Ang mga Muslim ay naniniwala na ang mga anghel ay gumaganap bilang aktibong bahagi sa buhay ng tao. Ito ay nagsisimula agad pagkatapos ng paglilihi at magpapatuloy hanggang sa sandali ng kamatayan. Ang mga anghel at tao ay makikipag-ugnayan pa rin sa kabilang-buhay. Ang mga anghel ang maghahatid sa tao tungo sa Paraiso at nagbabantay sa pintuan ng Impiyerno. Ang paniniwala sa mga anghel ay isa sa mga pangunahing paniniwala ng Islam.

Mula sa mga tradisyon ng Propeta Muhammad, ating nauunawaan na ilang buwan matapos ang paglilihi, ang buhay ay iniihip dito sa pamamagitan ng kapahintulutan ng Diyos. Pagkatapos ay isusulat ng isang anghel ang sagot sa apat na tanong sa Aklat ng mga gawa ng taong ito. Ito ba ay lalaki o babae? Magiging masaya o malungkot ba ang taong ito? Gaano katagal ang kanyang buhay, at ang taong ito ba ay gagawa ng mabuti o masasamang gawa?[1]

May mga anghel na responsable sa pagbabantay sa mga tao sa buong buhay nila.

“Sa bawat (tao), ay mayroong mga anghel na nagsasalit-salitan sa pagmamatyag, mula sa kaniyang harapan at likuran. Siya'y kanilang binabantayan sa pamamagitan ng Pag-aatas ng Diyos.” (Quran 13:11)

Bawat tao ay binigyan ng dalawang nagtatalang mga anghel. Ang mga anghel na ito ay mga mararangal na eskriba at ang kanilang tungkulin ay isulat ang lahat ng mabubuti at masasamang gawa.

“. . . at Siya ay nagpadala ng mga tagapagbantay (mga anghel na nagbabantay at nagsusulat sa lahat nang gawaing mabuti at masama ng isang tao) sa iyo . . .” (Quran 6:61) “O sila ba ay nag-aakala na hindi Namin naririnig ang kanilang mga lihim  at ang kanilang mga sariling usapan? (Tunay na Kami) at nang Aming mga Sugo (mga anghel na naatasan sa sangkatauhan) ay nasa kanila, upang magtala.” (Quran 43:80) “(Alalahanin!) na ang dalawang tagatanggap (nagtatalang mga anghel) ay tumanggap (sa bawat tao pagkatapos niyang marating ang edad ng pagbibinata/pagdadalaga), ang isa ay nakaupo sa kanan at ang isa ay nakaupo sa kaliwa (upang isulat ang kaniyang mga gawain). Walang namumutawing isa mang salita mula sa kanya, subalit may isang nagmamatyag kasama nito na handang (magtala ng kaniyang mga gawa).” (Quran 50:17-18) “Subali't katotohanan, itinilaga sa inyo (ang mga naatasang mga  anghel na nakatalaga sa sangkatuahan) upang kayo'y bantayan; Kiramaan (mararangal) kaatibeen  - isinusulat (ang inyong mga gawain) .” (Quran 82:10-11)

Ang mga anghel ay nagtatala sa isang marangal ngunit sa mahigpit na paraan. Wala kahit isang salita ang hindi naitatala. Gayunman, tulad ng dati, ang habag ng Diyos ay malinaw. Ang Propetang si Muhammad, sumakanya nawa ang habag at mga pagpapala ng Diyos, ay ipinaliwanag na ang Diyos ay naglarawan at nagbigay ng mga detalye tungkol sa pamamaraan ng pagtatala ng mabubuti at masasamang gawa.  “Sinuman ang gustong gumawa ng mabuting gawa, ngunit hindi ito ginawa, isinusulat ito para sa kanya bilang isang ganap na mabuting gawa. Kapag kanya talagang ginawa ang mabuting gawa kung gayon ito ay isusulat bilang sampung mabubuting gawa, o hanggang pitong daang beses o higit pa. Kung ang isang tao ay nilayon na gumawa ng masamang gawa, ngunit hindi ito ginawa, ito ay isinusulat bilang isang mabuting gawa, samantalang kapag ito'y sumagi sa kaniyang isipan at ito'y ginawa, ito ay isinusulat bilang isang masamang gawa.”[2]

Ang kilalang pantas ng Islam na si Ibn Kathir ay nagpaliwanag sa Quran 13:10-11 sa pagsasabing, "bawat tao ay may mga anghel na nagsasalitan sa pagbabantay sa kaniya sa gabi at araw, na nangangalaga sa kanya mula sa kasamaan at sa mga aksidente, tulad ng iba pang mga anghel na humahalili sa pagtatala ng kanyang mga gawa, mabuti at masama, sa gabi at sa araw."

“Dalawang anghel, sa kanan at sa kaliwa, ang nagtatala ng kanyang mga gawa. Ang nasa kanan ay itinatala ang mabubuting gawa at ang isa na nasa kaniyang kaliwa ay isinusulat ang masasamang gawa. Dalawa pang anghel ang nagbabantay sa kanya at pinangangalagaan siya, isa mula sa likuran, at isa mula sa harapan. Kaya mayroong apat na anghel sa araw at apat na iba pa sa gabi.”

Bukod sa apat na anghel na palaging kasama ng tao, na nagbabantay, at nagtatala, patuloy namang binibisita ng ibang mga anghel ang mga tao. Sa kanyang mga tradisyon, ipinaalala ng Propeta Muhammad sa kanyang mga kasamahan na lagi silang binibisita ng mga anghel. Kaniyang sinabi, "Dumarating sa inyo ang mga anghel sa paglipas ng gabi at araw at silang lahat ay magkakasama sa oras ng Fajr (madaling-araw) at Asr (hapon) na panalangin. Doon sa mga nadaanan ng gabing iyon (o nanatili sa inyo) ay umaakyat (sa Langit) at ang Diyos ay nagtatanong sa kanila, bagama't batid Niya ang lahat ng tungkol sa iyo, "Saang estado ninyo iniwan ang Aking mga alipin?" Sasagot ang mga anghel: "Nang iwanan namin sila ay nagdarasal at nang makarating kami sa kanila, sila'y nagdarasal.”[3]  Sila'y nagtitipon upang saksihan ang panalangin at makinig sa pagbigkas na mga talata ng Quran.

Samakatuwid ay ating mauunawaan na ang mga anghel ay lubhang sangkot sa buhay ng mga tao at ang pakikihalubilo na ito ay hindi magwawakas kapag inalis na ng anghel ng kamatayan ang kaluluwa, ni hindi ito magwawakas matapos tanungin ng mga anghel ang yumaong tao sa kanyang libingan [4]. Ang mga anghel ay ang tagapagbantay ng pintuan ng Paraiso.

“At yaong mga natatakot sa kanilang Panginoon ay dadalhin patungo sa Paraiso nang pangkat-pangkat, hanggang, kapag sila ay makarating dito at ang mga pinto nito ay magbubukas at ang mga tagapagbantay nito ay magsasabi sa kanila: Assalamu alaikum! (Ang kapayapaan ng Diyos ay mapasa inyo!).  Kayo ay naging dalisay, kaya magsipasok kayo rito upang kayo ay manatili [rito] nang walang hanggan.” (Quran 39:73)

“At ang mga anghel ay papasok sa kanila mula sa bawat pintuan na nagsasabing, "Assalamu Alaikum (Nawa ang kapayapaan ng Diyos ay sumainyo) sapagka't kayo ay naging matiyaga sa pagtitiis! Sadyang napakaganda ng huling tahanan!” (Quran 13:23-24)

Ang mga anghel ay tagapagbantay rin ng Impiyerno.

“At ano nga ba ang makapagpapaliwanag sa iyo kung ano ang Impiyernong-Apoy na ito?  Wala itong kinaliligtaan (na sinumang nagkasala), at walang iniiwan (na anumang bagay na hindi sinusunog)!  Sinusunog ang mga balat!  Naroroon ang labing siyam (na mga anghel bilang tagapangalaga at tagapagbantay ng Impiyerno).  At wala Kaming ginawang tagapagbantay ng Apoy maliban sa mga anghel, at Aming itinakda lamang ang kanilang dami bilang isang pagsubok sa mga di nananampalataya - nang sa gayon ang mga Angkan ng Kasulatan ay mapagtanto nila nang may katiyakan at upang magagdagan ang Paniniwala ng mga mananampalataya.” (Quran74:27-31)

Nilikha ng Diyos ang mga anghel mula sa liwanag. Hindi nila kayang suwayin ang Diyos at sinusunod nila ang Kanyang mga utos nang hindi nagdadalawang isip o nag-aatubili. Sinasamba ng mga anghel ang Diyos. Ito ang kanilang ikinabubuhay. Ang mararangal na nilalang na ito ay may mahalagang papel sa buhay ng mga tao. Sila ay nagbabantay at nagpoprotekta, nagtatala at nag-uulat, at nakikipagtipon sa mga taong umaalala sa Diyos. 

MGA TALABABA:

  1. Saheeh Al-Bukhari
  2. Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim
  3. Ibid.
  4. Tingnan ang pangalawang bahagi