Ang Paraiso ay ang di-mailalarawang gantimpala na inihanda ng Dakilang Tagapaglikha para sa mga tunay na mananampalataya; para sa mga taong tumatalima sa Kanya. Ito ay lugar kung saan naroon ang ganap na kasiyahan at kapayapaan at walang anumang umiiral na makagagambala nito. Ito ay magpapatuloy magpakailanman at tayo ay umaasa na ito ang ating magiging  walang hanggan na tahanan. Ang binanggit ng Dakilang Maykapal at ng Kanyang Propeta patungkol sa Paraiso ay magpapainog sa ating mga ulo at mabilis na tatangay sa ating isipan. Sa isang naisalaysay ng Propeta Muhammad, na ang Diyos na Maykapal ay nagsabi (na ayon sa salin ng kahulugan), “Aking inihanda para sa Aking mga tagapagsambang tunay na nagsipaggawa ng kabutihan, mga gantimpala sa kabilang buhay na wala pang mata na nakakita, at wala pang pandinig na nakarinig, at hindi man lang sumagi sa imahinasyon ng sinuman”.[1] Ito ang pinakahihintay nating mga nagpapakumbabang tao, at kung tayo ay matalino at magsusumikap para rito, kung ganoon, ito ang magiging gantimpala para sa pakikibaka sa pansamantalang buhay na ito. Tayo ay nagninilay at itinatanong sa ating mga sarili ang mga katanungang may kinalaman sa ating magiging tahanan na walang hanggan (sa kabilang buhay), naiisip natin ang Paraiso nang may pag-asam at takot sa Impyerno, ngunit kung gaano nanginginig ang ating mga puso sa pag-isiip sa Paraiso ay isang kasiyahan.

Ang paglalarawan ng Paraiso at Impyerno sa mga naisalaysay ng Propeta Muhammad ay naglalaman ng mga salaysay patungkol sa kung sino ang pinakaunang makakapasok sa Paraiso. Sa matinding Araw ng Paghuhukom, si Propeta Muhammad ang tao na yaon. Sinabi niya sa kanyang mga kasamahan na siya “ang unang kakatok sa mga tarangkahan ng Paraiso”.[2] Ang Propeta Muhammad rin ay nagsabi (na ayon sa salin ng kahulugan): “Ako ay magtutungo sa mga tarangkahan ng Paraiso at hihingin na sila'y magbukas. Ang tagapagbantay sa tarangkahan ay magtatanong, “Sino ka?” At sasabihin ko, “Muhammad”. Ang tagapagbantay ng tarangkahan ay magsasabing: “Ako ay inatasan na huwag buksan ang tarangkahan sa sinuman bago sayo”.[3]

Si Propeta Muhammad ang unang papasok, na isang karapat-dapat na biyaya. Madaling nauunawaan ng ating mga isipan ang kadahilanan sa malaking karangalan na ito, ngunit makalipas ang ilang sandali marahil ay mag-uumpisa tayong mag-isip kung sino ang pinaka-huling tao na papasok sa Paraiso. Dahil may huling tao at pagkatapos ay isasarado na ang mga tarangkahan. Ang mga kasamahan ng Propeta Muhammad ay nagnais na malaman ang patungkol sa Paraiso sa parehong paraan na ninanais natin. Kaya lang sila ay mayroong kahanga-hangang pribilehiyo na maitanong mismo sa pinakamamahal na Propeta Muhammad kung sino ang pinaka-huling tao na papasok sa Paraiso?

Tulad sa ating nalalaman na mga naisalaysay patungkol sa sinabi ng Propeta Muhammad na nakarating sa atin sa iba't ibang kalagayan at ang isa sa mga ito ay ang hadith qudsi o ang sagradong hadith. Ang mga salaysay na ito ay partikular na importante dahil kahit na ang hanay ng mga salita sa pangungusap nito ay mula sa Propeta Muhammad, ang lahat ng kahulugan naman ay sa Dakilang Maykapal . Ito ay isang uri ng Rebelasyon. Ang mga salaysay na ito ay binubuo ng isa pang anyo ng mensahe ng Diyos sa sangkatauhan at kadalasang tumutugon sa mga paksang pang-ispiritwal at etikal. Ang sagot sa katanungang inilahad ng mga kasamahan ng Sugo ay nakapaloob sa hadith qudsi at ito ay isa sa mga pinaka-maganda at komprehensibo sa lahat ng mga salaysay. Ang sumusunod ay salin ng kahulugan ng naturang hadith:

Ang pinaka-huling tao na papasok sa paraiso ay isang tao na minsang lalakad, minsang madadapa at minsang masusunog sa apoy. Kapag siya ay nakalagpas na mula roon, siya'y lilingon paharap dito at magsasabing: ‘Mapagbigay-biyaya ang Nag-iisa na Nagligtas sa akin mula sa iyo. Ibinigay sa akin ng Diyos ang isang bagay na hindi Niya ibinigay sa sinuman sa mga nauna at mga nahuli.’

Pagkatapos ay may isang puno na itatayo para sa kanya, at kanyang sasabihin, ‘O Panginoon ko, ilapit Mo ako sa puno na iyon nang sa gayon ako ay makasilong sa lilim nito at makainom mula sa tubig nito.‘ Ang Dakilang Maykapal, ang Luwalhati at Kataas-taasan, ay magsasabi: ‘O anak ni Adan kung ito'y ibigay Ko sayo, hihingi ka pa ba sa Akin ng ibang bagay?’ Kanyang sasabihin, ‘Hindi, O Panginoon’, at kanyang ipapangako na hindi na siya hihingi pa mula sa Dakilang Maykapal ng ano pa man. At siya ay pagbibigyan ng kanyang Panginoon dahil siya ay nakakita ng isang bagay na hindi niya mapagpasensyahan. Kaya't siya ay ilalapit rito at sisilong sa lilim nito at iinom mula sa tubig nito.

Pagkatapos ay isa pang puno ang itatayo para sa kanya na mas maganda kaysa sa nauna, at kanyang sasabihin, ‘O Panginoon ko, ilapit Mo ako sa puno na iyon nang sa gayon ako ay makainom mula sa tubig nito at makasilong sa lilim nito, at ako ay hindi na hihiling pa Sayo ng kahit na ano.‘ Ang Dakilang Tagapaglikha ay magsasabi, ‘O anak ni Adam, hindi ba't ikaw ay nangako sa Akin na hindi ka na hihiling sa Akin ng kahit ano?’ Kanyang sasabihin, ‘Marahil kung dadalhin kita malapit roon, hihingi ka pa sa Akin ng iba pa.’ Ang naturang tao ay mangangako na hindi na siya hihingi mula sa Kanya ng anuman, at siya ay pagbibigyan ng kanyang Panginoon dahil siya ay nakakita ng isang bagay na hindi niya mapagpasensyahan. Kaya't siya ay dadalhin malapit doon at siya ay sisilong sa lilim nito at iinom mula sa tubig nito.

At isa pang puno ang itatayo para sa kanya sa tarangkahan ng Paraiso na mas maganda sa dalawang nauna, at kanyang sasabihin, ‘O Panginoon ko, ilapit Mo ako sa puno na iyon nang sa gayon ako ay makasilong sa lilim nito at makainom mula sa tubig nito, at ako ay hindi na hihiling pa Sayo ng kahit na ano.‘ Ang Dakilang Tagapaglikha ay magsasabi, ‘O anak ni Adan, hindi ba't ikaw ay nangako sa Akin na hindi ka na hihiling pa sa Akin ng kahit ano?’ Ang naturang tao ay magsasabi, ‘Oo, O Panginoon, hindi na ako hihingi Sayo ng kahit na ano pa.’ Pagbibigyan siya ng kanyang Panginoon dahil siya ay nakakita ng isang bagay na hindi niya mapagpasensyahan. Siya ay dadalhin malapit doon, at nang siya ay makalapit dito, kanyang maririnig ang mga boses ng mga tao sa Paraiso at siya'y magsasabi, ‘O Panginoon, papasukin mo ako roon.’ Ang Dakilang Maykapal ay magsasabi: ‘O anak ni Adan, ano ang magpapahinto sayo mula sa paghiling? Ikasisiya mo ba kung ibibigay Ko sayo ang mundo at isa pang kasinlaki rin nito? ’Ang naturang tao ay magsasabi, ‘O Panginoon, pinaglalaruan Mo ba ako gayong Ikaw ang Panginoon ng mga sanlibutan? ’ 

Si Ibn Mas'ood (na isa sa mga kasamahan ng Sugo at syang nagsasalaysay ng magandang salaysay na ito) ay ngumiti at nagsabi: Hindi ba kayo magtatanong kung ano ang nakapagpangiti sa akin? Kanilang sinabi: Ano po ang nakapagpangiti sayo? Sinabi niya; Ganito ngumiti ang Sugo ng Tagapaglikha, mapasakanya ang Habag at Pagpapala ng Tagapaglikha, at sila (na mga kasamahan ng Sugo na nakapaligid sa kanya) ay nagtanong: Ano po ang nakapagpangiti sayo, O Sugo ng Tagapaglikha? Ang Sugo ay nagsabi: “Sapagkat ang Dakilang Panginoon ng mga sanlibutan ay napangiti sa kanyang sinabi, ‘O Panginoon, pinaglalaruan Mo ba ako gayung Ikaw ang Panginoon ng mga sanlibutan?’ At ang Dakilang Tagapaglikha ay magsasabi: ‘Ikaw ay hindi Ko pinaglalaruan, ngunit Ako ay may kakayanan na gawin anuman ang Aking naisin.”[4]

Sa ikalawang bahagi ay ating tatalakayin kung paanong ang kabutihan at habag ng Dakilang Maykapal ay naipakita sa hadith na ito at tingnan kung gaano kainam ang pagkakakilala at pagkakaunawa ng Panginoon ng mga sanlibutan sa Kanyang mga nilikha.

MGA TALABABA:

  1. Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim
  2. Saheeh Muslim
  3. Ibid
  4. Saheeh Muslim