Ang mga sugo ay ang mga propeta ni Allah sa mga lingkod Niya. Ipinararating nila sa mga tao ang mga utos Niya. Nagbabalita sila sa mga tao ng nakatutuwa hinggil sa inihanda ni Allah para sa mga ito na lugod sa Paraiso kung ang mga ito ay tumalima sa mga utos Niya. Nagbababala sila sa mga ito ng pagdurusang mananatili kung ang mga ito ay sumalu-ngat sa isinaway Niya. Isinasalaysay nila ang mga ulat tungkol sa mga nagdaang kalipunan at ang dumapo sa mga iyon na pagdurusa at parusa sa mundo dahil sa pagsalungat ng mga iyon sa utos ng Panginoon ng mga iyon.

Itong makadiyos na mga utos at mga saway ay hindi maaaring sarilinin ng mga isip ang pag-alam sa mga ito. Dahil doon ay isinabatas ni Allah ang mga batas at isinatungkulin Niya na sundin ang mga utos at ang mga saway. Ito ay bilang pagpaparangal sa mga anak ng tao, bilang pagbubunyi sa kanila at pangangalaga sa mga kapakanan nila. Ito ay dahil sa ang mga tao ay maaaring mapasunod sa likod ng mga masamang hilig nila: lalabagin nila ang mga ipinagbabawal,  magmamataas sila sa ibang mga tao at aagawan nila ang mga ito ng mga karapatan ng mga ito.

Kaya naging bahagi ng kapani-paniwalang katwiran na magpadala si Allah sa kanila sa tuwi-tuwina ng mga sugo na magpapaalaala sa kanila sa mga utos Niya, magbabala sa kanila laban sa pagkasadlak sa pagsuway sa Kanya, bibigkas sa kanila ng mga pangaral at babanggit sa kanila ng mga balita ng mga naunang tao.

Tunay na ang mga pambihirang balita kapag kumatok sa mga pandinig at ang mga kaka-ibang pakahulugan kapag pumukaw sa mga isipan ay kukunin ang mga ito ng mga isip kaya madadagdagan ang kaalaman ng mga ito at tutumpak ang pagkaunawa ng mga ito.

Ang nakahihigit sa mga tao sa pakikinig ay ang nakahihigit sa kanila sa mga pagkahiwa-tig, ang nakahihigit sa kanila sa mga pagkahiwatig ay ang nakahihigit sa kanila sa pag-iisip-isip, ang nakahihigit sa kanila sa pag-iisip-isip ay ang nakahihigit sa kanila sa kaalaman, at ang nakahihigit sa kanila sa kaalaman ay ang nakahihigit sa kanila sa gawa. Kaya naman hindi nakasumpong ng isang maipang-iiwas sa pagpapadala ng mga sugo at walang pamalit sa kanila sa pagsasaayos sa katotohanan.(1)

Nagsabi naman ang Guro ng Islam na si Ibnu Taymíyah,(2) kaawaan siya ni Allah:

“Ang pasugo (3)ay kinakailangan sa pag-aangkop sa tao sa pamumuhay niya at kabilang-buhay niya. Kaya kung papaanong walang kabutihan para sa kanya sa Kabilang-buhay niya kundi sa pamamagitan ng pagsunod sa pasugo, gayon din naman walang kabutihan para sa kanya sa pamumuhay niya at sa mundo niya kundi sa pamamagitan ng pagsunod sa pasugo. Ang tao ay mapipilitang sumunod sa batas dahil siya ay nasa pagitan ng dalawang pagkilos: pagkilos na ipinanghahatak niya sa pakikinabangan niya at pagkilos na ipinangtutulak niya sa nakapipinsala sa kanya.

“Ang batas ay ang liwanag na naglilinaw sa anumang nagdudulot ng pakinabang sa kanya at anumang nagdudulot ng kapinsalaan sa kanya. Ito ay liwanag ni Allah sa lupa Niya, katarungan Niya sa mga lingkod Niya at muog Niya na ang sinumang pumasok dito ay magiging ligtas. Ang ibig ipakahulugan ng batas ay hindi ang pagkakilala sa pamamagitan ng pandama sa pagkakaiba ng napakikinabangan at nakapipinsala sapagkat tunay na iyan nangyayari sa mga hayop yamang tunay na ang asno at ang kamelyo ay nakapagtatangi at nakakikilala sa kaibahan sa pagitan ng barley at lupa.

“Bagkus ito ay ang pagkakilala sa pagkakaiba sa pagitan ng mga gawang nakapipinsala sa gumagawa ng mga ito sa pamumuhay niya at kabilang-buhay niya, at ng mga gawang napakikinabangan niya sa pamumuhay niya at sa kabilang-buhay niya gaya ng pakinabang sa pananampalataya, paniniwala sa pagkaiisa ni Allah, katarungan, pagpapakabuti, pagma-magandang-loob, pagkamapagkakatiwalaan, kabinihan, katapangan, kaalaman, pagtitiis, pag-uutos sa nakabubuti at pagsaway sa nakasasama, pakikipag-ugnayan sa mga kaanak, pagpapakabuti sa mga magulang, pagmamagandang-loob sa mga kapitbahay, pagtupad sa mga tungkulin, pag-uukol ng kawagasan kay Allah, pananalig sa Kanya, pagpapatulong sa Kanya, kasiyahan sa mga pangyayari na itinakda Niya, pagpapasakop sa kahatulan Niya, paniniwala sa Kanya at paniniwala sa mga sugo Niya sa lahat ng ipinabatid nila, at iba pa na pakinabang at kabutihan para sa tao sa mundo niya at sa kabilang-buhay niya. Nasa kasalungatan niyon ang kahapisan niya at ang kapinsalaan sa kanya sa mundo niya at sa kabilang-buhay niya.

“Kung hindi sa pasugo, hindi napatnubayan ang isip tungo sa mga detalye ng mga napaki-kinabangan at mga nakapipinsala sa pamumuhay. Kabilang sa pinakadakilang mga biyaya ni Allah sa mga lingkod Niya at pinakamarangal na mga pagpapala Niya sa kanila ay na nagsugo Siya sa kanila ng mga sugo, nagbaba Siya sa kanila ng mga kasulatan Niya at nilinaw Niya sa kanila ang tuwid na landasin. Kung hindi dahil doon, talagang sila ay naging nasa kalagayan ng mga hayop at higit na masamang kalagayan kaysa sa mga iyon.

“Kaya ang sinumang tumanggap sa pasugo ni Allah at namalagi rito, siya ay kabilang sa pinakamabuti sa sangkinapal. Ang sinumang tumanggi rito at naghimagsik laban dito, siya ay kabilang sa pinakamasama sa sangkinapal, higit na masagwang kalagayan kaysa sa aso at baboy at higit na hamak kaysa sa lahat ng hamak. Walang matitira para sa mga naninirahan sa lupa kundi ang mga bakas ng alaala ng pasugo na natatagpuan sa kanila. Kaya kapag nabura ang mga bakas ng alaala ng mga sugo sa lupa, napawi ang mga pala-tandaan ng patnubay at winasak ni Allah ang mataas at mababang daigdig ay pinasapit na Niya ang pagbangon [ng mga patay].

“Ang pangangailangan ng mga naninirahan sa lupa sa sugo ay hindi gaya ng pangangai-langan nila sa araw, buwan, hangin at ulan; hindi gaya ng pangangailangan ng tao sa buhay niya; at hindi gaya ng pangangailangan ng mata sa liwanag nito at ng katawan sa pagkain at inumin. Bagkus ay higit na malaki kaysa roon at higit na matinding pangangailangan kaysa sa lahat ng nakakakaya niya at sumasagi sa isip.

“Ang mga sugo, sumakanila ang pagpapala at ang pagbati, ay mga tulay sa pagitan ni Allah at ng mga nilikha Niya kaugnay sa utos Niya at saway Niya. Sila ang mga embahador sa pagitan Niya at ng mga lingkod Niya. Ang pangwakas sa kanila, ang pangulo nila at ang pinakamarangal sa kanila sa Panginoon niya, ay si Muhammad. Sumakanilang lahat ang pagpapala at ang pagbati ni Allah. Isinugo siya ni Allah bilang awa sa mga nilalang, bilang katwiran sa mga tumatahak sa tama at bilang katwiran sa lahat ng nalikha.

“Isinatungkulin ni Allah sa mga tao ang pagtalima sa kanya, ang pag-ibig sa kanya, ang pagpipitagan sa kanya, ang pakamahalin siya, ang pagsasagawa sa pagtupad sa mga kara-patan niya, ang pagsunod sa mga tipan at mga kasunduan sa pamamagitan ng paniniwala rito, at ang pagsunod sa kanya higit sa lahat ng propeta at sugo. Inutusan Niya sila na dalhin ang mensahe sa sinumang susunod sa kanila na mga mananampalataya.

“Isinugo Niya si Propeta Muhammad (SAS) sa harap ng Huling Sandali bilang isang tagapagbalita ng nakatutuwa, bilang isang tapagbabala, bilang isang tapag-anyaya tungo sa Kanya ayon sa kapahintulutan Niya, at bilang isang ilaw na nagbibigay-liwanag. Wina-kasan ni Allah sa pamamagitan niya ang pasugo, nagpatnubay sa pamamagitan niya laban sa pagkaligaw at nagturo sa pamamagitan niya laban sa kamangmangan. Binuksan ni Allah sa pamamagitan ng pasugo sa kanya ang mga matang bulag, ang mga taingang bingi at ang mga pusong nakapinid.

“Kaya nagliwanag ang lupa pagkatapos ng mga kadiliman nito. Nagkabukluran ang mga puso pagkatapos ng pagkahati-hati ng mga tao. Itinuwid ni Allah sa pamamagitan niya ang baluktot na kapaniwalaan. Ipinaliwanag ni Allah sa pamamagitan niya ang maliwanag na daan. Pinaluwag Niya sa kanya ang dibdib niya. Inalis Niya sa kanya ang pasanin niya. Inangat Niya para sa kanya ang katanyagan niya. Inilagay Niya ang pagkahamak at ang kaabahan sa sinumang sumalungat sa utos niya.

“Isinugo siya ni Allah noong isang yugto ng kawalan ng mga sugo at ng mga paglaho ng mga kasulatan, at noong binaluktot ang mga salita ng kapahayagan, pinalitan ang mga batas, umaasa ang bawat kalipunan ng mga tao sa kadiliman ng mga pananaw nila at humatol sila kay Allah at sa mga lingkod Niya sa pamamagitan ng mga tiwaling pahayag nila at mga pithaya nila. Kaya naman pinatnubayan ni Allah sa pamamagitan niya ang mga nilikha, nilinaw ang mga daan at inilabas ang mga tao sa pamamagitan niya mula sa mga kadiliman tungo sa liwanag.

“Ipinakilala ni Allah sa pamamagitan niya ang mga alagad ng tagumpay at ang mga alagad ng kasamaang-loob. Kaya ang sinumang napatnubayan sa pamamagitan ng patnubay niya ay napatnubayan nga. Ang sinumang lumihis sa landas niya ay naligaw nga at lumabag. Kaya pagpalain ni Allah at batiin siya sampu ng lahat ng sugo at propeta.”(4)

Magagawa nating mabuod ang pangangailangan ng tao sa pasugo ayon sa sumusunod:

  1. Na siya ay isang taong nilikha at inaalagaan at hindi maiiwasan na kumilala sa Tagapag-likha niya at umalam sa kung ano ang ninais Niya sa kanya at kung bakit siya nilikha. Hindi masosolo ng tao ang pag-alam doon at walang daan tungo roon kundi sa pamamagi-tan ng pagkakilala sa mga propeta at mga sugo at pagkakilala sa inihatid nila na patnubay at liwanag;

  2. Na ang tao ay binubuo ng katawan at kaluluwa. Ang pagkain ng katawan ay ang anumang natatamong pagkain at inumin. Ang pagkain naman ng kaluluwa ay kinilala para rito ng lumikha rito: ang tumpak na relihiyon at ang matuwid na gawa. Ang mga propeta at ang mga isinugo ay naghatid ng tumpak na relihiyon at gumabay tungo sa matuwid na gawa;

  3. Na ang tao ay relihiyoso sa kalikasan ng pagkalalang niya at hindi makaiiwas na magka-roon ng relihiyon na paniniwalaan. Ang relihiyon na ito ay kailangang tumpak Walang landas tungo sa tumpak na relihiyon kundi sa pamamagitan ng pananampalataya sa mga propeta at mga isinugo, at ng pananampalataya sa inihatid nila;

  4. Na siya ay nangangailangan sa pagkaalam sa daan na magpaparating sa kanya sa ikasi-siya ni Allah sa mundo, at sa Paraiso Niya at lugod Niya sa kabilang-buhay. Ito ay daan na walang gumagabay tungo rito kundi ang mga propeta at ang mga isinugo;

  5. Na ang tao ay mahina sa sarili niya at inaabangan ng maraming kaaway gaya ng demonyo na nagnanais na ilihis siya, ng kasamahan sa kasamaan na nagpapaganda ng gawang pangit, at ng kaluluwang palautos sa kasagwaan. Dahil doon, siya ay nangangailangan ng mangangalaga sa sarili niya laban sa pakana ng mga kaaway niya. Ang mga propeta at ang mga isinugo ay gumabay tungo roon at naglinaw niyon nang lubhang paglilinaw;

  6. Na ang tao ay sibilisado sa kalikasan niya. Ang pakikisama niya sa mga nilikha at ang pakikihalubilo niya sa kanila ay hindi makaiiwas na magkaroon ng batas upang mapa-natili ang mga tao sa pagkamakatarungan at katarungan. Kung hindi, ang buhay nila ay kawangis ng buhay sa gubat. Ang batas na ito ay kailangang mangalaga para sa bawat may karapatan ng karapatan niya nang walang pagpapabaya at pagpapalabis. Walang naghahatid ng buong batas kundi ang mga propeta at ang mga isinugo;

  7. Na siya ay nangangailangan sa pagkaalam sa magsasakatuparan para sa kanya ng kapa-natagan, ng katiwasayang sikolohikal at ng gumagabay tungo sa mga kadahilanan ng tunay na kaligayahan. Ito ang iginagabay ng mga propeta at mga sugo.

Matapos ang paglilinaw sa pangangailangan ng mga nilikha sa mga propeta at mga sugo, nararapat sa atin na banggitin ang kabilang-buhay at linawin ang mga katibayan at ang mga patunay na nagpapatunay roon.



  1. A‘lám an-Nubúwah (Ang mga Tanda ng Pagkapropeta), akda ni ‘Alí ibnu Muhammad al-Máwirdí, pahina 33. 
  2. Siya si Ahmad ibnu ‘Abdilhalím ibni ‘Abdissalám, na tanyag sa tawag na Ibnu Taymíyah. Ipinanga-nak siya noong 661 AH (1273) at pumanaw noong 728 AH (1328). Siya ay kabilang sa mga malaking pantas ng Islam. Mayroon siyang maraming mahalagang naisulat. 
  3.  Mensahe ni Allah na inihatid ng sugo Niya. Ang Tagapagsalin. 
  4.  Qá‘idah fí Wujúb al-‘Itisám bi ar-Risálah (Patakaran Kaugnay sa Pagkakinakailangan ng Pangungunyapit sa Pasugo) ng Guro ng Islam na si Ibnu Taymiyah — kaawaan siya ni Allah, tomo 19, pahina 99-102, Majmú‘ al-Fatáwá (Katipunan ng mga Fatwá); tingnan ang Tingnan ang Lawámi‘ al-Anwár al-Bahíyah (Ang Maningning na mga Kislap ng mga Liwanag), tomo 2, pahina 261-263.