawang nagbabantay (tagapagtalang mga Anghel), isa ay nakaupo sa kanan at isa sa kaliwa (na nakatalaga upang mabatid ang mga gawa at maitala ito). Walang isa mang salita na kanyang usalin ang makahuhulagpos sa mahigpit na Tagapagbantay (upang maitala ito)."

Qur'an, Kabanata Qaaf, 50:17-18;

Ang Anghel ng Kamatayan   (Malak-ul-Mawt) ay isang Anghel na itinalaga para kumuha sa mga kaluluwa ng mga tao sa oras ng kanilang kamatayan.

Ang Allah Subhaanaho wa Ta'aalaay nagsabi;

"Sabihin (O Muhammad), ang Anghel ng kamatayan na nakatalaga sa inyo ay (walang pagsalang) magtatangan ng inyong kaluluwa, at kayo ay muling ibabalik sa inyong Rabb (Panginoon)."

Qur'an, Kabanata As-Sajdah, 32:11;

Ang Anghel Maalik   ay isang Anghel na itinalaga sa pagbabantay ng Impiyerno.

Ang Allah Subhaanaho wa Ta'aalaay nagsabi,

"Sila ay magsisitangis; 'O Maalik (ang Tagapagbantay ng Impiyerno)! Hayaan ang iyong Rabb (Panginoon) ay magbigay  wakas sa amin!' Siya (Maalik) ay magsasabi: 'Katotohanan, kayo ay mananatili rito magpakailanman!"

Qur'an, Kabanata Az-Zukhruf, 43;77;

Ang Anghel Ridwan   ay isang Anghel na itinalaga sa pagbabantay ng 'Jannah'(3) (Paraiso), at marami pang ibang mga Anghel na namamahala at nagbabantay sa mga tao. Marami pang iba na nakatalaga sa mga likas na gawain. Ang mga iba ay nababanggit sa Qur'an at sa Sunnah(4), datapwa't ang mga iba ay hindi binanggit, nguni't tayo ay nararapat na maniwala sa kanilang lahat.



  1. Ang mga Propeta at maging ang mga anghel ay hindi kailanman tinanggihan ang pagiging alipin ng Allah Subhaanaho wa Ta'aala. Hindi kailanman nila nilisan ang pagsamba sa Allah Subhaanaho wa Ta'aala. Ito ay sadyang taliwas sa mga tao ngayon na nagiging suwail at nawawalan ng pasasalamat sa Dakilang Lumikha sa kabila ng mga panustos na Kanyang iginagawad sa kanila. Ang lalo pang kalapastanganang ginagawa nila ay sumasamba sila sa mga diyus-diyusan katulad ng mga idolo, rebulto, buntala, anito, tao, santo, santa, propeta, ispiritu atbp. Ang mga ganitong tao ay titipunin ng Allah Subhaanaho wa Ta'aalasa Araw ng Paghuhukom upang litisin.
  2.  Kung inyong mapapansin, kapag ang Anghel Gabriel   ay nasa anyong tao, ang pantukoy na ginagamit ay "si" (Si Anghel Gabriel) ngunit kung siya ay nasa kanyang likas na anyo, ang pantukoy na ginagamit ay "ang" (Ang Anghel Gabriel). Ito ay upang bigyan ng pagitan o kaibahan ang kanyang kalagayan sa anyong tao o sa likas niyang anyo.
  3. Jannah: Ang Paraiso.  Ang Walang Hanggang Tahanan na nakalaan lamang para sa mga Mananampalataya.
  4.  Sunnah: Ang mga kaugalian at pamamaraan ng buhay ni Propeta Muhammad  Sal'lal'laaho a'laihi wa sal'lam,.