sa Kanya nagpasakop ang sinumang nasa mga langit at lupa, nang kusang loob at labag sa loob,
Ang Reyalidad ng Kufr(1)
Katapat niyon ay may isa pang tao. Ipinanganak siya na sumusuko at namuhay na sumusuko sa tanang buhay niya nang hindi nadarama ang pagsuko niya o namamalayan iyon. Hindi niya nakilala ang Panginoon niya. Hindi siya sumampalataya sa batas ni Allah. Hindi siya sumunod sa mga sugo Niya. Hindi niya ginamit ang ipinagkaloob ni Allah na kaalaman at isip upang makilala kung sino ang lumikha sa kanya at bumukas sa pandinig niya at paningin niya.
Kaya ikinaila niya ang kairalan ni Allah. Nagmamalaki siya sa pagtanggi sa pagsamba sa Kanya. Umayaw siya na magpaakay sa batas ni Allah kaugnay sa bagay na binigyan siya ng karapatang magpasya at pumili sa mga kapakanan ng buhay niya. O nagtambal siya kay Allah ng iba pa. Umayaw siya na sumampalataya sa mga tanda Niya na nagpapatunay sa pagkaiisa Niya.
Ito ang Káfir. Iyon ay dahil sa ang [literal na] kahulugan ng Kufr ay pagtatakip, pagbabalot at pagtatabon. Sinasabi [sa wikang Arabe]: Kafara dir‘ahu bithawbihi, na ang nangangahulugang: Binalot niya (tinakpan niya) ang baluti niya ng damit niya. Kaya tinatawag ang tulad ng taong ito na Káfir dahil ito ay nagtakip sa kalikasan nito at nagbalot niyon ng pambalot mula sa kamangmangan at kahunghangan.
Nalaman mo na siya ay hindi ipinanganak malibang ayon sa kalikasan ng Islam. Hindi gumagawa ang mga bahagi ng katawan niya malibang alinsunod sa kalikasan ng Islam. Hindi umiinog ang mundo sa paligid niya sa kabuuan nito malibang ayon sa mga kalakaran ng pagsuko. Subalit tinakpan siya ng tabing na nababalot ng kamangmangan at kahunghangan. Natabunan sa kabatiran niya ang kalikasan ng mundo at ang kalikasan ng sarili niya.
Kaya makikita mo siya na hindi gumagamit sa mga lakas niya na pangkaisipan at pangkaalaman kundi sa anumang sumasalungat sa kalikasan ng pagkalalang sa kanya. Walang siyang nakikita kundi ang kumukontra sa mga ito. Hindi siya nagsisikap kundi sa anumang nagpapawalang-saysay sa mga ito.
Maaari mo nang tayain ngayon sa pamamagitan ng sarili mo ang kinasadlakan ng Káfir na pagkaligaw at malinaw na kalisyaan.(2)
Itong Islam na humihiling sa iyo na sundin mo ay hindi mahirap na bagay. Bagkus ito ay madali sa sinumang pinadali ito ni Allah sa kanya. Ang Islam ay ang tinahak ng buong Sansinukob na ito:
Qur’an 3:83.
Ito ang Relihiyon mula kay Allah, gaya ng sinabi Niya:
Tunay na ang relihiyon sa ganang kay Allah ay ang Islam.
Qur’an 3:19.
Ito ay pagpapasakop ng sarili kay Allah, gaya ng sinabi Niya:
Kaya kung pangangatwiranan ka nila ay sabihin mo: “Ipinasakop ko ang sarili ko kay Allah at ng sinumang sumusunod sa akin.”
Qur’an 3:20.
Nilinaw na ng Propeta (SAS) ang kahulugan ng Islam yamang sinabi niya: Na ipasakop mo ang puso mo kay Allah, na ibaling mo ang sarili mo kay Allah at magbigay ka ng zakáh,(3) na isinatungkulin.(4)
Tinanong ng isang lalaki ang Sugo (SAS): Ano po ang Islam? Sinabi niya: Na magpasakop ang puso mo kay Allah, at na maligtas ang mga Muslim sa dila mo at kamay mo. Nagsabi ito: Aling [bahagi ng] Islam ang pinakamainam? Sinabi niya: Ang pananampalataya. Nagsabi ito: Ano po ang pananampalataya? Sinabi niya: Na maniwala ka kay Allah, sa mga anghel Niya, mga kasulatan Niya, mga sugo Niya at sa pagbubuhay matapos ang kamatayan.(5)
Nagsabi rin ang Sugo ni Allah (SAS): Ang Islam ay na sumaksi ka na walang Diyos kundi si Allah at na si Muhammad ay Sugo ni Allah, na panatilihin mo ang dasal, na magbigay ka ng zakáh, na mag-ayuno ka sa Ramadān, at na magsagawa ka ng hajj sa Bahay [ni Allah] kung may makakaya kang isang landas patungo roon. (6)Ang sabi pa niya: Ang Muslim ay ang [tao na] naligtas ang mga Muslim sa dila niya at kamay niya.(7)
Ang Relihiyon na ito ay ang Relihiyong Islam na hindi tatanggapin ni Allah ang isang relihiyon na iba pa rito mula sa mga nauna at ni mula sa mga nahuli. Tunay na ang lahat ng propeta ay nasa Relihiyong Islam.
Nagsabi si Allah hinggil kay Noe (AS):
Bigkasin mo sa kanila ang balita kay Noe, noong nagsabi siya sa mga tao niya: “O mga tao ko, kung bumigat sa inyo ang pananatili ko at ang pagpapaalaala ko sa mga tanda ni Allah ay kay Allah naman ako nanalig. Kaya pagpasyahan ninyo ang balak ninyo kasama ng mga itinatambal ninyo kay Allah. Pagkatapos ang balak ninyo ay huwag sa inyo maging malabo. Pagkatapos ay ipatupad ninyo ito sa akin at huwag kayong magpalugit sa akin. Kaya kung tatalikod kayo sa paalaala ay hindi naman ako humingi sa inyo ng anumang kabayaran. Walang kabayaran sa akin kundi nasa kay Allah. Inutusan ako na ako ay maging kabilang sa mga Muslim.”(8)
Qur’an 10:71-72.
Nagsabi naman Siya hinggil kay Abraham (AS)
: Noong nagsabi sa kanya ang Panginoon niya: “Magpasakop ka” ay nagsabi siya: “Nagpasakop ako sa Panginoon ng mga nilalang.”
Qur’an 2:131.
Nagsabi naman Siya hinggil kay Moises (AS):
Nagsabi si Moises: “O mga tao ko, kung kayo ay sumampalataya na si Allah ay sa Kanya na kayo manalig kung kayo ay magiging mga Muslim.” (9)
Qur’an 10:84.
Nagsabi Siya tungkol sa ulat kay Kristo (AS):
Noong nagsiwalat Ako sa mga disipulo, na nagsasabi: “Sumampalataya kayo sa Akin at sa Sugo Ko” ay nagsabi sila: “Sumampalataya kami at sumaksi Ka na kami ay mga Muslim.”(10)(11)
Qur’an 5:111.
Ang Relihiyong ito, ang Islam, ay humahango ng mga pagbabatas nito, mga pinaniniwalaan dito at mga kahatulan nito mula sa pagsisiwalat na pandiyos, ang Qur’an at ang Sunnah. Babanggit ako sa iyo ng isang maikling sulyap tungkol sa dalawang ito.
- Ang Kufr ay kawalang-pananampalataya o pagtangging sumampalataya at ang nagsasagawa ng Kufr ay tinatawag na Káfir. Ang kufr (pagtatakip, pagtangging sumampalataya) ay pawatas o infinitive o verbal noun ng pandiwang kafara (nagtakip siya, tumanggi siyang sumampalataya) at ang káfir (nagtatakip, tumatangging sumamaplataya) ay pandiwaring tahasan o active participle ng kafara. Ang Tagapagsalin.
- Mabádi’ al-Islám (Mga Simulain ng Islam), pahina 3, 4.
- Ang zakáh ay isang kawanggawa mula sa isang takdang bahagi ng yaman na umabot sa takdang halaga na kailangang ibigay pagkalipas ng isang takdang panahon sa takdang pangkat ng mga tao. Ang Tagapagsalin.
- Isinalaysay ito ni Imám Ahmad, tomo 5, pahina 3; at ni Ibnu Hibbán, tomo 1, pahina 377.
- Isinalaysay ito ni Imám Ahmad sa Musnad, tomo 4, pahina 114. Nagsabi si al-Haythamí sa al-Mujamma‘, tomo 1, pahina 59: Nagsalaysa si Imám Ahmad at si Imám at-Tabrání sa al-Kabír ng tulad nito; ang mga mananalaysay nito ay mga mapagkakatiwalaan. Tingnan ang Risálah Fadl al-Islám (Mensahe ng Kalamangan ng Islam) ni Imám Muhammad ibnu ‘Abdulwahháb, kaawaan siya ni Allah, pahina 8.
- Isinalaysay ito ni Imám Muslim sa Kitáb al-Ímán (Aklat ng Pananampalataya), Hadíth 8.
- Isinalaysay ito ni Imám al-Bukhárí sa Kitáb al-Ímán (Aklat ng Pananampalataya), Kabanata al-Muslim Man Salima al-Muslimún Min Lisánihi wa Yadihi (Ang Muslim ay ang [tao na] naligtas ang mga Muslim sa dila niya at kamay niya), ang pagkakalahad ay sa kanya; at ni Imám Muslim sa Sahíh Muslim sa Kitáb al-Ímán (Aklat ng Pananampalataya), Hadíth 39.
- O nagpapasakop kay Allah. Ang Tagapagsalin.
- O mga nagpapasakop kay Allah. Ang Tagapagsalin.
- O mga nagpapasakop kay Allah. Ang Tagapagsalin.
- At-Tadmuríyah, pahina 109-110.