“‘Katotohanan, Ako ay maglalagay (ng sangkatauhan) sa kalupaan sa maraming sali’t salinlahi sa mundo.' Sila ay nagsabi: 'Maglalagay ba Kayo roon ng (mga tao) na magsisigawa ng kabuktutan at doon ay magdadanak ng dugo, habang kami ay lumuluwalhati ng mga pagpupuri at pagpaparangal sa Inyong Banal (na Pangalan)?' Siya (Allah) ay nagwika: 'Nababatid Ko ang hindi ninyo nalalaman.’” (Quran 2:30)
Nagbibigay ang Islam sa atin ng kamangha-manghang mga detalye ng pagkakalikha kay Adan[1]. Sa Parehong Kristiyano at Hudyong tradisyon ay hindi gaanong detalyado ngunit kapansin-pansin na magkahalintulad sila sa Quran. Inilalarawan ng Aklat ng Genesis si Adan na nilikha mula sa "alabok ng lupa" at sa Talmud si Adan ay inilarawan na hinulma mula sa putik.
At sinabi ng Diyos sa mga anghel:
Dito nagsisimula ang kwento ni Adan, ang unang lalake, ang unang tao. Nilikha ng Diyos si Adan mula sa isang maliit na lupa na naglalaman ng mga bahagi mula sa lahat ng mga uri nito sa Mundo. Ang mga anghel ay ipinadala sa mundo upang mangolekta ng lupa na siyang magiging si Adan. Ito ay pula, puti, kayumanggi, at itim; ito ay malambot, matigas at magaspang; nagmula ito sa mga bundok at mga lambak; mula sa mga walang halamang disyerto at malalago at matatabang na kapatagan at lahat ng mga likas na uri sa gitna. Ang mga inapo ni Adan ay tinadhana upang maging magkakaiba tulad ng isang dakot na lupa na kung saan nilikha ang kanilang ninuno; lahat ay may iba't ibang mga hitsura, katangian at abilidad.
Lupa o Luwad?
Sa buong Quran, ang lupa na ginamit upang likhain si Adan ay tinutukoy sa maraming pangalan, at mula rito ay naiintindihan natin ang ilan sa pamamaraan ng kanyang pagkakalikha. Ang bawat pangalan ng lupa na ginamit sa ibat-ibang yugto ng paglikha kay Adan ay tinukoy. Ang lupa, na kinuha mula sa mundo, ay tinukoy bilang lupa; Tinukoy din ito ng Diyos bilang luwad. Kapag ito ay hinaluan ng tubig ay nagiging putik, kapag hinayaan lang, ang tubig ay mababawasan at ito ay nagiging malagkit na luwad (o putik). Kung muli itong iwan ng ilang oras nagsisimula itong mangamoy, at ang kulay ay nagiging mas madilim - itim, makinis na luwad. Mula sa sangkap na ito ay hinubog ng Diyos ang anyo ni Adan. Ang kanyang walang laman na katawan ay hinayaan upang matuyo, at ito ay naging kilala sa Quran bilang tumataginting na luwad. Si Adan ay hinubog mula sa isang bagay na katulad ng luwad ng pottery (paghulma ng mga palayok at ibp.). Kapag ito ay kinakatok gumagawa ito ng isang mataginting na tunog.[2]
Ang Unang Tao ay Pinarangalan
At sinabi ng Diyos sa mga Anghel:
“Alalahanin! Nang ang iyong Panginoon ay nagwika sa mga anghel: 'Katotohanang Ako ay lilikha ng tao (Adan) mula sa malagkit na putik na naging makinis na itim na putik. Nang Aking mahubog siya at mahingahan ng Aking espiritu (kanyang kaluluwa) na nilikha Ko, kayo ay magsiluhod at magpatirapa sa kanya (bilang paggalang at hindi pagsamba). ” (Quran 38:71-72)
Pinarangalan ng Diyos ang unang tao, si Adan, sa maraming paraan. Iniihip ni Allah ang Kanyang kaluluwa sa kanya, hinulma Niya siya ng Kanyang sariling mga kamay at inutusan Niya ang mga Anghel na magpatirapa sa harap niya. At sinabi ng Diyos sa mga Anghel:
“....Magpatirapa kay Adan at sila ay nagpatirapa maliban kay Iblees (Satanas)....” (Quran 7:11)
Habang ang pagsamba ay nakalaan para sa Diyos lamang ang pagpapatirapang ito ng mga Anghel kay Adan ay isang tanda ng paggalang at karangalan. Sinasabing, habang ang katawan ni Adan ay nanginginig habang nagkakaroon ng buhay, siya ay bumahing at agad na sinabi na 'Lahat ng papuri at pasasalamat ay sa Diyos;' kaya't tumugon ang Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanyang Habag kay Adan. Bagama't ang kwento na ito ay hindi nabanggit sa alinman sa Quran o sa tunay na mga pagsasalaysay ni Propeta Muhammad (sumakanya ang kapayapaan at pagpapala), binanggit ito sa ilang mga komentaryo ng Quran. Sa gayon, sa kanyang mga unang segundo ng buhay, ang unang tao ay kinilala bilang isang pinarangalan na nilalang, na sakop ng walang hanggang Awa ng Diyos.[3]
Sinabi din ni Propeta Muhammad na nilikha ng Diyos si Adan sa Kanyang imahe. [4] Hindi ito nangangahulugan na si Adan ay nilikha na kamukha o katulad ng Diyos, dahil ang Diyos ay natatangi sa lahat ng Kanyang mga aspeto, hindi natin mauunawaan o kakayaning lumikha ng imahe Niya. Ang ibig sabihin, gayunpaman, na si Adan ay binigyan ng ilang mga katangian na mayroon din ang Diyos, bagaman hindi maihahalintulad. Binigyan siya ng mga katangian ng awa, pag-ibig, malayang kalooban, at iba pa.
Ang Unang Pagbati
Inutusan si Adan na lumapit sa isang pangkat ng mga Anghel na nakaupo malapit sa kanya at batiin sila ng mga salitang Assalamu alaikum (Nawa'y sumainyo ang kapayapaan ng Diyos), sumagot sila 'at mapasaiyo din ang kapayapaan, awa at biyaya ng Diyos'. Magmula sa araw na iyon ang mga salitang ito na ang naging pagbati ng mga tumatalima sa Diyos. Simula ng likhain si Adan, tayo na kanyang mga inapo ay inutusan na ipakalat ang kapayapaan.
Si Adan, ang Tagapag-alaga
Sinabi ng Diyos sa sangkatauhan na hindi Niya sila nilikha malibang sambahin Siya. Ang lahat sa mundong ito ay nilikha para kay Adan at sa kanyang mga inapo, upang matulungan tayo sa ating kakayahang sumamba at makilala ang Diyos. Dahil sa walang hanggang Karunungan ng Diyos, si Adan at ang kanyang mga inapo ay ang siyang magiging tagapangalaga sa mundo, kaya itinuro ng Diyos kay Adan kung ano ang kailangan niyang malaman upang maisagawa ang tungkulin na ito. Binanggit ng Diyos:
“At itinuro Niya kay Adan ang pangalan ng lahat ng bagay.” (Quran 2:31)
Binigyan ng Diyos si Adan ng kakayahang makilala at magtalaga ng mga pangalan sa lahat; Itinuro Niya sa kanya ang wika, pagsasalita at ang kakayahang makipag-usap. Pinagtaglay ng Diyos si Adan ng hindi-mapigilang pangangailangan sa pag-ibig at sa kaalaman. Matapos malaman ni Adan ang mga pangalan at gamit ng lahat ng mga bagay, sinabi ng Diyos sa mga Anghel...
“‘Sabihin ninyo sa Akin ang pangalan ng mga ito kung kayo ay nagsasabi ng kawastuan.' Sila (mga anghel) ay nagsabi: 'Luwalhatiin Kayo! Kami ay walang karunungan maliban sa itinuro Ninyo sa amin; sa katotohanan Kayo lamang ang may Ganap na Kaalaman at Karunungan.’” (Quran 2:31-32)
Bumaling ang Diyos kay Adan at sinabi:
“‘O Adan! Sabihin mo sa kanila ang kanilang mga pangalan.' At nang masabi na niya ang kanilang mga pangalan, si Allah ay nagwika: 'Hindi baga Aking winika sa inyo na nababatid Ko ang mga lihim ng langit at lupa at talastas Ko kung ano ang inyong inilalantad at ikinukubli?” (Quran 2:33)
Sinubukan ni Adan na makipag-usap sa mga Anghel, ngunit abala sila sa pagsamba sa Diyos. Ang mga Anghel ay hindi binigyan ng tiyak na kaalaman o kalayaan ng kalooban, ang kanilang nag-iisang layunin ay sambahin at purihin ang Diyos. Si Adan, sa kabilang banda, ay binigyan ng kakayahang mangatwiran, pumili at kilalanin ang mga bagay at ang kanilang layunin. Nakatulong ito upang ihanda si Adan para sa kanyang paparating na tungkulin sa mundo. Kaya alam ni Adan ang mga pangalan ng lahat, ngunit nag-iisa lang siya sa Langit. Isang umaga nagising si Adan na may natagpuang isang babaeng nakatingin sa kanya.[5]
MGA TALABABA:
- Base mula sa mga gawa ni Al Imam ibn Katheer,
- Saheeh Al-Bukhari
- Al Imam ibn Katheer. The Stories of the Prophets.
- Saheeh Muslim
- Ibn Katheer .