Habang papalapit ang kamatayan sa suwail na hindi mananampalataya, siya ay ginawaran na maramdaman ang bagay na mainit sa Impiyernong Apoy. Ang malasap itong bagay na darating ay nagiging dahilan upang siya ay humingi ng pangalawang pagkakataon sa mundo upang gawin ang kabutihang alam niya na dapat niyang ginawa. Naku! Ang kanyang pakiusap ay mauuwi sa walang kabuluhan.

“Hanggang ang kamatayan ay sumapit sa isa sa kanila, siya ay magsasabi: ‘O aking Panginoon. Ako ay muli ninyong ibalik (sa mundo) upang ako ay makagawa ng kabutihan sa mga bagay na aking napabayaan.’ Hindi! Ito ay isa lamang salita na kanyang ipinangungusap. At sa harapan nila ay may hadlang (na pinipigilan silang bumalik: ang buhay ng libingan) hanggang sa Araw (ng Pagkabuhay) na sila ay muling ibabangon.” (Quran 23:99-100)

Ang banal na poot at kaparusahan ay ipinapahayag sa suwail na kaluluwa sa pamamagitan ng ubod ng pangit, maiitim na mga anghel na nakaupo sa malayo mula rito:

"Tanggapin ang masayang balita ng kumukulong tubig, katas ng sugat, at marami pa, na magkakaparehong pagdurusa ." (Ibn Majah, Ibn Katheer)

Ang kaluluwang hindi nanampalataya ay hindi naghahangad na makaharap niya ang kanyang Panginoong Diyos, tulad ng ipinaliwanag ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala):

"Kapag ang oras ng kamatayan ay papalapit na sa hindi mananampalataya, ay kanyang natatanggap ang mga masasamang balita ng parusa ng Diyos at ang Kanyang Ganti, na kung saan ay walang higit na kasuklam-suklam sa kanya maliban sa kung ano ang kinakaharap niya.  Samakatuwid, kinamumuhian niya ang pakikipagtagpo sa Diyos, at gayundin ang Diyos, kinamumuhian ang pakikipagtagpo sa kanya." (Saheeh Al-Bukhari)

Ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay nagsabi rin:

"Ang sinumang ibig makatagpo ang Diyos, ang Diyos ay ibig makatagpo siya, at sinumang namumuhing makatagpo ang Diyos, ang Diyos ay namumuhing makatagpo siya." (Saheeh Al-Bukhari)

Ang Anghel ng Kamatayan ay nakaupo sa ulo ng hindi mananampalataya sa kanyang libingan at nagsasabi: "Suwail na kaluluwa, lumabas ka sa hindi pagkalugod ni Allah" habang hinahablot niya ang kaluluwa sa katawan.

"At kung iyo lamang mamamasdan na kung ang mga suwail ay nasa kasakit-sakit na daing ng kamatayan habang ang mga anghel ay humahatak sa kanilang mga kamay, na nagsasabi, ‘Iligtas ninyo ang inyong mga sarili!  Sa araw na ito, kayo ay babayaran ng kaparusahan ng matinding pagkaaba dahilan sa inyong sinasambit hinggil kay Allah na taliwas sa katotohanan, at kayo ay nahirati sa pagtatakwil sa kanyang kapahayagan na walang paggalang." (Quran 6:93)

"At kung inyo lamang mapagmamasdan kung ang mga anghel ay kumukuha ng kaluluwa ng mga hindi sumasampalataya … humahampas sa kanilang mukha at likuran at sinasabing, ‘Lasapin ninyo ang kaparusahan ng Naglalagablab na Apoy.’" (Quran 8:50)

Ang masamang kaluluwa ay umaalis sa katawan nang may kahirapan, hinuhugot ng mga anghel na para bang ang pinagdikit-dikit na pantuhog na bakal ay kinaladkad sa basang lana[1]  Susunggaban ng Anghel ng Kamatayan ang kaluluwa at ilalagay sa isang sako na hinabi sa buhok na may masangsang na amoy, na mabaho at nakakasulasok na tulad ng pinakamabahong amoy ng nabubulok na bangkay na matatagpuan sa mundo.  Pagkatapos ay dadalhin ng mga anghel ang kaluluwa sa ibang pangkat ng mga anghel na magtatanong: "Sino ang masamang kaluluwa na ito?"  kung saan sila ay tutugon: "Si ganito at ganoon, na anak ni ganito at ganoon?" - gamit ang pinakamasamang pangalan ng mga pangalan na siya ay tinawag sa kanyang panahon sa mundo.  Kung magkagayon, kapag dinala na siya sa pinakamababang langit, isang kahilingan ang gagawin na ang pintuan nito ay buksan para sa kanya, ngunit ang kahilingan ay tatanggihan.  Habang ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay naglalarawan ng mga kaganapang ito, nang maabot niya ang puntong ito, ay kanyang binigkas:

"Ang mga tarangkahan ng langit ay hindi bubuksan para sa kanila at sila ay hindi makakapasok ng paraiso hanggang ang kamelyo ay makapasok sa butas ng karayom." (Quran 7:40)

Sasabihin ng Diyos: "Itala ang kanyang aklat sa Sijjeen sa pinakamababang mundo."

…at ang kanyang kaluluwa ay ibinaba. Sa oras na ito, ang Propeta, nawa ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya, ay nagsabi:

"Siya na magtalaga ng katambal kay Allah ay wari ba na siya ay nahulog mula sa himpapawid at ang mga ibon ay umaagaw sa kanya, o ang hangin ay nagtatapon sa kanya sa isang malayong lugar." (Quran 22:31)

Ang masamang kaluluwa ay ibabalik sa kanyang katawan at ang dalawang nakakatakot at mga mababagsik na anghel, sina Munkar at Nakeer, ay lalapit para sa mga katanungan nito.  Matapos siyang paupuin, sila ay magtatanong:

Munkar at Nakeer: "Sino ang iyong Panginoon?"

Kaluluwang Hindi Mananampalataya: "Naku, naku, hindi ko alam."

Munkar at Nakeer: "Ano ang iyong relihiyon?"

Kaluluwang Hindi Mananampalataya: "Naku, naku, hindi ko alam."

Munkar at Nakeer: "Ano ang iyong masasabi sa tao na ito (Muhammad) na isinugo sa iyo?"

Kaluluwang Hindi Mananampalataya: "Naku, naku, hindi ko alam."

Pagkaraan na mabigo sa mga katanungan, ang ulo ng hindi mananampalataya ay pupukpukin ng martilyong bakal na may lakas na marahas na magpapaguho sa isang bundok.  Ang pagsigaw ay maririnig mula sa langit: "Siya ay nagsinungaling, kaya't ilatag ang karpet ng Impiyerno para sa kanya, at buksan para sa kanya ang lagusan patungong Impiyerno."[2]  Kaya't ang sahig ng kanyang libingan ay pinagningas ng ilang nakatutupok na apoy ng Impiyerno, at ang kanyang libingan ay ginawang makitid at masikip na ang kanyang mga tadyang ay napilipit habang nadudurog ang kanyang katawan.[3]  Pagkatapos, ay isang ubod ng pangit na nilalang, na may pangit na kasuotan at naglalabas ng napakabaho at nakakasulasok na amoy ang lalapit sa hindi nananampalatayang kaluluwa at magsasabi: "Tumangis ka sa kung ano ang hindi kasiya-siya sa iyo, sapagkat ito ang iyong araw na ipinangako sa iyo."  Ang hindi mananampalataya ay magtatanong: "Sino ka, na may ubod ng pangit na mukha at may dalang kasamaan?"  Ang pangit na iyon ay sasagot: "Ako ang iyong masasamang gawa"  Pagkatapos ay pinangyari na malasap ng hindi mananampalataya ang mapait na pagsisisi dahil sa ipapakita sa kanya kung ano sana ang kanyang magiging tirahan sa Paraiso- kung namuhay lamang siya ng matuwid na pamumuhay - bago binuksan ang lagusan para sa kanya tuwing umaga at gabi na ipinapakita sa kanya ang kanyang tunay na tahanan sa Impiyerno.[4]  Binanggit ni Allah sa Kanyang Aklat kung paano ang mga suwail na tao ni Paraon, na sa sandaling ito, ay nagdurusa mula sa gayong pagkakalantad sa Impiyerno mula sa loob ng kanilang mga libingan:

"Sa Apoy: sila ay nakalantad dito, sa umaga at sa hapon, at sa Araw na ang Takdang Oras ay lilitaw (ang mga anghel ay pagsasabihan): ‘(Ngayon) hayaan na ang pamayanan ni Paraon ay pumasok sa pinakamatinding kaparusahan!’" (Quran 40:46)

Dahil pinangibabawan ng takot at pagkapoot, pagkabalisa at kawalan ng pag-asa, ang hindi mananampalataya sa kanyang libingan, ay patuloy na magsusumamo: "Panginoon ko, huwag mong dalhin ang huling oras.  Huwag mong dalhin ang huling oras."

Ang Kasamahan, na si Zaid b. Thabit, ay nagsalaysay kung paano, nang si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) at ang kanyang mga Kasamahan ay minsang napadaan sa ilang mga libingan ng mga mapagsamba sa diyus-diyosan, ang kabayo ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay kumaripas at halos mawala siya sa pagkakaupo.  Ang Propeta, nawa ang awa at pagpapala ng Diyos sa sumakanya, pagkatapos ay nagsabi:

"Ang mga taong ito ay pinahihirapan sa kanilang mga libingan, at kung hindi dahil sa ititigil ninyo ang paglilibing sa inyong mga patay (dahil sa kagimbal-gimbal na mga maririnig sa libingan), ay aking hihilingin sa Diyos na mapakinggan ninyo ang kaparusahan sa libingan na naririnig ko (at ng kabayong ito)." (Saheeh Muslim)

MGA TALABABA:

  1. Al- Hakim , Abu Dawood, at iba pa.
  2. Musnad Ahmad
  3. Musnad Ahmad.
  4. Ibn Hibban.