Ang Pag-aayuno

(Isang Dakilang Pagsagawa ng Pagsamba)

Ang lahat ng papuri ay sa Allah lamang. Nawa’y ang Kanyang pagpapala at kapayapaan ay mapasahuling Sugo at Propeta na si Muhammad(SAW).

Ang Kabutihan ng Ramadan
Isinalaysay ni Abu Hurairah:  Ang Propeta(SAW) ng Allah ay nagsabi

 Kapag nagsimula ang buwan ng Ramadan, ang mga tarangkahan ng Jannah (Paraiso) ay nakabukas, at ang mga tarangkahan ng Impiyerno ay nakasara, at ang mga demonyo ay nakakadena. (Sahih Bukhari at Sahih Muslim)

Ang mga tarangkahan ng Paraiso ay nakabukas sa buwang ito sapagka’t sadyang napakaraming kabutihan ang isinasagawa.  At ito rin ay nagsisilbing sigla sa mga taong naghahangad na matamo ang ibayong biyaya mula sa Allah.  Sa kabilang dako naman, ang mga tarangkahan ng Impiyerno ay nakasara sapagka’t kakaunti ang mga kasalanang nagagawa ng mga nananampalataya.  Ang mga demonyo ay nakatanikala upang sila ay hindi magkaroon ng dati nilang pagkakataong bumulong at iligaw ang mga nananampalataya.
Ang pag-aayuno ay ipinag-utos ng Allah at ito ay itinakdang tungkulin sa lahat ng sambayanang nananampalataya.

Siya ay nagsabi

O kayong nananampalataya!  Ang pag-aayuno ay ipinag-uutos sa inyo katulad ng ipinag-utos sa mga nauna sa inyo upang kayo ay magkaroon ng pagpipigil sa sarili

Qur’an 2:183

Kung ang pag-aayuno ay hindi isang banal na pagsagawa ng pagsamba, o ang biyaya nito ay hindi sagana, hindi na sana ito ipinag-utos ng Allah sa lahat ng mga nananampalataya.
Isa sa kabutihang makukuha sa pag-aayuno ay ang paghuhugas ng kasalanan sa pamamagitan nito.

Isinalaysay ni Abu Hurairah na si Propeta Muhammad(SAW) ay nagsabi

Sinumang mag-ayuno sa buwan ng Ramadan nang may katapatan at may hangaring matamo ang biyayang mula sa Allah, siya ay patatawarin sa kanyang mga nakaraang kasalanan

Sahih Bukhari

Kapag ang pag-aayuno ay isinagawa nang dahil sa matapat na pananampalataya, buong-pusong pagtupad nang walang bahid na pag-aalinlangan sa biyaya nito, ang mga nakaraang kasalanan ay patatawarin ng Allah.

Isinalaysay ni Abu Hurairah na si Propeta Muhammad(SAW) ay nagsabi

Ang Allah ay nagsabi

Ang lahat ng gawain ng mga anak ni Adan ay sa kanila, maliban sa pag-aayuno. Ito ay nabibilang sa Akin at ito ay Aking pagpapalain. Ang pag-aayuno ay isang panangga (laban sa Impiyerno at laban sa paggawa ng kasamaan).

 Sinuman sa inyo ang nag-aayuno, nararapat siyang umiwas sa pakikipagtalik sa asawa at nararapat na umiwas sa pakikipag-away. Kung mangyari mang may makipag-away sa kanya, hayaan siyang magsabi: ‘Ako ay nag-aayuno’.

Sa Kanya na may hawak ng aking kaluluwa, ang amoy ng bibig ng nag-aayuno ay higit na mabuti sa Allah kaysa sa amoy ng (pabangong) musko

Sahih Bukhari

Ang pag-aayuno ay isang panangga sa dahilang inililigtas ang nananampalataya laban sa walang saysay na usapan at paggawa ng kasamaan.  Kaya naman, siya ay inililigtas laban sa Impiyerno.

Sa lahat ng mabubuting gawa, higit na pinili ng Allah ang pag-aayuno na bigyan Niya ng masaganang biyaya. Binigyan din Niya ng kakaibang karangalan ang tumupad nito kapag ito ay isinagawa nang may tanging layuning magbigay kasiyahan lamang sa Kanya.

Ang pag-aayuno ay sadyang mahalaga sa isang nananampalataya sapagka’t ito ay nagbibigay ng dalawang okasyon ng kaligayahan.  Una, sa takdang oras ng pagkain upang tapusin ang pag-aayuno. Dito niya madarama ang lubos na kasiyahan sa mga biyayang pagkain na ibinigay sa kanya ng Allah. Kanyang mapapagtanto na higit siyang mapalad kaysa sa ibang pinagkaitan ng ganitong pagpapala.

Ang pangalawang kaligayahang matatamo ay ang kanyang pagharap sa Allah upang igawad sa kanya ang masaganang biyaya bilang gantimpala sa kanyang pagtupad sa pag-aayuno. Gayundin, ang pag-aayuno ay mamamagitan sa Allah sa kapakanan ng nananampalataya sa Araw ng Paghuhukom.

Kailan Magsisimula at Magwawakas ang Pag-aayuno?

Magsisimula ang buwan ng pag-aayuno kapag nakita na ang bagong pagsikat ng buwan ng Ramadan.

Ang Allah ay nagsabi

Sinuman ang nananahanan (sa kani-kanilang tahanan) sa buwang ito ay nararapat na mag-ayuno

Qur’an 2:185

Magkagayunman, hindi kinakailangang makita ng lahat ang bagong pagsikat ng buwan. Bagkus, kung ang isang mapagkakatiwalaang Muslim ay magpatotoo na nakita na niya ang buwan, ito ay sapat na upang magsimulang mag-ayuno ang lahat.

Si Abu Hurairah ay nagsalaysay

Isang Bedoin (taong naninirahan sa disyerto) ang lumapit at nagsabi sa Propeta(SAW), ‘O Propeta, nakita ko ang bagong buwan ng Ramadan.  Kapagdaka’y tinanong siya ng Propeta, sumasaksi ka ba ng “La Illaha Illallaah (walang tunay na Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah)”? Siya ay sumagot, ‘Oo’. Ang Propeta(SAW) ay napatuloy sa pagtatanong, ‘Ikaw ba’y sumasaksi na si Muhammad(SAW) ay Sugo ng Allah?’ Tinugon din ito ng Bedoin ng ‘Oo’. Pagkaraa’y iniutos ng Propeta(SAW) kay Bilal na ipabatid sa mamamayan na simulan ang kanilang pag-aayuno kinabukasan

Sahih Muslim

Si Ibn Omar ay nagpatotoo rin sa kaugaliang pagtanaw ng bagong buwan sa kanyang salaysay:
Ang mga tao ay tinatanaw ang pagsikat ng bagong buwan.  Nang ito ay matanaw,

sinabi ito sa Propeta(SAW)

Nagsimula siya sa kanyang pag-aayuno at iniutos sa tao na simulan na rin ang kanila

Sahih Muslim

Sinuman ang makakita sa pagsikat ng bagong buwan ng Ramadan, nararapat na sabihin ito sa mga nanunungkulan ng pamahalaang Muslim o sambayanan.  Kapag ang nanunungkulan ay naipabatid ang umpisa ng Ramadan, ito ay magiging tungkulin ng bawa’t Muslim na magsimula na sa kanilang pag-aayuno.

Dapat tandaan na ang pagtatantiyang (kalkulasyong) astronomiya ay hindi tinatanggap sa Shari’ah at ito ay hindi marapat na gawing batayan upang malaman ang bagong buwan.  Ang Propeta(SAW) ay nag-utos na ang mga Muslim ay dapat magsimula ng kanilang pag-aayuno kapag natanaw na ang bagong buwan, at hindi sa pamamagitan ng pang-astronomiyang pagtatantiya ng buwan. Kapag ang buwan ay mahirap makita dahil sa panahon, ang mga Muslim ay dapat na buuin ang tatlumpung araw ng buwan ng Sha’ban (ang buwan bago ang Ramadan) bago magsimulang mag-ayuno.

Ang bilang ng bawa’t buwan sa kalendaryong Hejira (Lunar Months) ay maaaring maging 29 o 30. Hindi ito magkukulang at lalampas.  (Kaya ang buwan ng Ramadan ay maaaring magtaglay ng 29 o 30 bilang ng araw.  Nakasalalay ito sa muling pagtanaw ng bagong pagsikat ng buwan ng Shawwal, ang buwan na sumusunod sa Ramadan).

Sino ang Dapat Mag-ayuno?

Ang pag-aayuno ay itinakdang tungkulin sa isang matino, malusog at nasa tamang gulang na Muslim. Ang mga kabataan na wala pa sa tamang gulang ay hinihimok ding mag-ayuno bilang pagsasanay.

Ang mga taong may malubhang karamdaman, o napakatanda na upang mag-ayuno ay hindi dapat magsagawa ng pag-aayuno.  Ang Allah ay hindi nagbibigay ng mabigat na pasanin sa Kanyang mga tagapaglingkod (na labis sa kanilang kakayahan).

Gayundin, pinahihintulutan ang mga naglalakbay na ipagpaliban ang pag-aayuno. Magkagayunman, isang kapuri-puri kung ang pag-aayuno ay ipagpatuloy kung hindi naman nakararanas ng paghihirap sa paglalalakbay. Sa anumang kalagayan, ang naglalakbay na tumigil sa kanyang pag-aayuno ay nararapat isagawa ang naipagpalibang bilang ng araw sa ibang panahon matapos ang buwan ng Ramadan at kapag nakabalik na sa kanilang tahanan.

Sa mga may karamdaman, sila ay nabibilang sa tatlong uri:
 
1. Kung hindi naman nahihirapan at hindi naman makasasama sa kanila, kailangan silang mag-ayuno.
2. Kung nahihirapan subali’t hindi naman makasasama sa kanila, itigil at ipagpaliban ang kanilang pag-aayuno.
3. Kung ito ay makasasama sa kanila, huwag mag-ayuno.

Nasasaad sa Banal na Qur’an

at huwag itapon ang inyong sarili sa kapahamakan

Qur’am 2:195

Ang Propeta(SAW) ay nagsabi

 Huwag magdulot ng pinsala sa sarili o magdulot ng pinsala sa iba

Sahih Muslim

Ang mga naipagpalibang araw ng pag-aayuno ay dapat na isagawa pagkatapos ng Ramadan.

Sa panahon ng kanilang buwanang regla o makaraang magsilang ng sanggol, ang kababaihan ay hindi dapat mag-ayuno. Subali’t kailangan isagawa ang bilang ng naipagpalibang araw pagkatapos ng buwan ng Ramadan.  Sa mga nagdadalantao o nagpapasuso ng sanggol, na ang sariling kalusugan o ang sanggol ay maaaring mapinsala ng pag-aayuno, nararapat na ipagpaliban ang pag-aayuno at isagawa na lamang ang mga naipagpalibang bilang ng araw pagkatapos ng Ramadan.
 
Itinatagubilin din sa mga Muslim na itigil ang pag-aayuno habang sila ay nasa digmaan.

Ang Propeta(SAW) ay nagsabi sa kanyang mga kasama habang nasa digmaan

Inyong makahaharap ang inyong mga kaaway sa umaga, ang pagtigil sa pag-aayuno ay higit na mabuti upang mapanatili ang lakas, kaya ipagpaliban ang inyong pag-aayuno

Sahih Muslim

Ang Kabutihan ng Pag-aayuno.

Ang pag-aayuno ay isang banal na gawaing pagsamba na isinasagawa ng isang Muslim sa pamamagitan ng pagwaksi at pagpigil sa kanyang pagnanasa at mithiin upang magbigay kasiyahan sa kanyang Panginoon at upang makamtan niya ang mga biyayang mula sa Kanya.  Isang kalikasan sa tao na hindi siya iiwas sa mga bagay na kanyang inaasam maliban lamang na makamit niya ang mga bagay na higit niyang hinahangad.  Sa puntong ito, ang kasiyahan ng Allah ang siyang pinakamahalagang mithiin.
 
Ito ay isa ring paraan upang matamo ang pagkamakadiyos at pagkamatapat.  

Ang Propeta(SAW) ay nagsabi

Sinuman ang hindi umiwas sa masasamang salita at gawain ay hindi kailangan ng Allah ang kanyang pag-iwas sa pagkain at inumin

Sahih Bukhari

Sa madaling salita, hindi tinatanggap ng Allah ang pag-aayuno ng isang taong may masamang dila at gawa.

Sa pamamagitan ng pag-aayuno, ang puso ay higit na nananatili sa kabaitan sapagka’t hindi nagnanasa bagkus nagwawaksi.  At ang puso ay higit na bukas sa mga salita ng Allah.

Ang mga mayayaman ay higit na nagbibigay halaga sa mga biyaya ng Allah kapag sila ay nag-aayuno. Gayundin, mararamdaman din ang paghihirap na dinaranas ng mga nagugutom na mahihirap at dukha.  Kaya naman, sila ay magaganyak na tumulong sa kanila. Ito rin ay tumutulong sa pagsupil ng pagmamalaki at pinananatili nito ang kababaang-loob. Karagdagan pa nito, ang pag-aayuno ay nagbibigay ng kabutihan sa kalusugan dulot na pagbawas ng kinakain na nagbibigay pahinga sa pantunaw. Sadyang dakila ang kaalaman ng Allah at dakila rin naman ang Kanyang mga Biyaya!

Mga Itinakdang Kondisyon ng Pag-aayuno
1. Ang pagtupad sa ibang gawaing pagsamba at tungkulin ay mahalaga lalo na ang Salaah (pagdarasal), na kapag ito ang nawala, ang ibang pagtupad sa mga gawaing pagsamba ay hindi tatanggapin ng Allah.  Ang pagdarasal nang sama-sama (kongregasyon) ay isang dakilang bahagi ng ating pananampalataya.  Ang lahat ay nararapat na magdasal nang magkakasama sa dahilang ang gantimpala nito ay nakahihigit ng dalawampu’t pito kaysa sa pagdarasal na isinasagawa nang nag-iisa.  Dahil sa kahalagahan nito, ang Propeta(SAW)ay minsang nagnais sa sarili na puntahan at sunugin ang mga bahay ng mga taong ayaw magdasal ng sama-sama (kongregasyon)
2. Ang masasamang gawain katulad ng pagsisinungaling, tsismis, at paninirang-puri na nagiging sanhi ng poot at di-pagkakaunawaan sa isa’t isa ay dapat iwasan hindi lamang sa buwan ng Ramadan bagkus sa lahat ng panahon.

Ang Propeta(SAW) ay nagsabi

Ang mapanirang-puri ay hindi makapapasok sa Jannah (Paraiso)

Sunan Abu Dawood

Ang Propeta(SAW) ay nagsabi rin na

(darating ang araw) magkakaroon sa kanyang Ummah (sambayanang Muslim) na pahihintulutan ang mga ipinagbabawal (katulad ng) pakikiapid, seda sa kalalakihan, nakalalasing na inumin, at mga kagamitang pangmusika

Kapuri-puring Asal ng Pag-aayuno.
 
1. Nararapat na kumain ng Suhoor (ang pagkain bago magsimula ang pag-aayuno).  

Ang Propeta(SAW) ay nagsabi

Kumain ng Suhoor sapagka’t may biyaya rito

Sahih Bukhari

Si Propeta Muhammad(SAW) ay nagsabi na ang kaibhan ng ating pag-aayuno sa pag-aayuno ng mga Angkan ng Kasulatan (Hudyo at Kristiyano) ay ang pagkain ng Suhoor.  Maging ang isang basong tubig sa oras ng Suhoor ay may matatamong biyaya rito.
 
2. Ang kaagad na pagtigil sa pag-aayuno pagkalubog ng araw.
3. Pagbanggit ng Du’a (panalangin) sa takdang oras ng pagkain sa pagtigil ng pag-aayuno. (Allahumma laka sumto wa’ala rizquika aftarto – O Allah, ako’y nag-ayuno nang dahil sa Iyo at itinitigil ko ito sa pamamagitan ng Iyong biyayang ipinagkaloob).
4. Ang malimit na pagbasa ng Banal na Qur’an sa buwan ng Ramadan.

Mga Gawaing Nakapagwawalang-saysay (nakasisira) ng Pag-aayuno.
 
1. Ang pakikipagtalik sa mga oras ng pag-aayuno (mula bukang-liwayway hanggang sa takip-silim). Ang kusang paglabag nito ay kinakailangan ang pag-aayuno ng sunod-sunod na animnapung araw bilang kapalit ng nasirang isang araw na pag-aayuno dahil sa pakikipagtalik.
2. Ang sinadyang abutin ang sukdulang maglabas ng semilya sa pamamagitan ng paghalik, lambingan, karinyo o anupaman. Subali’t ang sensuwal na panaginip o di sinasadyang paglabas ng semilya ay hindi nakasisira ng pag-aayuno.
3. Ang pagkain, pag-inom, paninigarilyo o anumang iniksiyon bilang kapalit ng pagkain o inumin.
4. Ang sinasadyang pagsuka.  (Ang hindi sinasadyang pagsuka ay hindi nakasisira ng pag-aayuno).
5. Ang buwanang regla.

Ang mga nasirang araw ng pag-aayuno sa mga naturang kadahilanan bilang 2 hanggang 5 ay nararapat na bayaran ng isang araw sa bawa’t araw na nasira.

Sa kabilang dako naman, ang paggamit ng Kuhl (maitim na tinta na pangguhit sa mata), mga gamot na pinapatak sa mata, ilong at tainga ay hindi nakasisira ng pag-aayuno.  Ito ay hindi mga pagkain o kapalit ng pagkain. Ang paggamit ng pabango, siwak (ugat ng isang halamang ginagamit na panlinis ng ngipin) o sepilyo na walang pastang panlinis ay hindi nakasisira ng pag-aayuno.  Maaari ring maligo habang nag-aayuno.

Nararapat na magkaroon ng maliwanag na intensiyon sa pag-aayuno bago magbukang-liwayway.  Ang intensiyong ito ay nararapat na isa-isip lamang. Ang malakas na pagbanggit ng anumang kataga upang sabihin ang intensiyon ay isang Bid’ah (isang kabaguhan o pagdaragdag na hindi tinatanggap ng Islam). Ang Propeta(SAW) at maging ang kanyang mga kasamahan ay hindi bumuo ng anumang pangungusap upang sabihin ang intensiyong mag-ayuno.

Ang Dasal Qiyam o Taraweh.
 
Ang Allah, ang Kataas-taasan, ay itinakda ang limang beses na Salaah (pagdarasal sa Islam) bilang tungkulin ng mga Muslim.  Dahil sa Kanyang pagpapala, ang gantimpalang igagawad Niya sa sinumang magsagawa nito ay limampung ulit.  Kanya ring hinihikayat ang mga nananampalataya na isagawa ang mga dasal Nafl (kusang-loob na pagdarasal). Ang isa rito ay ang panggabing dasal na ginagampanan mula hatinggabi hanggang sa bago sumapit ang bukay-liwayway.  Ipinagkakapuri ng Allah ang sinumang magdasal sa mga ganitong oras:

Kanilang iniiwan ang pagtulog upang tumawag sa kanilang Panginoon nang may takot at pag-asa

Qur’an 32:16

Ang Propeta(SAW) ay nagsabi

Ang pinakamahusay na dasal na pumapangalawa sa mga itinakdang tungkuling Salaah ay ang panggabing dasal

Sahih Muslim

O Sangkatauhan! Magbigay ng pagbati ng kapayapaan (Assalamo alaykom), magbigay ng pagkain (sa mga naghihikahos), panatilihin ang ugnayan sa kamag-anakan, at mag-alay ng panggabing dasal habang ang iba ay natutulog, at kayo’y papasok sa Jannah (Paraiso) nang mapayapa. (Tirmithi)

Ang isa pang panggabing dasal ay ang Witr. Ang pinakamababang bilang ng Rakah (yunit) upang isagawa ito ay isa at ang pinakamarami ay labing-isa.

Ang pagsagawa ng panggabing dasal sa buwan ng Ramadan ay higit na mahusay kaysa sa pagsagawa nito sa ibang buwan dahil na rin sa tagubilin ng Propeta(SAW):

Sinuman ang magsagawa ng panggabing dasal sa buwan ng Ramadan nang may pananampalataya sa Allah, nang may paniniwala sa biyaya nito, at sa matapat na hangaring matamo ang biyayang ito, patatawarin siya sa kanyang mga nakaraang kasalanan

Sahih Bukhari

Ang Taraweeh ay ang panggabing dasal sa buwan ng Ramadan.  Nararapat lamang na bigyang-pansin ito. Ang pagdarasal ng Taraweeh nang magkakasama (kongregasyon) ay isang Sunnah (winika, gawa, pangaral ng Propeta) na pinasimulan ng Propeta. Ito ay binigyang-buhay muli ng pangalawang Khalifa na si Umar. Kahit na may pagkakaiba ang mga pantas noong unang panahon tungkol sa bilang ng Rakah, ang lahat ay nagkaisa na dapat isagawa ito ayon sa Sunnah na may labing-isang Rakah lamang.  Ang Propeta ay hindi nagdasal ng labis sa labing-isang Rakah sa buwan ng Ramadan o maging sa ibang buwan.

Si Aa’isah, ang asawa ng Propeta(SAW) ay nagsabi

Ang Propeta ay hindi kailanman nagdasal nang labis sa labing-isang Rakah sa anumang panggabing dasal maging ito ay sa buwan ng Ramadan o hindi

Sahih Bukhari at Sahih Muslim

Ang Kabutihan ng Pagbasa ng Banal na Qur’an
 
May dalawang uri ng pagbasa ng Banal na Qur’an.
 
1. Ang makahulugang pagbasa. Ang pagmuni-muni sa kahulugan ng bawa’t katagang binabanggit sa Banal na Qur’an upang maisakatuparan sa buhay.
2. Ang literal na pagbasa. (Ang pagbanggit sa bawa’t kataga upang matamo ang nakalaang gantimpala sa pagbabasa ng Banal na Qur’an).

Napakaraming mga Hadith (mga naitalang winika, gawa at pangaral ng Propeta(SAW)) na nagbibigay-diin sa biyayang nakalaan sa sinumang magbasa ng Banal na Qur’an.

Ang Propeta(SAW) ay nagsabi

Ang pinakamahusay sa inyo ay yaong nagbabasa ng Banal na Qur’an at itinuturo ito sa iba

Sahih Bukhari

Ang Propeta(SAW) ay nagsabi rin na

ang sinumang nakahihigit sa pagbasa ng Banal na Qur’an ay makakasama ng mga pangkat na mararangal na Anghel.  Ang halimbawa ng isang nananampalataya na nagbabasa ng Banal na Qur’an ay katulad ng isang Utrujah (isang prutas na sitrus) na may magandang amoy at magandang lasa. At ang halimbawa naman ng isang nananampalataya na hindi nagbabasa ng Banal na Qur’an ay katulad ng isang datiles (prutas ng isang uri ng palma) na kahit matamis ang lasa wala namang taglay na bango. 

Gayundin, sinabi ng Propeta(SAW) na ang sinumang magbasa ng isang titik sa Aklat ng Allah ay magkakamit ng gantimpala at ito ay pararamihin nang paulit-ulit.
 
Maraming mga talata sa Banal na Qur’an na may higit na halaga ang pagbasa ng mga ito. Ang Propeta(SAW) ay nagsabi na si Satanas ay hindi papasok sa bahay na ang Suratul Bakarah (kabanata Al-Bakarah)  ay binabasa, lalong-lalo na ang pagbasa ng Ayatul Kursi sa gabi.  Sinabi rin na ang bumabasa ay nasa proteksiyon ng Allah at siya’y hindi lalapitan ni Satanas hanggang sa siya ay magising sa umaga. Matatamo rin ang ganitong biyaya sa pagbasa ng huling sampung talata ng Suratul Bakarah, at gayundin ang huling tatlong Surah (kabanata) ng Banal na Qur’an.
 
Ang ating mga matatapat na ninuno ay labis na abala sa pagbasa ng Banal na Qur’an tuwing buwan ng Ramadan.  Nakaugalian nila na hindi sila lalampas sa pagbasa ng sampung talata hangga’t hindi nila napag-aalaman ang aral at itinuturo nito.

Magandang Asal sa Pagbasa ng Banal na Qur’an
 
Ang Banal na Qur’an na ating binabasa ay mga Salita ng Allah na ipinahayag kay Propeta Muhammad(SAW).  Kaya ating isaalang-alang ang mga sumusunod:
 
1. Magsabi ng “A’udhu billahi minash-shaitanir-rajim” bago basahin ito. (Ako ay himihingi ng proteksiyon sa Allah laban sa isinumpang satanas)
2. Magkaroon ng intensiyon na ang pagbasa nito ay tanging sa pag-asam sa kasiyahan ng Allah.
3. Magbasa nang may bukas na puso upang maunawaan ang nilalaman nito at ituring na ang Allah ang nakikipag-usap sa inyo sa pamamagitan ng Banal na Qur’an.
4. Tiyaking kayo ay malinis bago hawakan ang Banal na Qur’an. Huwag basahin ito kung kayo ay nangangailangan ng Ghusl.
5. Huwag basahin ang Banal na Qur’an sa palikuran (kasilyas) o sa anumang maruruming pook.
6. Basahin ito nang mahinay na may magandang himig at indayog.
7. Magpatirapa kapag ang talata ay nangangailangan ng pagpapatirapa.

Mga Kabutihang Matatamo sa Huling Sampung Araw ng Ramadhan at ang Kabutihan ng Lailatulqadr.

Nasasabi na ang Propeta(SAW) ay lagi nang nagbibigay ng karagdagang dibosyon sa huling sampung araw ng Ramadan. Lagi niyang ginigising ang kanyang pamilya upang hindi nila makaligtaan ang biyayang matatamo sa mga gabing ito.  Nasasabi din na lagi siyang nagsasagawa ng I’tikaaf sa pamamagitan ng pananatili sa Masjid sa huling sampung araw ng Ramadan.

Tungkol naman sa Lailatulqadr, ito ay nangangahulugan ng Gabi ng Karangalan at Pagpapasiya. Ito ay binibigyan ng maling kahulugan bilang Gabi ng Kapangyarihan. Ang Propetaay itinatagubilin na hanapin ito sa huling sampung araw ng Ramadan.  Ang kahalagahan ng gabing ito ay higit sa isang libong buwan na ginugol sa pagsagawa ng dibosyon sa Allah

Ang isang katangian nito ay ang pagkapahayag ng Banal na Qur’an sa gabing ito.  Sa gabi ring ito ay bumababa ang mga anghel sa daigdig na may dalang biyaya, kabutihan at awa. Ito ay isang mapayapang gabi na marami ang naliligtas at nailalayo sa Impiyerno. Ang pagpapatawad ng mga nakaraang kasalan ay ibinibigay sa mga gumugugol ng kanilang panahon sa pagdarasal at paggunita sa Allah.  Ang Propeta(SAW) ay nagsabing hanapin ito sa mga gansal na gabi sa huling ikatlong bahagi ng Ramadan.