Binanggit ng Quran ang dalawampu't limang mga propeta, na karamihan sa mga ito ay binanggit din sa Bibliya. Sino ang mga propetang ito, saan sila nakatira, kanino sila ipinadala, ano ang kanilang mga pangalan sa Quran at Bibliya, at ano ang ilan sa mga himalang ginawa nila? Sasagutin natin ang mga simpleng katanungang ito.
Bago tayo magsimula, dapat nating maunawaan ang dalawang bagay:
a. Sa Arabe dalawang magkaibang salita ang ginamit, ang Nabi at Rasool. Ang Nabi ay isang propeta at ang Rasool ay isang mensahero o isang apostol. Ang dalawang salita ay malapit sa kahulugan para sa ating layunin.
b. Mayroong apat na kalalakihan na binanggit sa Quran kung saan ang mga iskolar ng mga Muslim ay hindi sigurado kung sila ay mga propeta o hindi: Dhul-Qarnain (18:83), Luqman (Kabanata 31), Uzair (9:30), at Tubba (44:37, 50:14).
1. Si Aadam o Adan ay ang unang propeta sa Islam. Siya rin ang unang tao ayon sa tradisyonal na paniniwala ng Islam. Nabanggit si Adan sa 25 na bersikulo at 25 beses sa Quran. Nilikha ng Diyos si Adan gamit ang Kanyang mga kamay at nilikha ang kanyang asawa, si Hawwa o Eba mula sa tadyang ni Adan. Nabuhay siya sa Paraiso at pinalayas mula roon patungo sa mundo dahil sa pagsuway. Ang kwento ng kanyang dalawang anak na lalaki ay binanggit minsan sa Kabanata 5 (Al-Maidah).
2. Nabanggit nang dalawang beses sa Quran si Idrees o Enoch. Konti lang ang pagkakakilanlan ukol sa kanya. Sinasabing siya ay nanirahan sa Babilonya, Iraq at lumipat sa Ehipto at siya ang unang sumulat gamit ang isang panulat.
3. Nabanggit ng 43 beses sa Quran si Nooh o Noah. Sinasabing siya ay mula sa Kirk, Iraq. Ang Polytheismo (shirk-pagsamba sa mga diyus-diyosan) ay lumitaw sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang mga tao na nakatira malapit sa kasalukuyang lungsod ng Kufa, sa timog ng Iraq. Ang kanyang asawa ay isang hindi mananampalataya tulad ng nabanggit sa Kabanata 66 (At-Tahrim). Pinili din ng kanyang anak na hindi maniwala at nalunod sa baha. Ang kwento ay matatagpuan sa Kabanata 11 (Hud).
Isa sa mga dakilang himala niya ay ang Ark (malaking barko) na itinayo niya sa utos ng Diyos sa itaas ng Bundok ng Judi na sinasabing nasa pagitan ng hangganan ng Syrian-Turkish ngayon malapit sa lungsod ng Ayn Diwar.
4. Si Hud ay sinasabing si Heber sa Ingles. Nabanggit siya ng 7 beses sa Quran. Si Hud ang unang taong nagsalita ng Arabe at siya ang unang propeta na Arabo. Ipinadala siya sa mga tao ng Aad sa lugar na kilala bilang Al-Ahqaf na nasa paligid ng Hadramaut sa Yemen at ang Ar-Rub al-Khali (ang Walang laman na Himpilan). Winasak sila ng Diyos sa pamamagitan ng isang mabangis na hangin na umihip ng 8 araw at pitong gabi.
5. Si Salih ay binanggit ng 9 beses sa Quran. Siya ay isang Arabong propeta na ipinadala sa mga tao ng Thamud na nanirahan sa isang lugar na kilala bilang Al-Hijr sa pagitan ng Hijaz at Tabuk. Ang Al-Hijr ay ang sinaunang pangalan. Ngayon, ang lugar ay kilala bilang "Madain Salih" sa Saudi Arabia at isang UNESCO world Heritage na lugar. Ang mga ito ay mga kahanga-hangang istruktura na literal na inukit sa mga bundok. Hiniling ng mga tao na magpalabas siya ng isang babaeng kamelyo sa mga bato upang patunayan ang kanyang pag-aangkin na siya ay isang propeta. Ginawa niya, at binalaan sila na huwag saktan ito, ngunit pinatay nila ito sa kabila ng babala ni Salih. Isang malakas na hiyaw - saihah - ang pumatay sa kanilang lahat.
6. Si Ibrahim o si Abraham ay binanggit ng 69 beses sa 25 na mga kabanata ng Quran. Ang pangalan ng kanyang ama ay Aazar. Sila ay nanirahan sa lungsod ng Ur sa kaharian ng Chaldea. Tumakas siya sa Ur patungong Harran, sa hilaga ng peninsula ng Arabya, na Syria na ngayon, nang si Nimrod, ang hari ay sinubukang sunugin siya ng buhay. Mula Harran nagpunta siya sa Palestine kasama ang kanyang asawa na si Sarah at anak ng kanyang kapatid na si Lot (Loot sa Arabik) at kanyang asawa. Dahil sa taggutom, napilitan silang lumipat sa Ehipto.
Nang lumipas, bumalik siya kasama si Lot sa timog ng Palestine, si Abraham ay tumira sa Bir Sab'a at si Lot ay nanirahan malapit sa Dead Sea.
Pagkatapos ay inilipat ni Abraham ang kanyang ikalawang asawa, si Hagar, sa Mecca kasama ang kanyang anak na si Ismael at iniwan sila roon sa utos ng Diyos. Ang Mecca ay isang patay na lupain at ang balon ng zamzam ay ibinigay ng Diyos para mabuhay sila. Ang sinaunang tribo ng Jurhum ay nanirahan sa kanila dahil sa zamzam. Si Abraham ay sinasabing inilibing sa Hebron, Palestine.
7, 8. May dalawang anak si Abraham: Sina Ishaq o Isaac at Ismael o Ishmael. Nabanggit ng 16 beses si Isaac sa Quran samantalang 12 beses namang binanggit si Ismael. Si Isaac ay nanirahan kasama ang kanyang amang si Abraham, at namatay sa Hebron, Palestine. Inutusan ng Diyos si Abraham na isakripisyo si Ismael. Pumunta siya sa Mecca kasama ang kanyang mga magulang at naiwan doon kasama ang kanyang ina. Ilang beses na dinalaw ni Abraham si Ismael sa Mecca, at sa mga panahon na iyon, inutusan ng Diyos sina Abraham at Ismael na itayo ang Ka'bah (ang Banal na Bahay). Si Ismael ay namatay sa Mecca at inilibing doon. Si Isaac ang ninuno ng mga Hudyo at si Ismael ang ninuno ng mga Arabo.