Sa kasaysayan ng Islam mayroong dalawang kilalang tao na tumanggi na magbalik-loob sa Islam kahit na ang katotohanan ay naging malinaw na sa kanila. Naiintindihan at hinangaan ng mga lalaking ito ang Islam at sila, sa kani-kanilang paraan, ay mahal ang Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala ). Sila ang Emperador ng Byzantium si Heraclius at si Abu Talib, mahal na tiyuhin ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala ). Pareho nilang nakilala ang kagandahan ng Islam gayon pa man sila ay nagpadala sa panlabas na presyon at tumanggi na tanggapin ito bilang kanilang relihiyon.
Kapag ang isang tao ay isinasaalang-alang ang pagpasok sa Islam, madalas silang nahaharap sa panlabas na mga kagipitan. Tatanungin nila ang kanilang sarili, ano ang sasabihin ng aking mga magulang, asawa, o kapatid. Paano naman ang trabaho ko, paano ko sasabihin sa kanila na hindi na ako makakapunta sa bar pagkatapos ng trabaho? Ang mga bagay na ito ay maaaring tila walang halaga, ngunit madalas na lumalaki na kasinlaki ng kabundukan na nagiging sanhi na pag-isipan ng pag-isipan muli ng ibang tao (ang pagbabalik loob sa Islam). Kahit na matapos pumasok ng isang tao sa Islam, kapag ang unang naramdamang kaligayahan ay mawala na, maaring matagpuan nila ang kanilang mga sarili na nahaharap sa mga panloob na kagipitan.
Si Heraclius at Abu Talib ay dalawang magkaibang mga halimbawa ng kung gaano kadali ipakipagsapalaran ang kabilang buhay alang-alang sa mga bagay na kabilang sa pansamantalang buhay na ito.
Si Heraclius - Ang Emperador ng Byzantium
Noong taong 628CE si Propeta Muhammad ay nagpadala ng liham kay Heraclius na nag-anyaya sa kanya na tanggapin ang Islam. Ito ay isa sa maraming mga sulat na ipinadala ni Propeta Muhammad sa maraming pinuno ng Estado. Ang bawat liham ay sadyang iniaakma para sa taong pagbibigyan ng sulat ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala ). Mababasa dito ang ilang bahagi ng sulat para kay Heraclius.
Sinusulat ko ang paanyaya na ito na hikayatin ka sa Islam. Kung ikaw ay magiging isang Muslim ikaw ay maliligtas - at dodoblehin ng Diyos ang iyong gantimpala, ngunit kung tanggihan mo ang paanyaya na ito ng Islam ikaw ay magpapasan ng kasalanan sa pagkaligaw ng iyong mga nasasakupan. Kaya hinihiling ko sa iyo na pakinggan ang mga sumusunod: “O Mga Tao ng Banal na Kasulatan! Halikayo sa salitang pangkaraniwan sa inyo at sa amin na wag sumamba sa iba maliban kay Allah at wala tayong itatambal sa pagsamba sa Kanya, at wala sa atin ang kikilala ng iba bilang mga diyos bukod kay Allah. Pagkatapos kung tumalikod sila, sabihin: Sumaksi na kami ay mga Muslim.” Si Muhammad, ang Sugo ng Diyos.
Hindi sinira ni Heraclius ang liham tulad ng ginawa ng Emperador ng Khosrau, sa halip binasa niya ito nang malakas sa kanyang mga tauhan at mga ministro. Itinago din ni Heraclius ang liham, pinag-isipan ito at gumawa ng mga pagtatanong tungkol sa katotohanan nito. Tinanong niya si Abu Sufyan, na isang masidhing kaaway ng Propeta at Islam, na nagkataon na nasa kanyang lupain para sa pangangalakal at negosyo sa mga panahon na iyon. Ipinatawag siya sa korte upang tanungin. buong katotohanan na nagsalita si Abu Sufyan tungkol kay Muhammad at si Heraclius ay nakapagtatag ng katotohanan ng pag-angkin ni Muhammad sa pagiging propeta. Inanyayahan ni Heraclius ang kanyang korte sa Islam. Ang kanilang reaksyon sa kanyang paanyaya ay naitala ni Ibn al-Natur.
“Nang magtipon ang kanyang mga matataas na opisyal, inutusan niya na isarado ang lahat ng mga pintuan ng kanyang palasyo. Pagkatapos siya ay lumabas at sinabi, “O mga taga Byzantine! Kung ang tagumpay ay ang iyong hangarin at kung naghahanap kayo ng tamang patnubay at nais niyong manatili ang inyong Imperyo, kung magkagayun magbigay ng isang pangako ng katapatan sa umuusbong na Propeta! “Sa pagkadinig ng paanyaya na ito, ang mga matataas na opisyales ng Simbahan ay tumakbo patungo sa mga pintuan ng palasyo tulad ng isang kawan ng mga ligaw na asno, ngunit natagpuan na ang mga pinto ay sarado. Napagtanto ni Heraclius ang kanilang pagkamuhi sa Islam, nawalan siya ng pag-asa na sila ay yumakap sa Islam, at iniutos niya na bumalik sa pangmadlang-silid. Matapos silang bumalik, sinabi niya, “Ang sinabi ko ay para lang masubukan ang lakas ng inyong paniniwala, at nasaksihan ko ito. “Ang mga tao ay nagpatirapa sa harap niya at nalugod sa kanya, at si Heraclius ay tumalikod sa pananampalataya.”
Si Heraclius ay malinaw na parehong nakumbinse at humanga sa kanyang nabasa, at sa mga resulta ng kanyang pagsisiyasat. Kaya bakit siya tumalikod? Natakot ba siya na mawala ang kanyang kapangyarihan at posisyon? Natakot ba itong mawala ang kanyang buhay? Malinaw na kumiling ang kanyang puso sa pagyakap sa Islam at tiyak na sinubukan niyang kumbinsihin ang kanyang mga tao, sineseryoso ang payo ni Muhammad (sumakanya ang kapayapaan at pagpapala ) na huwag mangligaw sa kanyang sariling mga tao. Ang pagkapit sa mundong ito ng ilusyon na nangingibabaw kay Heraclius ay masyadong malakas at naimpluwensyahan siya nito. Namatay siya na hindi tinanggap ang Islam[1].
Ito ay isang problema na kinakaharap araw-araw ng mga taong isinasaalang-alang ang pagbabalik-loob. Ang pagpapasyang baguhin ang mga relihiyon ay hindi dapat pinagwawalang-bahala, sapagkat ito ay isang pangyayari na makakapagpabago sa buhay. Gayunpaman ang regalo ng Islam ay hindi dapat tanggihan, dahil walang kaseguraduhan kung magkakaroon pa sila ng pagkakataon na muling pag-aralan ito .
Si Abu Talib
Si Propeta Muhammad (sumakanya ang kapayapaan at pagpapala ) ay nasa walong taong gulang, ng siya ay sumailalim sa proteksyon at pangangalaga ng kanyang tiyuhin na si Abu Talib. Malapit na malapit sina Muhammad (sumakanya ang kapayapaan at pagpapala ) at Abu Talib at nang si Abu Talib ay nasa kagipitan, si Propeta Muhammad ay inalagaan ang isa sa kanyang mga anak na si Ali, at nang lumaki ito ay naging manugang ni Muhammad (sumakanya ang kapayapaan at pagpapala) at naging ikaapat na pinuno ng Bansang Islam. Dahil sa pangangaral ng mensahe ng Islam Inilagay ni Propeta Muhammad (sumakanya ang kapayapaan at pagpapala) ang kanyang sarili sa malaking panganib. Si Abu Talib, isang lalaking labis na iginagalang sa Mecca, ay prinotektahan si Muhammad (sumakanya ang kapayapaan at pagpapala) sa abot ng kanyang makakaya. Kahit na hinikayat siya na patahimikin o kontrolin ang kanyang pamangkin ay buong lakas niyang pinanindigan si Muhammad (sumakanya ang kapayapaan at pagpapala).
Bagama't siya ay isa sa mga palaging tagasuporta ni Propeta Muhammad, si Abu Talib ay tumangging tanggapin ang Islam. Maging sa kanyang huling hininga nang paki-usapan siya ni Propeta Muhammad (sumakanya ang kapayapaan at pagpapala) na tanggapin ang Islam. Tinanggihan niya ito na sinabing siya ay masaya sa relihiyon ng kanyang mga ninuno. Natakot si Abu Talib na ang kanyang reputasyon at karangalan sa gitna ng mga tao sa Mecca ay masira kung siya ay magpasya na talikuran ang relihiyon ng kanyang ama at mga ninuno sa huling sandali ng kanyang buhay. Ang parehong karangalan na nagpapahintulot sa kanya na protektahan at mahalin si Propeta Muhammad ng higit sa apatnapung taon, pati na rin ang mga panahon ng matinding kahirapan dahil sa kanyang pamangkin, ay hindi nagpahintulot sa kanya na yakapin ang Islam.
Magmula ng simulan ang pagiging propeta ni Muhammad (sumakanya ang kapayapaan at pagpapala), ang mga nais na yakapin ang bagong relihiyon ay nahaharap sa personal na pagkabalisa at nahihirapang gumawa nang mga pagpapasya na sumuko sa kalooban ng Diyos. Ang mga panlabas na presyon, tulad ng baka magalit ang kanyang pamilya o kaibigan, o mawalan ng trabaho, ay nangangahulugan na marami ang nilalagay sa panganib ang kanilang magiging buhay sa Kabilang Buhay. Ito ay isang mali na ipagsapalaran ang kanyang walang hanggan na Paraiso para sa lumilipas at pansamanlatalang mga benepisyo sa mundong ito.
Sa susunod na artikulo ay tatalakayin natin kung paano haharapin ng isang tao ang mga kasalukuyang kagipitan at magbibigay ng ilang mga alituntunin upang maging madali ang paglipat sa Islam.
TALABABA:
- Mayroong mga naniniwala na si Heraclius ay lihim na tinanggap ang Islam, gayunpaman ang kaalamang ito ay sa Diyos lamang.