Sumasamba ang marami sa mga tao sa mga nilikha at mga niyaring diyos gaya ng punong-kahoy, bato at tao. Dahil dito ay tinanong ng mga Hudyo at mga Mushrik (1)ang Sugo ni Allah (SAS) tungkol sa katangian ni Allah at kung mula sa aling bagay Siya. Kaya naman ibinaba ni Allah ito: Sabihin mo:

“Siya, si Allah, ay Isa.(2) Si Allah ay ang Dulugan sa pangangailangan. Hindi Siya nagkaanak at hindi Siya ipinanganak, at walang isa man na sa Kanya ay naging kapantay.”

Qur’an 112:1-4.

Ipinakilala Niya sa mga lingkod(3) Niya ang sarili Niya. Sinabi Niya:

Tunay na ang Panginoon ninyo ay si Allah na lumikha sa mga langit at lupa sa loob ng anim na araw. Pagkatapos ay lumuklok Siya sa Trono. Ipinambabalot Niya ang gabi sa maghapon na humahabol naman doon sa gabi nang maliksi. Nilikha Niya ang araw, ang buwan at ang mga bituin, na mga sunud-sunuran sa utos Niya. Pakatandaan, ukol sa Kanya ang paglikha at ang pag-uutos. Mapagpala si Allah, ang Panginoon ng mga nilalang.

 Qur’an 7:54.  

Sinabi pa Niya:

Si Allah ang nag-angat sa mga langit nang walang mga haligi na nakikita ninyo. Pagkatapos ay lumuklok Siya sa Trono. Pinasunud-sunuran Niya ang araw at ang buwan; bawat isa ay tumatakbo sa takdang taning. Pinangangasiwaan Niya ang kapakanan; sinari-sari Niya ang mga tanda nang harinawa kayo sa paki-kipagtagpo sa Panginoon ninyo ay makatiyak. Siya ang naglatag sa lupa at naglagay rito ng mga matatag na bundok at mga ilog. Mula sa lahat ng bunga ay gumawa Siya sa mga ito ng dalawang kapares. Ipinambabalot Niya ang gabi sa maghapon….Si Allah ay nakaaalam sa anumang dinadala ng bawat babae, anumang kinulang ang mga sinapupunan at anumang lumabis ang mga ito. Bawat bagay sa Kanya ay ayon sa sukat, ang Nakaaalam sa nakalingid at nasasaksihan, ang Dakila,(4) ang Nakatataas.

Qur’an 13:2-3, 8-9. 

Nagsabi pa Siya:

Sabihin mo: “Sino ang Panginoon ng mga langit at lupa?” Sabihin mo: “Si Allah.” Sabihin mo: “Kaya gumawa ba kayo bukod pa sa Kanya ng mga tagatangkilik na hindi nakakayang magdulot para sa mga sarili nila ng pakinabang ni pinsala?” Sabihin mo: “Nagkakapantay ba ang bulag at ang nakakikita? O nag-kakapantay ba ang mga kadiliman at ang liwanag? O gumawa ba sila para kay Allah ng mga katambal na lumikha gaya ng paglikha Niya kaya nagkakawangis ang pag-kakalikha ng dalawa para sa kanila?” Sabihin mo: “Si Allah ay Tagapaglikha ng bawat bagay at Siya ang Nag-iisa, ang Manlulupig.”

Qur’an 13:16.

Inilahad Niya sa kanila ang mga talata Niya bilang mga patotoo at mga patunay. Nagsabi Siya:

Kabilang sa mga tanda Niya ang gabi at ang maghapon, at ang araw at ang buwan. Huwag kayong magpatirapa sa araw ni sa buwan; magpatirapa kayo kay Allah na lumikha sa mga ito, kung kayo ay sa Kanya sumasamba. Ngunit kung nagmalaki sila sa pagtanggi, ang mga nasa piling ng Panginoon mo ay nagluluwalhati sa Kanya sa gabi at maghapon, at sila ay hindi nanghihinawa. Kabilang sa mga tanda Niya ay na ikaw ay nakakikita na ang lupa ay tigang ngunit kapag ibinaba Namin dito ang tubig, gumagalaw-galaw ito at lumalago ito. Tunay na ang nagbigay-buhay rito ay talagang magbibigay-buhay sa mga patay. Tunay na Siya sa bawat bagay ay Makapangyarihan.

Qur’an 41:37-39.

Sinabi pa Niya:

Kabilang sa mga tanda Niya ang pagkakalikha ng mga langit at lupa, at ang pagkakaiba-iba ng mga wika ninyo at mga kulay ninyo. Tunay na sa gayon ay talagang may mga tanda para sa mga nakaaalam. Kabilang sa mga tanda Niya ang pagtulog ninyo sa gabi at maghapon,

 Qur’an 30:22-23.  

Inilarawan Niya ang sarili Niya sa pamamagitan ng mga pang-uri ng kagandahan at kalu-busan. Sinabi Niya:

Si Allah, walang Diyos kundi Siya, ang Buhay, ang Tagapagpanatili. Hindi Siya natatangay ng antok ni ng pagkatulog. Sa Kanya ang anumang nasa mga langit at ang anumang nasa lupa. Sino kaya ang mamamagitan sa Kanya nang walang kapahintulutan Niya? Nalalaman Niya ang hinaharap nila at ang nakaraan nila. Wala silang masasaklawan sa anuman mula sa kaalaman Niya maliban sa niloob Niya.

Qur’an 2:255. 

Nagsabi pa Siya:

ang Nagpapatawad ng pagkakasala, Tumatanggap ng pagsisisi, matindi sa pagpaparusa, May-ari ng pagpapala. Walang Diyos kundi Siya; tungo sa Kanya ang kahahantungan.

Qur’an 40:3. 

Sinabi pa Niya: Siya ay si Allah na walang Diyos kundi Siya, ang Hari, ang Banal, ang Sakdal,(5) ang Tagapagpasampalataya,(6)

ang Tagapagbantay, ang Nakapangyayari, ang Tagasupil, ang Makapagmamalaki. Napakamaluwalhati ni Allah kaysa sa mga itinatambal nila.

Qur'an 59:23.

Ito ang Panginoong Diyos, ang Marunong, ang Makapangyarihan na nagpakilala ng sarili Niya sa mga lingkod Niya at naglahad sa kanila ng mga talata Niya bilang mga patotoo at mga patunay. Inilarawan Niya ang sarili Niya sa pamamagitan ng mga katangian ng kalubusan. Nagpapatunay sa kairalan Niya, pagkapanginoon Niya at pagkadiyos Niya ang mga batas na pampropeta, ang pangangailangang pangkaisipan at ang kalikasan ng pagkalalang. Nagkaisa naman ang mga kalipunan doon. Lilinawin ko sa iyo ang isang bahagi niyon sa susunod.

Tungkol naman sa mga patunay sa kairalan Niya at pagkapanginoon Niya, ang mga ito ang sumusunod:

A. Ang Pagkalikha sa Sansinukob na Ito at ang Anumang Nasa Loob Nito na Kahanga-hangang Pagkayari

Napaliligiran ka, tao, ng malaking Sansinukob na ito. Binubuo ito ng mga langit, mga tala, mga galaxy at nakalatag na lupa. Dito sa lupa ay may mga bahaging magkakatabi na nagkakaiba-iba ang tumutubo sa mga ito ayon sa pagkakaiba-iba ng mga ito. Narito ang lahat ng bunga. Mula sa lahat ng nilikha ay makasusumpong ka ng magkatambal.

Ang Sansinukob na ito ay hindi lumikha sa sarili nito at kailangang tiyak na mayroon itong isang tagapaglikha sapagkat hindi maaaring nilikha nito ang sarili nito. Kaya sino ang lumikha rito ayon sa kahanga-hangang sistema na ito, lumubos dito ayon sa magandang pagkalubos na ito at gumawa rito na isang tanda para sa mga nagmamasid kung hindi si Allah, ang Nag-iisa, ang Manlulupig na walang Panginoon na iba pa sa Kanya at walang Diyos bukod pa sa Kanya?

Nagsabi si Allah:

O nilikha ba sila mula sa hindi isang bagay o sila ang mga tagapag-likha? O nilikha ba nila ang mga langit at ang lupa? Bagkus hindi sila nakatitiyak.

  Qur’an 52:35-36. 

Naglaman ang dalawang talata na ito ng tatlong batayang pahayag:

1. Nilikha ba sila mula sa wala?

2. Nilikha ba nila ang mga sarili nila?

3. Nilikha ba nila ang mga langit at ang lupa?

Kung hindi nangyaring nilikha sila mula sa wala, hindi nila nilikha ang mga sarili nila at hindi nila nilikha ang mga langit at ang lupa, kinailangang hindi maiiwasang kilalanin ang pagkakaroon ng isang tagapaglikha na lumikha sa kanila at lumikha sa mga langit at lupa. Siya ay si Allah, ang Nag-iisa, ang Manlulupig.

B. Ang Kalikasan ng Pagkalalang

Ang mga nilikha ay mga nilalang na likas sa pagkilala sa Tagapaglikha, na Siya ay pinaka-kapita-pitagan, pinakamalaki, pinakadakila, pinakalubos kaysa sa lahat ng bagay. Ang bagay na ito ay nakatatag sa kalikasan ng pagkalalang, na higit na matindi sa katatagan kaysa sa mga prinsipyo ng Matematika. Hindi na ito nangangailangan ng paglalahad ng patunay maliban sa taong nabago ang kalikasan ng pagkalalang sa kanya at naganap sa kalikasang ito ang ilan sa mga pangyayari na nagpabaling dito palayo sa nangangalaga rito.(8)

Sinabi Niya:

Mamalagi sa kalikasan ng pagkalalang ni Allah na nilalang Niya ang mga tao ayon doon. Walang pagpapalit sa pagkakalikha ni Allah. Iyan ay ang matuwid na Relihiyon,

Qur’an 30:30.

Sinabi naman ng Propeta (SAS): Walang anumang ipinanganak kundi ipinangangank ayon sa kalikasan ng pagkalalang. Ngunit ang mga magulang niya ay nagpapa-Hudyo sa kanya o nagpapa-Kristiyano sa kanya o nagpapa-Mago(9) sa kanya. Gaya ng pagkaluwal ng hayop sa isang hayop na buo ang bahagi, nakadarama ka ba rito ng anumang kulang na bahagi?

Pagkatapos ay nagsasabi si Abú Hurayrah: “Bigkasin ninyo kung loloobin ninyo: Mamalagi sa kalikasan ng pagkalalang ni Allah na nilalang Niya ang mga tao ayon doon. Walang pagpapalit sa pagkakalikha ni Allah.(10)

Sinabi rin niya (SAS): Pakatandaan, tunay na ang Panginoon ko ay nag-utos sa akin na ituro ko sa inyo ang hindi niyon nalaman mula sa itinuro Niya sa akin sa araw ko na ito: Bawat ari-arian na ipinagkaloob Ko sa isang lingkod ay ipinahihintulot. Tunay na Ako ay lumikha sa mga lingkod Ko bilang mga makatotoo lahat sila. Tunay na sila ay pinuntahan ng mga demonyo saka pinagala-gala sila ng mga ito palayo sa Relihiyon nila at ipinagbawal ng mga ito sa kanila ang ipinahintulot Ko sa kanila. Inutusan sila ng mga ito na magtambal sa Akin gayong hindi Ako nagbaba roon ng isang patunay.(11)

C. Ang Napagkaisahang Pahayag ng mga Kalipunan

Nagkaisa sa pahayag ang mga kalipunan, ang matanda sa mga ito at ang makabago sa mga ito, na ang Sansinukob na ito ay mayroong tagapaglikha — Siya ay si Allah(12) — at na Siya ang Tagapaglikha ng mga langit at lupa. Wala Siyang katambal sa paglikha Niya at wala rin Siyang katambal sa paghahari Niya.

Walang naiulat mula sa anumang kalipunan mula sa mga lumipas na kalipunan na ito ay naniniwala na ang mga diyos nito ay nakilahok sa Diyos sa paglikha sa mga langit at lupa. Bagkus sila ay naniniwala noon na ang Diyos ay Tagapaglikha nila at Tagapaglikha ng mga diyos nila yamang walang tagapaglikha at tagapagtustos na iba pa sa Kanya. Ang pakinabang at ang pinsala ay nasa kamay Niya.(13)

Sinabi ni Allah, na nagpapabatid hinggil sa pagkilala ng mga Mushrik sa pagkapanginoon Niya:

Talagang kung tatanungin mo sila kung sino ang lumikha sa mga langit at mga lupa at nagpasunud-sunuran sa Araw at Buwan ay talagang sasabihin nga nilang si Allah. Kaya paanong nababaling sila palayo? Si Allah ay nagpapaluwag sa tustos sa sinumang loloobin Niya sa mga lingkod Niya at nagpapagipit dito. Tunay na si Allah sa bawat bagay ay Maalam. Talagang kung tinanong mo sila: “Sino ang nagpababa mula sa langit ng tubig kaya nagbigay-buhay sa pamamagitan niyon sa lupa matapos ang pagkamatay nito?” ay talagang sasabihin nga nila na si Allah. Sabihin mo: “Ang papuri ay ukol kay Allah.” Bagkus ang higit na marami sa kanila ay hindi nakauunawa.

Qur’an 29:61-63.

Nagsabi pa Siya:

Talagang kung tinanong mo sila kung sino ang lumikha sa mga langit at lupa, talagang sasabihin nga nila na lumikha sa mga ito ang Nakapangyayari, ang Maalam,

Qur’an 43:9. 

 

D. Ang Pangangailangang Pangkaisipan

Hindi makatatagpo ang mga isip ng pang-iwas sa pagkilala na ang Sansinukob na ito ay may dakilang tagapaglikha dahil ang isip ay nakakikita na ang Sansinukob ay nilikhang may simula at na ito ay hindi nagpairal sa sarili nito. Ang may simula ay hindi maiiwasang mayroong isang nagpasimula.

Ang tao ay nakaalam na may magdaraan sa kanya na mga krisis at mga kasawian. Kapag hindi nakaya ng tao na itulak ito, tunay na siya ay babaling kalakip ng puso niya sa langit at magpapasaklolo sa Panginoon niya upang alisin ang alalahanin niya at pawiin ang dalamhati niya kahit pa man siya ay nagkakaila noong ibang mga araw niya sa Panginoon niya at sumasamba sa diyus-diyusan niya. Ito ay isang pangangailangan na hindi maitutulak at hindi maiiwasang kilalanin. Bagkus tunay na ang hayop man, kapag nasaktan ng isang sakuna, ay nag-aangat ng ulo nito at nagtutuon ng paningin sa langit.

Nagpabatid nga si Allah tungkol sa tao na kapag dinapuan siya ng isang kapinsalaan ay nagdadali-dali siya tungo sa Panginoon niya, na humihiling sa Kanya na pawiin ang pinsala sa kanya. Nagsabi si Allah:

Kapag sinaling ang tao ng isang kapinsalaan ay nananalangin siya sa Panginoon nito na nagbabalik-loob sa Kanya. Pagkatapos ay kapag ginawaran Niya siya ng isang biyaya mula sa Kanya ay nalilimutan niya ang idinadalangin niya dati sa Kanya noong una at ginagawan niya si Allah ng mga kaagaw upang magligaw palayo sa landas Niya.

(Qur’an 39:8.

Sinabi pa ni Allah, na nagpapabatid hinggil sa kalagayan ng mga Mushrik:

Siya ang nagpalakbay sa inyo sa katihan at karagatan hanggang sa―nang kayo ay nasa mga sasakyang-dagat na at naglayag ang mga ito lulan sila sa pamamagitan ng isang mabuting hangin at natuwa sila rito―may dumating sa mga ito na isang bumubug-song hangin, dumating sa kanila ang mga alon mula sa bawat pook. Natiyak nila na sila ay pinalibutan na; dumalangin sila kay Allah, na mga nag-aalay ng kawagasan sa Kanya sa pagtalima: “Talagang kung ililigtas Mo kami mula rito ay talagang kami nga ay magiging kabilang na sa mga nagpapasalamat.” Ngunit noong nailigtas Niya sila walang anu-ano’y naghihimagsik sila sa lupa nang walang karapatan. O mga tao, ang paghihimagsik ninyo ay laban sa sarili ninyo lamang: kaluguran ng pangmundong buhay. Pagkatapos ay tungo sa Amin ang babalikan ninyo at ibabalita Namin sa inyo ang ginagawa ninyo noon.

(Qur’an 10:22-23. 

Sinabi pa Niya:

Kapag nilukob sila ng mga alon na gaya ng mga anino ay dumada-langin sila kay Allah, na mga nag-aalay ng kawagasan sa Kanya sa pagtalima. Ngunit noong nailigtas Niya sila patungo sa katihan ay mayroon sa kanila na katamtaman sa pagpapasalamat. Walang nagkakaila sa mga tanda Namin kundi ang bawat palasira sa pangako na walang utang na loob.

(Qur’an 31:32. 

Ang Diyos na ito na nagpalitaw sa Sansinukob mula sa wala, lumikha sa tao sa pinaka-magandang tikas at nagkintal sa kalikasan nito ng pagpapakaalipin(29) sa Kanya at pagsuko sa Kanya — at nagpahinuhod naman ang mga isip sa pagkapanginoon Niya at pagkadiyos Niya at nagkaisa sa pahayag ang mga kalipunan sa pagkilala sa pagkapanginoon Niya — ay hindi maiiwasang nag-iisa sa pagkapanginoon Niya at pagkadiyos Niya. Kaya naman kung paanong Siya ay walang katambal sa paglikha gayon din naman wala Siyang katambal sa pagkadiyos Niya. Ang mga patunay doon ay marami, na ang ilan ay ang sumusunod:(14)

  1. Wala sa Sansinukob na ito kundi nag-iisang Diyos na Siya ang Tagapaglikha, ang Tagapagtustos. Walang nagdudulot ng pakinabang at walang nagtutulak ng pinsala kundi Siya.(15) Kung sakaling sa Sansinukob na ito ay may iba pang diyos ay talagang nagkaroon na sana ito ng gawa, paglikha at utos. Hindi masisiyahan ang isa sa dalawa sa pakikilahok ng iba pang diyos.(16) Hindi maiiwasan ng isa sa dalawa na daigin ang iba at lupigin ito. Ang nadaig ay hindi maaaring maging isang diyos. Ang dumaig ay ang totoong Diyos. Hindi makikilahok sa kanya ang isang diyos sa pagkadiyos niya gaya ng hindi paglahok sa kanya ng isang diyos sa pagkapanginoon niya. Nagsabi si Allah:

    Hindi gumawa si Allah ng anumang anak. Hindi nangyaring may kasama Siya na anumang diyos. Kung nagkagayon ay talagang dinala na sana ng bawat diyos ang nilikha nito at talagang nangibabaw na sana ang ilan sa kanila sa iba. Napakamaluwalhati ni Allah kaysa sa anumang inilararawan nila.

    Qur’an 23:91. 

  2. Walang karapat-dapat sa pagsamba kundi si Allah na may taglay ng paghahari sa mga langit at lupa dahil ang tao ay nagpapakalapit sa Diyos na nagdudulot sa kanya ng pakina-bang, nagtutulak palayo sa kanya ng pinsala at nagbabaling palayo sa kanya ng kasamaan at mga kaguluhan. Ang mga bagay na ito ay walang nakakakaya kundi ang nagmay-ari sa mga langit at lupa at anumang nasa pagitan ng mga ito. Kung sakaling nangyari na Siya ay may kasamang ibang mga diyos gaya ng sinasabi ng mga Mushrik ay talagang kukunin ng mga tao ang mga daang hahantong sa pagsamba kay Allah, ang Haring Totoo, dahil ang lahat ng sinasambang ito bukod pa kay Allah ay mga sumasamba lamang sa Kanya at nagpapakalapit lamang sa Kanya. Kaya naman naaangkop sa sinumang nagnais na magpakalapit sa Kanya, na nasa kamay Niya ang pakinabang at ang pinsala, na sambahin Siya na totoong Diyos na sinasamba ng mga nasa mga langit at lupa kabilang na sa kanila ang mga diyos na ito na mga sinasamba bukod pa sa Kanya. Nagsabi si Allah:

    Sabihin mo: “Kung sakaling nangyari na may kasama Siya na ibang mga diyos gaya ng sinasabi nila, samakatuwid talagang naghangad na sana ang mga ito ng isang landas tungo sa May-ari ng Trono.”

    Qur’an 17:42. 

    Basahin ng nagnanais ng katotohanan ang sabi ni Allah:

    Sabihin mo: “Tumawag kayo sa mga pinanindigan ninyo na mga diyos bukod pa kay Allah.” Hindi sila nagmamay-ari ng kasimbigat ng isang langgam sa mga langit at ni sa lupa. Hindi sila nagkaroon sa mga ito ng anumang pakikihati at hindi Siya nagkaroon mula sa kanila ng anumang katulong. Hindi nagdudulot ng pakinabang ang pamamagitan sa Kanya maliban sa sinumang nagpahintulot Siya sa kanya.

    Qur’an 34:22-23.

    Ang mga talata na ito ay pumuputol sa pagkahumaling ng puso sa iba pa kay Allah sa pamamagitan ng apat na dahilan:

  1. Na ang mga itinatambal kay Allah ay hindi nagmamay-ari ng isang kasimbigat ng langgam. Ang hindi nagmamay-ari ng isang kasimbigat ng langgam ay hindi nakapag-dudulot ng pakinabang, hindi nakapagdudulot ng pinsala at hindi nararapat na maging isang diyos o isang nakikitambal kay Allah. Si Allah lamang ang nagmamay-ari sa kanila at namamahala sa kanila.

  2. Na sila ay hindi nagmamay-ari ng anuman sa mga langit at lupa, at wala silang isang kasimbigat ng langgam ng pakikibahagi sa mga ito.

  3. Na si Allah ay walang katulong sa paglikha Niya, bagkus Siya ang tumutulong sa kanila, nagdudulot ng pakinabang sa kanila at nagtutulak palayo sa kanila sa naka-pipinsala sa kanila dahil sa lubusang kasarinlan Niya sa kanila at sa pangangailangan nila sa Kanya.

  4. Na ang mga itinatambal kay Allah ay hindi makagagawang mamagitan kay Allah para sa mga tagasunod nila. Hindi Niya ipinahihintulot ito sa kanila. Hindi Siya nagpapahintulot na mamagitan kundi sa mga tinangkilik Niya. Hindi makapapamagitan ang mga tinangkilik maliban sa sinumang kinasiyahan ni Allah ang salita niya, ang gawa niya at ang paniniwala niya.(17)   

  

  1. Ang pagkakaayos ng kalagayan ng buong Sandaigdigan at ang katumpakan ng kalagayan nito ay ang pinakamalaking patunay na ang tagapangasiwa nito ay nag-iisang Diyos, nag-iisang Hari at nag-iisang Panginoon. Walang Diyos para sa mga nilikha na iba pa sa Kanya at walang Panginoon para sa kanila maliban pa sa Kanya. Kung papaanong naging imposible ang pag-iral ng dalawang tagapaglikha para sa Sansinukob gayundin naman naging imposible ang pag-iral ng dalawang diyos. Nagsabi si Allah:

    Kung sakaling sa mga langit at lupa na ito ay may mga diyos maliban kay Allah ay talagang nagulo na sana ang mga ito.

    Qur’an 21:22. 

    Kaya kung sakaling ipagpapalagay na sa langit at lupa ay may isang diyos na iba pa kay Allah ay talagang nagulo na sana ang mga ito. Ang punto ng pagka-kagulo ay na kapag si Allah ay may kasamang ibang diyos, kailangan na ang bawat isa sa dalawa ay makakakayang manaig at mamahala. Kaya naman magaganap sa sandaling iyon ang pagtatagisan at ang pagkakaiba, at mangyayari dahilan dito ang pagkagulo.(18) Kung ang katawan ay imposible na ang nangangasiwa rito ay dalawang magkapantay na kaluluwa―at kung sakaling gayon nga ay talagang magugulo ito at mapupuksa ito, at ito ay imposible―kaya papaanong maguguniguni ito sa Sansinukob samantalang ito ay higit na malaki?(19)

  2. Ang nagkakaisang pahayag ng mga propeta at mga sugo hinggil doon. Nagkaisa sa paha-yag ang mga kalipunan na ang mga propeta at ang mga sugo ay ang pinakalubos na mga tao sa mga pag-iisip, ang pinakadalisay na mga tao sa mga kaluluwa, ang pinakamainam na mga tao sa mga kaasalan, ang pinakamapagpayo na mga tao sa mga pinangangalagaan nila, ang pinakamaalam na mga tao sa nais ni Allah at ang pinakanapatnubayan sa matuwid na daan at tuwid na landasin dahil sila ay nakatatanggap ng pagsisiwalat buhat kay Allah at nagpaparating nito sa mga tao. Nagkaisa ang lahat ng propeta at mga sugo mula sa kauna-unahan sa kanila, si Adan (AS)(20), hanggang sa kahuli-hulihan sa kanila, si Muhammad (SAS), sa pag-anyaya sa mga tao nila tungo sa pananampalataya kay Allah at pagtigil sa pagsamba sa iba pa sa Kanya, at na Siya ang totoong Diyos. Nagsabi si Allah:

    Hindi Kami nagsugo noong wala ka pa ng anumang sugo malibang nagsiwalat Kami sa kanya na walang Diyos kundi Ako kaya sambahin ninyo Ako.

    (Qur’an 21:25. 

    Nagsabi rin Siya tungkol kay Noe (AS) na pinasabi sa mga tao nito:

    na huwag kayong sumamba kundi kay Allah; tunay na ako ay nangangamba para sa inyo sa pagdurusa sa isang masakit na araw.

    (Qur’an 11:26. 

    Nagsabi naman Siya tungkol sa kahuli-hulihan sa kanila, si Muhammad (SAS), na pinasabi sa mga tao nito:

    Sabihin mo: “Isiniwalat lamang sa akin na ang Diyos ninyo ay isang Diyos lamang. Kaya kayo ba ay magpapasakop?”

    Qur’an 21:108. 

Ang Diyos na ito ay ang nagpalitaw sa Sansinukob mula sa wala at nagpasimula rito. Nilikha Niya ang tao sa pinakamagandang tikas at nagparangal sa kanya. Ikinintal Niya sa kalikasan ng pagkalalang sa kanya ang pagkilala sa pagkapanginoon Niya at pagkadiyos Niya. Ginawa Niya ang sarili ng tao na hindi mapalagay malibang kapag sumuko ito sa Kanya at lumakad ito sa daan Niya.

Inobliga Niya sa kaluluwa niya na hindi mapanatag malibang natiwasay sa Maykapal nito at nakipag-ugnayan sa Tagapaglikha nito. Walang Siyang pakikipag-ugnayan sa kaluluwa kundi sa pamamagitan ng tuwid na landasin Niya, na ipinarating na mga marangal na sugo. Nagkaloob si Allah sa tao ng isip na hindi tatatag ang kalagayan niya at hindi niya maga-gawa ang gawain niya sa pinakalubos na anyo malibang sumampalataya siya sa Kanya — napakamaluwalhati Niya.

Kaya kapag tumatag ang kalikasan ng pagkalalang, napanatag ang kaluluwa, natatahimik ang diwa at sumampalataya ang isip ay magkakatotoo sa kanya ang kaligayahan, ang kati-wasayan at ang kapanatagan sa mundo at sa kabilang-buhay. Kung aayawan ng tao iyon ay mamumuhay siya na kakalat-kalat, watak-watak na pagala-gala sa mga lambak ng kamun-duhan at naibaha-bahagi sa mga diyos nito. Hindi niya nalalaman kung sino ang nagsasa-katuparan para sa kanya ng pakinabang at kung sino ang nagtutulak palayo sa kanya ng pinsala.

Upang mapalagay ang pananampalataya sa diwa at luminaw ang karumalan ng pagtanggi sa pananampalataya ay gumawa si Allah para roon ng isang paghahalintulad dahil sa ang paghahalintulad ay kabilang sa nagpapalapit ng kahulugan sa pagkaunawa. Ipinaghambing Niya sa paghahalintulad na ito ang isang lalaking nagkawatak-watak ang kalagayan sa gitna ng sari-saring diyos at ang isang lalaki na sumasamba sa Panginoon niya lamang.

Nagsabi si Allah:

Gumawa si Allah ng isang paghahalintulad: isang lalaki na pag-aari ng mga magkatambal na nagbabangayan at isang lalaki na pag-aaring tangi sa isang lalaki — magkakapantay ba silang dalawa sa paghahalintulad? Ang papuri ay ukol kay Allah. Bagkus ang higit na marami sa kanila ay hindi nakaaalam.

Qur’an 39:29.

Ginagawa ni Allah ang paghahalintulad ng aliping nag-iisa ang Diyos at ng aliping marami ang Diyos.

May isang alipin na minamay-ari ng mga magkasosyo na nagtutunggalian ang isa’t isa kaugnay sa kanya. Siya ay pinaghahatian sa pagitan nila. Bawat isa sa kanila ay may atas sa kanya. Bawat isa sa kanila ay may inaatang sa kanya. Siya naman sa pagitan nila ay nalilito: hindi siya makapanatili sa isang pamamaraan at hindi siya makapanatili sa isang daan. Hindi niya magawang makapagbigay-kasiyahan sa mga pithaya nilang nag-aalitan, nagbabangayan, nagsasalungatan na gumugutay-gutay sa mga patutunguhan niya at mga lakas niya.

May isang alipin naman na minamay-ari ng nag-iisang amo. Siya ay nakaaalam sa hini-hiling nito sa kanya at inaatang nito sa kanya. Kaya naman siya ay maginhawang nananatili sa nag-isang malinaw na pamamaraan. Samakatuwid hindi sila nagkakapantay. Itong isa ay nasasakupan ng nag-iisang amo at nagtatamasa ng kaginhawahan ng katatagan, kabatiran at katiyakan. Iyang isa naman ay nasasakupan ng mga among nagbabangayan kaya iyan ay nagdurusa, nababahala, hindi nananatili sa isang kalagayan at hindi makapagbigay-kasiyahan sa isa sa kanila huwag nang sabihing makapagbibigay-kasiyahan sa lahat.

Matapos kong linawin ang mga patunay na nagpapatunay sa kairalan ni Allah, pagka-panginoon Niya at pagkadiyos Niya ay makabubuting mapag-alaman natin ang pagkalikha Niya sa Sansinukob at tao at hanapin natin ang kadahilanan Niya roon.

  1. Ang Mushrik ay ang naniniwala sa Shirk o sa isang bahagi ng Shirk. Ang Shirk ay ang paniniwala na ang tunay na Diyos, na tinatawag sa wikang Arabe na Allah, ay may katambal o kasama sa pagkadiyos, pagkapanginoon, mga pangalan at mga katangian, at anumang nauukol lamang sa Kanya. Samakatuwid ang Mushrik ay ang naniniwala sa higit sa isang diyos o higit sa isang panginoon, o naniniwalang ang Diyos o ang pagkadiyos ay higit sa isang persona o isang pamilya, o naniniwalang ang pagkadiyos ay matatamo ng tao o ng anuman, o naniniwalang ang iba pa sa tunay na Diyos ay panginoon din o maaaring maging panginoon, o naniniwalang mayroong iba pa sa Diyos ang nagtataglay ng mga pangalan at katangiang taglay lamang ng Diyos. Ang Tagapagsalin.
  2.  O Siya, si Allah, ay isa; O Siya ay si Allah, isa. Ang Tagapagsalin.
  3.  Sa terminolohiya ng Islam, ang tao ay tinatatawag na lingkod ni Allah o alipin ni Allah maging anuman ang saloobin nila sa Kanya dahil silang lahat ay pag-aari ni Allah. Ang Tagapasalin. 
  4.  O Malaki. Ang Tagapasalin.
  5. O ang walang kapintasan o kakulangan. Ang Tagapagsalin. 
  6. O ang Tagapagpatiwasay. Ang Tagapagsalin.
  7. Tingnan ang Majmú‘ al-Fatáwá (Katipunan ng mga Fatwá) ni Shaykh al-Islám Ibnu Taymíyah, tomo 1, pahina 47-49, 73. 
  8. Mago ang isa pang tawag sa isang Mazdaista na kaanib ng relihiyong Mazdaismo. Ang Mazdaismo ay isang anyo ng Zoroasterianismo, ang relihiyong itinatag ni Zoroaster o Zarathustra na Persiano. Ang relihiyong ito ay naniniwala sa dalawang diyos na magkatunggali: ang diyos ng kabutihan at ang diyos ng kasamaan. Napakalaki ang pagpapahalagang idinudulot ng mga kaanib nito sa apoy anupat ang pagpapahalaga nila sa apoy ay nauwi na sa pagsamba nila sa apoy. Ang Tagapagsalin. 
  9.  Isinalaysay ito ni Imám al-Bukhárí sa Aklat ng Pagtatakda, kabanata 3; at ni Imám Muslim sa Aklat ng Pagtatakda, Hadíth bilang 2658, at ang pagkakalahad ay mula sa kanya. 
  10.  Isinalaysay ito ni Imám Ahmad sa Musnad niya, tomo 4, pahina 162. Isinalaysay ito ni Imám Muslim, ang pagkakalahad ay mula sa kanya, sa Kitáb al-Jannah wa Sifáh Na‘ímihá wa Ahlihá (Aklat ng Paraiso at Katangian ng Lugod Nito at ng mga Maninirahan Dito), Hadíth 2865. 
  11.  Ang salitang Allah ay ang pangalan ng tunay na Diyos sa wikang Arabe. Huwag akalain na si Allah ay Diyos lamang ng mga Arabe o mga Muslim. 
  12.  Tingnan ang Majmú‘ al-Fatáwá (Katipunan ng mga Fatwá) ni Shaykh al-Islám Ibnu Taymíyah, tomo 14, pahina 380-49, 7383.
  13. Ang tao ay nagpapaalipin kay Allah dahil sa ayaw niya at sa gusto ay sumusunod siya sa Batas ng Kalikasan na ginawa ni Allah. Ang Tagapagsalin. 
  14.  Para sa karagdagang pagpapalawak, tingnan ang Kitáb al-Tawhíd na akda ni Imám Muhammad ibnu ‘Abdulwahháb, kaawaan siya ni Allah. 
  15.  Ang pagdudulot o ang pagkakait ng pinsala o pakinabang ay isa sa pangunahing silbi ng Diyos sa tao. Ang totoong Diyos lamang ang makagagawa nito, at pati na ang pakinabang at pinsalang galing sa iba pa sa Diyos ay galing din naman sa Kanya dahil hindi naman matatamo iyon kung hindi Niya niloob. Ang Tagapagsalin. 
  16.  Tingnan ang Sharh al-‘Aqídah at-Taháwíyah (Pagpapaliwanag ng Paniniwalang Tahawita), pahina 39.  
  17.  Tingnan ang Qurrah ‘Uyún al-Muwahhidín na akda ni Shaykh ‘Abdurrahmám ibnu Hasan, kaawaan siya ni Allah, pahina 100. 
  18.  Tingnan ang Fat'h al-Qadír, tomo 3, pahina 403.
  19.  Tingnan ang Miftáh Dár as-Sa‘ádah (Ang Susi sa Tahanan ng Kaligayahan), tomo 1, pahina 260. 
  20.  (AS): ‘Alayhis Salám: Sumakanya ang Kapayapaan. Sinasabi ito kapag binanggit ang pangalan o  ang taguri ng isang anghel o isang propeta bukod pa kay Propeta Muhammad (SAS).