Bilang halimbawa, sa aklat ng Mateo 9:2, sinabi raw ni Hesus sa isang partikular na lalaki, “Anak, lakasan mo ang iyong loob, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.” Dahil dito, ang ilan ay nagsasabing si Hesus ay Diyos dahil daw ang Diyos lamang ang maaring magpatawad ng mga kasalanan. Gayunpaman, kung ikaw ay handang magbasa ng ilan pang mga talata, matutuklasan mo na ang mga tao “...ay natakot at niluwalhati nila ang Diyos, na nagbigay ng gayong awtoridad sa mga tao.“ (Mateo 9:8) Ito ay nagpapakita na nababatid ng mga tao, at sumasang-ayon si Mateo, na hindi lamang si Hesus ang nakatanggap ng ganoong uri ng awtoridad mula sa Diyos.
Binigyang diin mismo ni Hesus na hindi siya nagsasalita sa kanyang sariling awtoridad (Juan 14:10) at wala siyang ginawa sa kanyang sariling awtoridad, ngunit sinasabi lamang niya kung ano ang itinuro sa kanya ng Ama (Juan 8:28). Ang ginawa ni Hesus dito ay ang mga sumusunod. Inihayag ni Hesus sa naturang lalaki ang kaalamang natanggap niya mula sa Diyos na pinatawad na ng Diyos ang lalaki.
Pansinin na hindi sinabi ni Hesus na: “Pinatatawad ko na ang iyong mga kasalanan” sa halip, “pinatatawad na ang iyong mga kasalanan” na nagpapahiwatig, tulad ng sa kanyang mga tagapakinig na Hudyo, na pinatawad na ng Diyos ang naturang lalaki. Si Hesus, sa gayon, ay walang kapangyarihan na magpatawad ng mga kasalanan, at sa pangyayari ring yaon tinawag niya ang kanyang sarili bilang “ang anak ng tao” (Mateo 9:6).
Ang talata sa Juan 10:30 ay madalas na ginagamit bilang patunay na si Hesus ay Diyos dahil si Hesus daw ay nagsabi: “ako at ang aking Ama ay iisa.” Ngunit kung babasahin mo ang sumunod na anim na mga talata, makikita mong ipinapaliwanag ni Hesus na ang mga taong umuusig sa kanya ay mali sa pag-aakala na siya raw ay nag-aangking Diyos. Ang malinaw na nais ipakahulugan ni Hesus dito ay siya ay kaisa ng Ama sa layunin. Ipinanalangin rin ni Hesus na ang kanyang mga disipulo ay maging isa katulad na si Hesus at ang Ama ay magka-isa. Malinaw na hindi niya ipinagdarasal na lahat ng kanyang mga disipulo ay pag-isahin na maging isang indibidwal (tingnan sa Juan 17:11 at 22). At nang iniulat ni Lucas na ang mga disipulo ay magka-isa na lahat, hindi ibig ipakahulugan ni Lucas na sila ay naging isang indibidwal na tao, ngunit sila ay mayroong iisang hangarin kahit sila ay magkakahiwalay na tao (tingnan sa Mga Gawa 4:32). Sa usapin ng kakanyahan, si Hesus at ang Ama ay dalawa, dahil sinabi ni Hesus na sila ay dalawang mga testigo (Juan 8:14-18). Kinakailangan na sila ay dalawa, yamang ang isa ay nakahihigit kaysa sa isa (tingnan sa Juan 14:28). Noong si Hesus ay nanalangin upang maligtas mula sa pagkakapako sa krus, siya'y nagsabi: “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito; gayunma'yhindi ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo.” (Lucas 22:42).
Nagpapakita ito na sila ay mayroong magkahiwalay na kagustuhan, kahit pa isinubmita ni Hesus ang kanyang kagustuhan sa kagustuhan ng Ama. Ang dalawang kagustuhan ay nangangahulugang dalawa na magkahiwalay sa isa't isa.
Bukod pa rito, si Hesus ay naiulat na nagsabi raw: “Diyos ko, Diyos ko, bakit Mo ako pinabayaan? (Mateo 27:46). Kung ang isa sa kanila ay tumalikod sa isa pa, kung gayon, sila ay dalawa na magkahiwalay na umiiral.
Muli, naiulat na sinabi raw ni Hesus: “Ama, sa Iyong mga kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!” (Lucas 23:46). Kung ang espiritu ng isa ay maaaring mailagay sa mga kamay ng isa pa, dapat sila'y dalawa na magkahiwalay sa isa't isa.
Sa lahat ng mga pagkakataong ito, malinaw na si Hesus ay mas mababa sa Ama. Nang si Hesus ay nagpatirapa at nanalangin, malinaw na siya ay hindi nagdarasal sa kanyang sarili (tignan sa Lucas 22:41). Siya ay nananalangin sa kanyang kinikilalang Diyos.
Sa buong Bagong Tipan, ang Ama lamang ang tinukoy na Diyos. Sa katunayan, ang mga titulong 'Ama' at 'Diyos' ay ginamit bilang pantawag sa Nag-iisang Siya, hindi tatlo, at hindi kailanman kay Hesus. Ito rin ay malinaw sa katunayan na pinalitan sa Mateo ang titulong 'Ama' kapalit ng titulong 'Diyos' sa dalawang bahagi sa kanyang ebanghelyo (ipagkumpara ang Mateo 10:29 sa Lucas 12:6; at Mateo 12:50 sa Marcos 3:35). Kung tama si Mateo sa ginawa niyang 'yon, samakatuwid, ang Ama lamang ay ang Diyos.
Si Hesus ba ay ang Ama? Hindi! Dahil sinabi ni Hesus: “At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong ama, Siya na nasa langit.” (Mateo 23:9). Kaya hindi si Hesus ang Ama, dahil si Hesus ay nasa kalupaan noong ito'y kanyang sinabi.
Ang Quran ay naglalayon na dalhin ang mga tao pabalik sa tunay na paniniwala na ipinangaral ni Hesus, at ng kanyang mga tunay na tagasunod na nagpatuloy sa kanyang katuruan. Ang katuruang ito ay nagbigay-diin sa nagpapatuloy na pagtalima sa unang kautusan na ang Diyos ay Nag-iisa. Sa Quran, itinagubilin ng Diyos sa mga Muslim na paanyayahan ang mga mangbabasa ng Bibliya pabalik sa tunay na paniniwala. Sinabi ng Diyos sa Quran:
"Ipagbadya: O Angkan ng Kasulatan [mga Hudyo at Kristyano]: Halina kayo sa isang salitang makatwiran sa pagitan namin at ninyo, na wala tayong sasambahin na iba maliban sa Allah, at huwag tayong magtambal ng anupaman sa Kanya, at huwag nating ituring ang ilan sa atin bilang mga panginoon bukod sa Allah...” (Salin ng kahulugan ng Quran 3:64)