Ang pagsasagawa ng Hajj ay isang tungkulin ng isang Muslim minsan sa kanyang tanang buhay. Ang Hajj ay isang banal na paglalakbay sa Banal na Tahanan ng Allah (ang Ka'bah) upang magsagawa ng mga itinakdang rituwal sa mga partikular na pook at partikular na oras. Ang haliging ito ng Islam ay isang takdang tungkulin at nararapat gampanan ng lahat ng mga Muslim, lalake man o babae, na nasa tamang pag-iisip at tamang gulang, (mula sa gulang ng pagbibinata o pagdadalaga) at may sapat na kakayahang pangkalusugan at pananalapi. Sa isang Muslim na may sapat na pananalapi nguni't may karamdaman na sadyang humahadlang sa kanyang pagsasagawa ng Hajj, siya ay maaaring magtalaga ng isang tao upang magsagawa ng Hajj para sa kanya. Datapwa't kung ang kanyang nakalaang gugugulin ay sapat lamang sa kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan, hindi sapilitan sa kanya ang pagsasagawa ng Hajj.
Ang Allah ay nagsabi,
"Dito (ay matatagpuan) ang mga malilinaw na Ayat (mga palatandaan—kabilang rito) ang Maqam(1) ni Ibrahim (Abraham). At sinumang humayong pumasok dito ay kanyang makakamtan ang kaligtasan. At ang Hajj sa Tahanan (Kaba’ah) ay isang tungkulin (na dapat gampanan) ng sangkatauhan sa Allah, yaong may kakayahang gumugol (ng kanilang paglalakbay). At sinuman ang magtakwil (tungkol dito), samakatuwid, ang Allah ay walang pangangailangan ng anuman sa sinuman sa Kanyang mga nilikha ('Alamin) (sangkatauhan, Jinn at lahat ng nilikha).
Qur'an, Kabanata Al-Imraan, 3:97;
Maraming mga makatuwirang kaalaman at kadahilanan kung bakit ipinag-uutos ang Hajj, ang mga ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod;
1)Upang madagdagan ang kanyang mga mabubuting gawa nang dahil sa kanyang tapat na pagsunod at pagtalima sapagka't ang pagsasagawa ng Hajj na tinanggap ng Allah ay walang anupamang gantimpala maliban ang pagpasok sa Jannah (Paraiso).
Ang Propeta ng Allah ay nagsabi;
"Ang 'Umrah'(2) na sinundan pa ng iba ay pumapawi ng mga maliliit na kasalanan na nagawa sa pagitan ng mga ito (Umrah) at ang gantimpala ng katanggap-tanggap na Hajj ay walang iba kundi ang Jannah (Paraiso)."
(Iniulat ni Imam Bukhari)
2)Upang maipadama ang pagkakaisa ng mga Muslim, sapagka't ang Hajj ay siyang pinakamalaking Islamikong pagtitipon. Ang mga Muslim sa buong mundo ay nagkakatipun-tipon sa isang lugar at oras, tumatawag (dumadalangin at nagsusumamo) sa iisang Rabb (Panginoon), nakasuot ng isang anyo ng kasuotan at nagsasagawa ng isang pamamaraan ng mga rituwal o seremonya. Hindi makikita rito ang pagkakaiba ng mga mayayaman o mahihirap, ang may pinag-aralan o wala, at ang puti at itim (na balat), at ang Arabo o hindi Arabo. Ang lahat ay sama-sama sa harap ng Allah ; walang pagkakaiba sa kanila maliban ang antas ng kabanalan (Taqwaa). Ang Hajj ay isang pagdiriwang ng mga Muslim na nagbibigay-diin sa diwa ng Pagkakapatiran ng lahat ng mga Muslim at ang pagkakaisa ng kanilang layunin, mithiin at damdamin.
3)Ito ay isang pagsasanay pang-espirituwal na nagtuturo sa isang tao upang magsikap sa pangkatawan at pananalapi na dapat gugulin sa Landas ng Allah at ang pagpupunyagi para sa Kanyang Kasiyahan.
4)Ito ay paglilinis sa mga kasalanan at kamalian.
Ang Propeta Muhammad ay nagsabi;
"Sinuman ang nagsakatuparan sa tungkuling Hajj sa tahanan (ang Ka'bah) at hindi nagsagawa ng mga malalaswang salita at hindi gumawa ng anumang kasalanan, siya ay babalik na tila isang batang bagong silang (na walang bahid ng kasalanan)."
- Sinabi ng Allah na ang Ka’bah ang unang bahay dalanginan na itinalaga sa lahat ng sangkatauhan sa kanilang pagsagawa ng pagsamba at mga rituwal. Lumalakad sila sa palibot ng Ka’bah (sa Tawaf), nananalangin sa paligid nito at nanatili dito sa kanilang I’tikaf. Sa pag-uutos ng Allah, ang Ka’bah ay itinayo sa Bakkah (Makkah) ni Abraham, na ang kanyang relihiyon ay inaangking sinusunod ng mga Hudyo at Kristiyano. Subali’t hindi sila nagsasagawa ng Hajj bagaman nagbigay ng anyaya si Abraham sa tao ng pumarito upang gampanan ang Hajj. Isa sa pangalan ng Makkah ay Bakkah, na nangangahulugan ng ‘nagdadala ng Buka’ (pag-iyak) sa mga pinunong mapaniil at palalo, ay nagiging mapagkumbaba kapag sila ay napunta rito. Gayundin, nangangahulugan na ang mga tao ay nagsisigawa ng Buka (pagpupulong) sa tabi nito Ito ay tinatawag ding Al-Bayt Al-Atiq (ang Lumang Bahay), Al-bayt Al-Haram (Ang Sagradong Bahay), Al-Balad Al-Amin (ang Lungsod ng Kaligtasan) at Al-Ma’mun (Katiwasayan).
- 'Umrah: Maliit na 'Pilgrimahe'. Ito ay binubuo ng Tawaaf at Sa'ee habang nakasuot ng 'Ihraam'. (Ang mga bagong termino ay ipapaliwanag sa mga susunod na pahina).