Si Hesus ay nakagawa ng maraming kamangha-manghang milagro, at walang duda na siya'y nagsabi ng maraming kahanga-hangang bagay patungkol sa kanyang sarili. Ginamit ng ilan sa mga tao ang kanyang sinabi at ginawa bilang patunay na siya ay Diyos. Ngunit ang kanyang mga orihinal na mga disipulo na namuhay at lumakad kasama niya, at silang mga nakasaksi sa kanyang mga sinabi at ginawa ay hindi kailanman umabot sa konklusyong ito.
Ang Aklat ng Mga Gawa ng mga Apostoles sa Bibliya ay nagdedetalye sa mga aktibidad ng mga disipulo sa loob ng tatlumpung taon matapos iakyat si Hesus sa langit. Sa loob ng mga panahong ito hindi nila kailanman pinatungkulan si Hesus bilang diyos. Nagpatuloy at hindi nabago ang kanilang paggamit sa titulong 'Diyos' bilang pantukoy sa Iba hindi kay Hesus.
Si Pedro ay tumindig kasama ang labing-isang disipulo at nagpahayag sa mga tao sa pagsasabing:
“Kayong mga Israelita, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Hesus na taga-Nazaret, isang lalaking pinatunayan ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga gawang makapangyarihan, mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya sa gitna ninyo, gaya ng nalalaman ninyo.” (Mga Gawa 2:22).
Ang Diyos, samakatuwid, ang Siya'ng may gawa ng mga milagro sa pamamagitan ni Hesus upang kumbinsihin ang mga tao na si Hesus ay sinusuportahan ng Diyos. Hindi inunawa ni Pedro na ang mga milagro ay patunay na si Hesus ay Diyos.
Sa katunayan, ang paraan ng pagtukoy ni Pedro sa Diyos at kay Hesus ay nagbibigay linaw na si Hesus ay hindi Diyos. Dahil ang titulong 'Diyos' ay palagi niyang inilalayo kay Hesus. Tingnan ang mga sumusunod na sanggunian bilang halimbawa:
“Ang Hesus na ito'y muling binuhay ng Diyos...” (Mga Gawa 2:32)
“Ginawa ng Diyos, itong si Hesus na inyong ipinako sa krus, na Panginoon at Mesiyas.” (Mga Gawa 2:36)
Sa parehong sipi, ang titulong 'Diyos' ay inilayo kay Hesus. Kaya't bakit niya ito ginawa, kung si Hesus ay Diyos?
Para kay Pedro, si Hesus ay lingkod ng Diyos. Sinabi ni Pedro:
“Nang piliin ng Diyos ang kanyang lingkod...” (Mga Gawa 2:36).
Ang titulong 'lingkod' ay tumutukoy kay Hesus. Ito'y malinaw mula sa mga nagdaang sipi kung saan inihayag ni Pedro:
“Ang Diyos ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob, ang Dios ng ating mga magulang, ay niluwalhati ang Kaniyang lingkod na si Hesus.” (Mga Gawa 3:13).
Marapat na alam ni Pedro na sina Abraham, Isaac at Jacob ay hindi kailanman nagsalita patungkol sa Diyos na may tatlong persona. Lagi silang nagsasalita patungkol sa Diyos bilang nag-iisang Diyos. Dito, sa Mateo 12:18, si Hesus ay lingkod ng Diyos. Sinasabi sa atin ni Mateo na si Hesus ay ang siyang lingkod ng Diyos na tinutukoy sa Isaias 42:1. Kaya, ayon kay Mateo at Pedro, si Hesus ay hindi Diyos, ngunit tagapaglingkod ng Diyos. Ang Lumang Tipan ay paulit-ulit na nagsasabi na ang Diyos ay nag-iisa (e.g Isaias 45:5).
Lahat ng disipulo ni Hesus ay nasa ganitong pananaw. Sa Aklat ng Mga Gawa 4:24, sinabi sa atin na ang mga naniniwala ay nanalangin sa Diyos na nagsasabing:
“...sama-sama silang nagtaas ng kanilang tinig sa Diyos, at nagsabi, “O Panginoon na gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon.’”
Malinaw na sila ay hindi nananalangin kay Hesus, dahil, ang sumunod nito na dalawang talata, ay tinukoy nila si Hesus bilang
“...sa iyong banal na Lingkod na si Hesus, na iyong pinahiran (Mesiyas).” (Mga Gawa 4:27).
Kung si Hesus ay Diyos, sinabi dapat ito ng malinaw ng kanyang mga disipulo. Bagkus, patuloy silang nangaral na si Hesus ay Kristo ng Diyos. Sinabi sa atin sa Aklat ng Mga Gawa:
“Araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, hindi sila tumigil sa pagtuturo at pangangaral na si Hesus ang Kristo.” (Mga Gawa 5:42).
Ang salitang griyego na 'Kristo' ay titulo ng tao. Ito'y nangangahulugang 'pinahiran (Mesiyas)'. Kung si Hesus ay Diyos, bakit patuloy siyang pinatutungkulan ng kanyang mga disipulo ng mga titulong-pantao tulad ng 'lingkod' at 'Kristo ng Diyos', at pare-parehong ginamit ang titulong 'Diyos' para sa Kanya na Nagtaas kay Hesus? Sila ba'y natakot sa mga tao? Hindi! Buong-tapang nilang ipinangaral ang katotohanan nang hindi natatakot makulong o sa kamatayan. Nang kaharapin nila ang pagsalungat mula sa mga awtoridad, inihayag ni Pedro:
“Kailangang sa Diyos kami sumunod, sa halip na sa mga tao! Ibinangon ng Diyos ng ating mga ninuno si Hesus...” (Mga Gawa 5:29-30).
Kulang ba sila sa banal na espirito? Hindi! Sila'y suportado ng banal na espiritu (tingnan sa Mga Gawa 2:3, 4:8 at 5:32). Ipinapangaral lamang nila kung ano ang kanilang natutunan mula kay Hesus — na si Hesus ay hindi Diyos kundi, sa halip, ay lingkod ng Diyos at Kristo.
Pinapatotohanan ng Quran na si Hesus ay ang Mesiyas (Kristo), at na siya ay lingkod ng Diyos (tingnan sa Banal na Quran 3:45 at 19:30).