Kabilang sa mga pagpapala at pabor na ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ay Kanyang pinagkalooban sila ng isang likas na kakayahang malaman at kilalanin ang Kanyang pag-iral. Kanyang inilagay ang kamalayan na ito sa kaibuturan ng kanilang mga puso bilang isang likas na disposisyon na hindi nagbago mula pa nang ang mga tao ay unang nilikha. Bukod dito, Kanyang pinatibay ang likas na disposisyong ito sa mga palatandaan na Kanyang inilagay sa Paglikha na nagpapatotoo sa Kanyang pag-iral. Gayunpaman, dahil hindi posible para sa mga tao na magkaroon ng isang detalyadong kaalaman tungkol sa Diyos maliban sa pamamagitan ng kapahayagan mula sa Kanyang sarili, ang Diyos ay ipinadala ang Kanyang mga Sugo upang turuan ang mga tao tungkol sa kanilang Tagapaglikha na Siyang dapat nilang sambahin. Ang mga Sugong ito ay nagdala din sa kanila ng mga detalye kung paano sambahin ang Diyos, dahil ang ganitong mga detalye ay hindi malalaman maliban sa paraan ng kapahayagan. Ang dalawang batayang ito ay ang pinakamahalagang mga bagay na dinala ng mga Sugo mula sa lahat ng mga banal na mga kapahayagang dinala nila mula sa Diyos. Sa batayang ito, ang lahat ng banal na mga kapahayagan ay nagkaroon ng marangal na mga layunin, na:
1. Upang pagtibayin ang Kaisahan ng Diyos - ang pinupuri at niluluwalhating Tagapaglikha - sa Kanyang kakanyahan at Kanyang mga katangian.
2. Upang pagtibayin na ang Diyos lamang ang dapat sambahin at walang ibang umiiral na dapat sambahin kasama Niya o kaysa sa Kanya.
3. Upang mapangalagaan ang kapakanan ng tao at tutulan ang katiwalian at kasamaan. Kung kaya, ang lahat na nangangalaga sa pananampalataya, buhay, pangangatwiran, kayamanan at pamilya ay bahagi ng kapakanang pantaong ito na pinangangalagaan ng relihiyon. Sa kabilang banda, ang anumang bagay na pumipinsala sa limang pangkalahatang pangangailangang ito ay isang anyo ng katiwalian na sinasalungat at ipinagbabawal ng relihiyon.
4. Upang anyayahan ang mga tao sa pinakamataas na antas ng kabutihan, mga pagpapahalagang moral, at marangal na kaugalian.
Ang sukdulang layunin ng bawat Banal na Mensahe ay pare-pareho: upang gabayan ang mga tao sa Diyos, upang sila ay magkaroon ng kamalayan sa Kanya, at sumamba sila sa Kanya lamang. Ang bawat Banal na Mensahe ay dumating upang palakasin ang diwang ito, at ang mga sumusunod na salita ay paulit-ulit sa mga dila o sinasabi ng lahat ng mga Sugo: "Sambahin ang Diyos, wala kang ibang Diyos maliban sa Kanya." Ang mensaheng ito ay ipinarating sa sangkatauhan ng mga propeta at mga sugo na ipinadala ng Diyos sa bawat nasyon. Ang lahat ng mga sugong ito ay dumating na may pare-parehong mensahe, ang mensahe ng Islam.
Ang lahat ng Banal na Mensahe ay dumating upang dalhin ang buhay ng mga tao sa kusang pagpapasakop sa Diyos. Sa kadahilanang ito, silang lahat ay kabahagi ng pangalan ng "Islam", o "pagpapasakop" na nagmula sa parehong salitang "Salam", o "kapayapaan", sa Arabe. Ang Islam, sa diwang ito, ay ang relihiyon ng lahat ng mga propeta, ngunit bakit ang isa ay nakakakita ng ibat-ibang mga uri ng relihiyon ng Diyos kung lahat sila ay nagmula sa iisang pinagmulan? Ang sagot ay may dalawang dahilan.
Ang unang dahilan ay dahil sa paglipas ng panahon, at dahil sa katotohanang ang mga nakaraang relihiyon ay wala sa ilalim ng Banal na pangangalaga ng Diyos, ang mga ito ay dumaan sa maraming pagbabago at pagkakaiba-iba. Dahil dito, nakikita natin na ang mga pangunahing katotohanan na dinala ng lahat ng mga sugo ay nagkaka-iba-iba sa bawat relihiyon, ang pinaka-malinaw lang bilang ganap na doktirna ay ang paniniwala sa Diyos at sa Diyos lamang.
Ang pangalawang dahilan para sa kaibahang ito ay ang Diyos, sa Kanyang walang hanggan na Karunungan at walang hanggan na Kalooban, ay nagpasiya na ang lahat ng mga banal na misyon bago ang huling mensahe ng Islam na dinala ni Muhammad, nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya, ay maging limitado sa isang natatanging balangkas ng panahon. Bilang resulta, ang kanilang mga batas at pamamaraan ay may kinalaman lamang sa natatanging mga kalagayan ng mga taong pinadalhan sa kanila upang pagsabihan o paratingan.
Ang sangkatauhan ay dumaan sa maraming mga panahon ng patnubay, pagkaligaw, integridad, at pagkalihis, mula sa pinaka-sinaunang panahon hanggang sa tugatog ng sibilisasyon. Sinamahan ng banal na patnubay ang sangkatauhan sa lahat ng ito, palaging nagbibigay ng angkop na mga solusyon at mga remedyo.
Ito ang kakanyahan ng pagkakaiba-iba na umiiral sa pagitan ng iba't ibang mga relihiyon. Ang hindi pagkakasundo na ito ay hindi kailanman lumampas sa mga detalye ng Banal na Batas. Ang bawat paglitaw ng Batas ay tugon sa mga natatanging suliranin ng mga tao na nilalayon dito. Gayunpaman, ang mga sakop ng kasunduan ay makabuluhan at marami, tulad ng mga saligan ng pananampalataya; ang mga pangunahing prinsipyo at layunin ng Banal na Batas, tulad ng pangangalaga ng pananampalataya, buhay, pangangatwiran, kayamanan, at pamilya at pagtataguyod ng katarungan sa lupain; at ilang mga pangunahing pagbabawal, ang ilan sa mga pinakamahalaga sa mga ito ay idolatriya, pakikiapid, pagpatay, pagnanakaw, at pagbibigay ng maling pagsaksi. Bukod dito, sumang-ayon din sila sa mga moral na kabutihan tulad ng katapatan, katarungan, kawanggawa, kabaitan, kalinisan, katuwiran, at awa. Ang mga alituntuning ito at ang iba pa ay permanente at pangmatagalan; ang mga ito ay ang pinakabuod ng lahat ng Banal na mga Mensahe at pinagsama lahat ang mga ito.