“...Si Jibreel- siya ang nagpahayag nito [Quran] sa iyong puso sa kapahintulutan ni Allah, isang pagpapatunay ng anumang nauna rito at patnubay at magandang balita para sa mga naniniwala”. (Quran 2:97)
Ang mga anghel ay mga nilalang na nilikha ng Diyos, mula sa liwanag. Hindi nila kayang suwayin ang Diyos at isinasagawa nila ang mga tungkuling itinakda para sa kanila nang hindi nagdadalawang isip o nag-aatubili. Ang mga Muslim ay nakuha ang kanilang pang-unawa tungkol sa mga anghel mula sa Quran at sa tunay na mga tradisyon ni Propeta Muhammad. Sa unang bahagi ating pinagtibay na ang mga anghel ay magagandang nilalang na may pakpak, na may iba't-ibang laki at sa pamamagitan ng pahintulot ng Diyos, ay kayang baguhin ang kanilang mga anyo. Ang mga anghel ay may mga pangalan at tungkulin na kailangan nilang isagawa.
Ang pangalang lubos na pamilyar sa mga Muslim at mga di-Muslim ay kay Gabriel (Jibreel). Ang anghel na si Gabriel ay tinutukoy sa mga tradisyong Hudeo at Kristiyano bilang isang arkanghel at sugo ng Diyos, at siya[1] ay may malaking katayuan sa lahat ng tatlong monoteyismong relihiyon.
“Katotohanan, ito (ang Quran ay ipinararating ng) kagalang-galang na Sugo (Gabriel), mula sa Diyos para kay Propeta Muhammad. Na nagtataglay ng lakas, kapangyarihan, at mataas ang ranggo sa (Allah, nagmamay-ari ng Dakilang Trono). Siya ay sinusunod (ng mga anghel), na pinagkakatiwalaan sa kalangitan.” (Quran 81:19-21)
Dinala ni Gabriel ang mga salita ng Diyos – ang Quran – kay Propeta Muhammad.
Si Michael (Mikaeel) ay ang anghel na responsable para sa ulan at si Israfeel ay ang anghel na iihip ng trumpeta sa Araw ng Paghuhukom. Ang tatlong ito ay mula sa pinakadakilang mga anghel ng dahil sa laki ng kahalagahan ng kanilang mga tungkulin. Bawat isa sa kanilang mga tungkulin ay may kaugnayan sa aspeto ng buhay. Si anghel Gabriel ang nagdala ng Quran mula sa Diyos patungo kay Propeta Muhammad, at ang Quran ang nagpapalakas sa puso at sa kaluluwa. Ang anghel na si Michael ay responsable para sa ulan, at nililinang nito ang lupa at gayon din ang ating mga pisikal na katawan, ang Anghel na si Israfeel ay responsable para sa pag-ihip ng trumpeta at ito ay senyales na simula na ng buhay na walang hanggan, alinman sa Paraiso o Impiyerno.
Kapag si Propeta Muhammad ay bumangon sa gabi upang manalangin, sinisimulan niya ang kanyang panalangin sa mga salitang, "O aking Diyos, na Panginoon ni Gabriel, Mikaeel at Israfeel, ang Maylalang ng langit at lupa, ang Ganap na Nakababatid sa mga hindi nakikita at nakikita. Ikaw ang Tagahatol sa mga bagay na ipinagkakaiba-iba ng Iyong mga alipin. Gabayan Mo ako hinggil sa Katotohanan sa pamamagitan ng Iyong kapahintulutan, sapagka't Iyong ginagabayan ang sinumang Iyong naisin sa Tuwid na Landas.”[2]
Alam din natin ang mga pangalan ng ilan pang mga anghel. Si Malik, ang anghel na kilala bilang bantay ng pintuang-daan ng Impiyerno. "Sila [ang mga tao sa Impiyerno] ay dadaing: ' O Malik! Maaari bang ang iyong Panginoon ay wakasan na ito para sa amin! . . ." (Quran 43:77) Sina Munkar at Nakeer ay ang mga anghel na responsable sa pagtatanong sa mga tao sa kanilang libingan. Kilala natin ang mga pangalang ito at nauunawaan natin na tayo ay tatanungin ng mga anghel sa libingan tulad ng binanggit sa mga tradisyon ni Propeta Muhammad.
“Kapag ang pumanaw ay inilibing na, darating sa kaniya ang dalawang itim-bughaw na mga anghel, isa sa kanila ay tinatawag na Munkar at ang isa ay Nakeer. Sila 'y magtatanong sa kaniya, 'Ano ang iyong madalas sabihin tungkol sa lalaking ito? 'at kaniyang sasabihin kung ano ang madalas niyang sabihin: 'Siya ang alipin at sugo ng Diyos: Katotohanan ako ay sumasaksi na walang Diyos maliban kay Allah at si Muhammad ay alipin at sugo ng Diyos. Kanilang sasabihin, 'Sa simula palamang batid na namin na madalas mo na itong sabihin.' Pagkatapos ang kaniyang libingan ay paluluwagin para sa kanya sa sukat na pitumpung siko sa pitumpung siko at iyon ay magbibigay liwanag para sa kaniya. Pagkatapos ay kanilang sasabihin, 'Ika'y matulog.' Kaniyang sasabihin, 'bumalik ka sa pamilya ko at sabihin mo sa kanila. 'Sasabihin nila sa kaniya, 'Ika'y matulog tulad ng isang bagong kasal na walang sinuman na gigising maliban sa kanyang pinakamamahal, 'hanggang sa siya ay ibabangon ng Diyos...”[3]
Sa Quran ating makikita ang kuwento tungkol sa dalawang anghel na nagngangalang Haroot at Maroot, na ipinadala sa Babilonia upang turuan ang mga tao ng mahika. Ang paggamit ng mahika ay ipinagbabawal sa Islam ngunit ang mga anghel na ito ay ipinadala bilang isang pagsubok para sa mga tao. Bago ang paghahayag o pagtuturo ng mahika sina Haroot at Maroot ay malinaw na nagbabala sa mga naninirahan sa Babilonia na sila ay ipinadala bilang isang pagsubok, at ang mga magsasagawa ng mahika ay walang bahagi sa kabilang buhay, i.e. sila'y mapupunta sa Impiyerno. (Quran 2:102)
Bagama't kung minsan ay ipinapalagay na ang Anghel ng Kamatayan ay pinangalanang Azraeel, walang anuman sa Quran o sa mapapanaligang mga tradisyon ni Propeta Muhammad ang nagpapahiwatig nito. Hindi natin alam ang pangalan ng Anghel ng Kamatayan ngunit alam natin ang kanyang tungkulin at siya ay may mga kawani.
“Sabihin: "Kayo ay kukunin ng Anghel ng Kamatayan, na itinalagang mangangasiwa sa inyo. Pagkaraan, kayo ay ibabalik sa inyong Panginoon.” (Quran 32:11)
Hanggang kapag ang kamatayan ay dumating sa isa sa inyo, siya ay kukunin ng Aming mga sugo at kanyang mga kawani [na anghel]. At kailanman sila ay hindi nagpapabaya [sa kanilang mga tungkulin]. Pagkaraan sila ay babalik kay Allah, ang kanilang Panginoon, ang Makatarungang Panginoon.” (Quran 6:61-62)
May isang grupo ng mga anghel na naglalakbay sa buong mundo, na hinahanap ang mga taong inaalala ang Diyos. Mula sa mga tradisyon ni Propeta Muhammad alam natin na, "ang Diyos ay mayroong mga anghel na naglalakbay sa lansangang-bayan upang maghanap ng mga taong umaalala. Kapag nakakita sila ng mga tao na inaalala ang Diyos, tinatawag nila ang isa't isa, "Pumarito ka sa kung anong iyong inaasam!" at kanila silang babalutin nang kanilang mga pakpak, na nakaunat hanggang sa pinakamababang langit. Ang kanilang Panginoon ay magtatanong, at mas batid Niya ang mga ito kaysa sa kanila, "Ano ang sinasabi ng Aking mga alipin?" Kanilang sasabihin: "Sila ay nagluluwalhati, dumadakila, pumupuri at nagbubunyi sa Iyo." Tanong Niya, "nakita na ba nila Ako?" Kanilang sasabihin, "Hindi pa, sumpa man sa Diyos, Ikaw ay hindi pa nila nakita." Tanong niya, "at ano ang mangyayari kung Ako'y makikita nila?" Kanilang sasabihin, "Mas magsisigasig at mas magiging tapat sila sa kanilang papuri at pagsamba." Tanong Niya, "Ano ang hinihiling nila sa Akin?" Kanilang sinabi, "hinihiling nila sa Iyo ang Paraiso." Tanong Niya, "At nakita na ba nila iyon?" Kanilang sasabihin, "hindi, sumpa man sa Diyos, O Panginoon, hindi nila ito nakita." Tanong Niya, "at ano ang mangyayari kung ito'y kanilang makikita?"Kanilang sasabihin: "Sila'y lalo pang magiging masigasig para dito at lalo silang magsusumamo sa Iyo." Tanong Niya, "At ano naman ang hinahanap nila mula sa Aking proteksyon?" Kanilang sasabihin, "Mula sa Apoy ng Impiyerno." Tanong Niya, "Nakita na ba nila iyon?" Kanilang sasabihin, "Hindi, sumpa man sa Diyos, hindi pa nila ito nakita." Tanong Niya, "at ano ang mangyayari kung ito'y kanilang makikita?" Kanilang sasabihin: "Sila'y lalo pang matatakot at sabik na takasan ito." Sasabihin ng Diyos: "Kayo ang Aking mga saksi na sila'y Aking pinatawad." Isa sa mga anghel ay magsasabi: "Si Ganoo't ganito ay talagang hindi isa sa kanila; dumating siya (sa pagtitipon) para sa iba pang dahilan. "Sasabihin ni Allah, "Lahat sila ay nasa pagtitipon, at kahit isa sa kanila ay hindi maibubukod (mula sa kapatawaran).”[4]
Ang mga Muslim ay naniniwala na ang mga anghel ay may natatanging tungkulin na magsagawa ng nauukol sa mga tao. Kanila silang binabantayan at pinoprotektahan, at ang dalawang anghel ay sumusulat ng mabuti at masasamang gawa. Sumasaksi sila ng mga panalangin at pati ang isa sa kanila ay responsable sa mga sanggol sa loob ng bahay-bata. Sa ikatlong bahagi, ay mas maraming detalye at ilalarawan namin ang mga ugnayan ng anghel sa tao.
MGA TALABABA:
- Ang salitang siya (panlalaki) ay para sa pagpapagaan ng balarila at hindi sa paraang pagpapahiwatig na ang mga anghel ay mga lalaki.
- Saheeh Muslim
- Sunan At Tirmidhi. Si Abu Isa ay nagsabi: Iyon ay ghareeb hasan hadeeth. Iyon ay hinatulan nang hasan sa Saheeh al-Jaami’, no. 724.
- Saheeh Al-Bukhari