1) Banggitin ang Pangalan ng Allah   (sa pagsabing 'Bismillah') bago kumain o uminom. Pagkatapos kumain at uminom ay dapat na magpasalamat sa Kanya [sa pamamagitan ng pagsabing 'Alhamdulillah' (papuri at pasasalamat ay para sa Allah  ]. Kailangang unang kainin ang nasa inyong harapan (at hindi ang nasa harap ng iba), at gamitin ang kanang kamay kapag kumakain, sapagka't ang kaliwang kamay ay ginagamit sa paglilinis ng mga marurumi (tulad ng maselang bahagi ng katawan pagkatapos gumamit ng palikuran at ibang katulad nito).

Si 'Umar bin Abi Salamah   ay nagsabi; 'Noong ako ay bata pa, ako ay nasa hapag-kainan sa loob ng pamamahay ng Propeta ng Allah  , at ang aking kamay ay umaabot ng pagkain sa lahat ng pinggan (habang kumakain).

Kaya ang Propeta ng Allah    ay nagsabi sa akin;

"O bata, banggitin mo ang Pangalan ng Allah (bago magsimulang kumain), gamitin mo ang kanang kamay at kainin muna ang nasa harapan mo."

(Iniulat ni Imam Bukhari)

2) Huwag pintasan ang pagkain, kahit na ito ay hindi nakasisiya o ito man ay nakauumay. Si Abu Hurairah   ay nagsabi;

"Ang Propeta ng Allah ay hindi kailanman namintas sa pagkain. Kung nais niya ang pagkain, siya ay kakain at kung ito ay hindi niya nais (ang pagkain) siya ay hindi na lang kakain."

(Iniulat ni Imam Bukhari)

3) Ipinagbabawal ang pagpasok sa mga ibang bahay nang walang pahintulot.

Ang Allah   ay nagsabi,

"O kayong mga Mananampalataya! (mga Muslim) Huwag kayong magsipasok sa mga tahanan maliban sa inyong sariling (tahanan) hanggang kayo ay humingi ng kapahintulutan at batiin yaong nasa loob nito; ito ay higit na makabubuti para sa inyo upang sakali kayo ay (matutong) makaalala."

Qur'an, Kabanata An-Noor, 24:27;

 

4) Huwag magpumilit sa paghingi ng pahintulot (nang higit sa tatlong ulit).

Ang Propeta   ay nagsabi;

"Ang paghingi ng pahintulot ay hanggang tatlong ulit. Kung kayo ay pinahintulutan, magkagayon kayo ay pumasok, kung walang pahintulot, magkagayon, kayo ay dapat na umalis."

(Iniulat ni Imam Muslim)

5) Magbigay ng pagbati sa lahat ng mga Muslim, kahit hindi ninyo kilala (tulad ng pagsabi ng 'As-Salaamu A'laykum), dahil ito ay may dalang pagmamahalan at pagkakapatiran.

Ang Propeta ng Allah   ay nagsabi;

"Kayo ay hindi maaaring makapasok sa Paraiso hanggang kayo ay hindi sumasampalataya, at kayo ay hindi magiging tunay na Mananampalataya hanggang hindi kayo nagmamahalan sa isa't isa. Aking sasabihin sa inyo ang isang bagay na kung ito ay inyong gawin, kayo ay magmamahalan sa isa't isa? Magbatian ng 'Salaam' sa bawa't isa."

(Iniulat ni Imam Muslim)

6) Kung kayo ay binati ng Salaam, dapat na suklian nang gayon ding pagbati o mas higit na mainam pa roon(1).

Ang Allah   ay nagsabi,

"At kung kayo ay batiin ng pagbati, sila ay inyong suklian ng pagbati nang higit na mainam (kaysa) rito, o di kaya'y suklian ito nang katumbas na pagbati…"

Qur'an, Kabanata An-Nisaa, 4:86;

7) Kung kayo ay makaramdam ng paghihikab, dapat ninyong pigilin ito sa abot ng inyong makakaya.

Ang Propeta ng Allah   ay nagsabi;

"Ang paghihikab ay mula sa Satanas. Kung ang isa sa inyo ay nais maghikab, nararapat niyang pigilin ito hanggang makakaya niya. At kung ito ay hindi niya mapigilan at siya ay nakapaghikab nang may ingay tulad ng 'Aahh', ang Shaytaan ay hahalakhak."

(Iniulat ni Imam Bukhari)

Kung hindi mapigilan ang paghihikab, dapat niyang takpan ang kanyang bibig ng kanang kamay. Kung ang kaliwang kamay ang gagamitin, dapat gamitin ang likod ng palad at itakip sa bibig.

8) Kapag kayo ay nagbahing, sabihin ang 'Alhamdulillah'. At kung ang ibang Muslim ay nagbahing at nagsabi ng 'Alhamdulillah', nararapat na sagutin ito ng 'Yarhamuk-Allah' (Nawa'y kahabagan ka ng Allah  . At kung may sumagot sa iyo ng 'Yarhamuk-Allahu', suklian mo siya ng 'Yahdeekumullah wa yuslihu baalakum' (Nawa'y patnubayan ka ng Allah   at panatilihing mabuti ang iyong kalagayan).

Ito ay batay sa salita ng Propeta Muhammad  ;

"Sinuman ang bumahing, dapat niyang sabihin ang, 'Alhamdulillah', at nararapat tugunin ito ng kanyang mga kapatid o kasama sa pamamagitan ng pagsabing, 'Yarhamuk-Allah', at ang nagbahing ay kailangan niyang suklian ulit ng, 'Yahdeekumullah wa yuslihu baalakum."

(Iniulat ni Imam Bukhari)

Kapag ang di-Muslim ay nagsabing, 'Alhamdulillah', dapat suklian lamang siya ng, 'Yahdeekumullah'.

Si Abu Hurairah   ay nag-ulat na kapag ang Propeta ng Allah   ay bumahing, tatakpan niya ang kanyang bibig ng kamay o ng kanyang damit at mahina ang kanyang pagbahing.

9) Huwag dumighay sa publiko. Sinabi ni Ibn Umar  ;

"Nang ang isang tao na kasama ng Propeta ng Allah ay dumighay, sinabihan niya na ito nang ganito, 'Pangalagaan mo kami sa iyong pagdighay, sapagka't ang karamihan sa mga nagpapakabusog sa buhay dito ay makalalasap ng pagkagutom nang mahabang panahon sa Araw ng Pagkabuhay-Muli'."

(Iniulat ni Tirmidhi)

10) Kapag kayo ay magbibiro, huwag magsasalita ng anumang bagay na nakasasakit, pagmamalabis o pang-aapi sa iba.

Ang Propeta ng Allah   ay nagsabi;

"Huwag ipahihintulot na kumuha ng mga bagay mula sa kanyang kapatid (upang siya ay galitin), seryoso  man o maging sa pagbibiro."

(Iniulat ni Abu Dawud)

Huwag magbiro nang hindi totoo, na siyang nagbibigay-daan sa kasinungalingan upang makapagpatawa lamang.

Ang Propeta   ay nagsabi;

"Sumpa sa isang nagsisinungaling sa kanyang mga salita upang makapagpatawa sa mga tao, sumpa sa kanya! sumpa sa kanya!"

(Iniulat ni Abu Dawood).

11) Bago matulog, banggitin ang Pangalan ng Allah   at mahiga nang nakatagilid sa kanang bahagi ng katawan. Si Hudayfah ibn al-Yaman   ay nagsabi; "Kapag ang Propeta ay mahihiga na upang matulog, siya ay magsasabi ng;

'Bismika amootu wa ahyaa'… Ang kahulugan ay:

"Sa Ngalan Mo (O Allah) ako ay mamamatay at mabubuhay".

   

At pagkagising, siya ay dapat na magsabi ng;

'Alhamdulillah-illadhi ahyaanaa ba'da maa amaatanaa wa ilayhi-in-nushoor.'

Ang kahulugan ay:

"Lahat ng papuri at pasasalamat ay para sa Allah na Siyang nagbigay buhay pagkaraan (ibinalik tayo mula) sa kamatayan."

(Iniulat ni Imam Bukhari)

12) Bago makipagtalik sa inyong asawa, sabihin ang;

"Bismillaah, Allahumma jannibnash-Shaytaan, wa jannib-ish-Shaytaana maa razaqtanaa."…Ang kahulugan ay:

"Sa Ngalan Mo, O Allah, pangalagaan Mo kami laban sa Shaytaan, at pangalagaan Mo ang (supling na) ipagkakaloob Mo sa amin”.

(Iniulat ni Imam Bukhari)

At sinabi ng Propeta Muhammad  ;

"Sinuman ang may hangaring sumiping sa asawa at nagsabi (bago makipagtalik) ng; 'Sa Ngalan Mo, O Allah! pangalagaan Mo kami laban sa Satanas, at pangalagaan Mo ang (supling na) ipagkakaloob Mo sa amin'; at kung ang Allah ay magkakaloob ng anak, ang supling ay di-mapipinsala  ng Satanas."

(Iniulat ni Imam Bukhari).

Iminumungkahi na hindi dapat ipagsabi ng mag-asawa ang kanilang mga pagtatalik.

Ang Propeta   ay nagsabi;

"Katotohanan na ang may pinakamasamang kalagayan sa mga tao sa Kabilang Buhay ay ang mga mag-asawang ipinagsasabi ang kanilang ginawang lihim na pagtatalik."

13) Sa pag-alis mula sa tahanan, ang panalangin ay katulad ng payo ng Propeta  ;

'Sinuman ang nagsabi ng (bago umalis ng bahay);

"Bismillah, tawakkaltu 'alAllah, laa hawla wa laa quwwata illaa billah."

Ang kahulugan ay:

"Sa Ngalan ng Allah, ako ay nananalig (nagtitiwala at umaasa) sa Allah, walang ibang kapangyarihan o lakas malibang ito ay mula sa Allah.'…

…magkagayon sasabihin sa kanya; ikaw ay pangangalagaan sa lahat ng bagay na iyong gagawin, at ikaw ay kukupkupin (mula sa lahat ng kasamaan), at ang 'Shaytan' ay lalayo at tatalikod sa iyo."

(Iniulat ni Tirmidhi)

14) Sa pagdalaw sa mga may karamdaman, ipagdasal ang maysakit tulad ng pag-ulat ng Propeta  . Sa kanyang pagdalaw sa mga may-sakit, siya ay mauupo sa gawing ulunan nito at sasabihin nang pitong ulit ang;

"Assalullah al-'Adheem, Rabb ul-'Arsh-'Adheem an yashfik.".Ang kahulugan ay:

"Ako ay nagsusumamo sa Allah, ang Dakila, ang Rabb (Panginoon) ng Dakilang Kaharian at Luklukan, na nawa'y pagalingin ka."

Ang Propeta   ay nagsabi;

"Kung naitakda ng Allah na siya ay mabubuhay nang mahabang panahon, siya ay gagaling sa kanyang karamdaman."

(Iniulat ni Ibn Hibban)

15) Sa pagtungo sa palikuran, nararapat pumasok na una ang kaliwang paa at magsabi ng;

"Bismillah Allahumma inni a'oodhu bika min al-kubti wal-khaba'ith."

Ang kahulugan ay:

"Sa Ngalan Mo, O Allah, ako ay nagpapakupkop sa Iyo mula sa mga lalaki at babaing demonyo."

(Iniulat ni Imam Bukhari)

Sa paglabas ng palikuran, lumabas na una ang kanang paa at magsasabi ng;

"Ghufraanak."… Ang kahulugan ay:

"Ako ay patawarin Mo(2)."

(Iniulat ni Ibn Hibban at ni Ibn Maajah)


  1. Kung may bumati ng, 'As-Salaamo alaykum', dapat siyang suklian man lang ng, 'wa 'alaykum As-Salaam'. Ngunit mas mainam na dagdagan ng, 'wa Rahmatullah' o kaya higit pa dito ng, 'wa Barakatuh'.
  2. Sinabi ni Shiekh Albani (nawa'y kaawaan siya ng Allah); ang salaysay (Hadith) na ito ay mapananaligan.