"Sila ang lapastangan na nagsasabi: Ang Diyos ay isa sa Trinidad, sapagkat walang diyos kundi ang Nag-iisang Diyos" (Quran 5:73)
Isang Pormal na Doktrina ang Inilabas
Nang ang kontrobersya tungkol sa usapin ng Trinidad ay pumutok noong 318 sa pagitan ng dalawang kura ng simbahan mula sa Alehandriya - si Arius, ang dyakono, at Alejandro, ang kanyang obispo - si Emperador Constantino ay nanghimasok sa usapin.
Bagamat ang Kristiyanong doktrina ay isang ganap na misteryo sa kanya, nalalaman niyang ang nagkakaisang simbahan ay kinakailangan para sa isang matatag na kaharian. Nang ang negosasyon ay nabigong malutas ang alitan, si Constantino ay nagpatawag para sa unang ekumenikong konseho sa kasaysayan ng Simbahan upang agarang ayusin ang usapin at matapos na.
Anim na linggo matapos ang unang pagtitipon ng 300 na mga obispo sa Nicea noong 325, ang doktrina ng Trinidad ay nabuo. Ang Diyos ng mga Kristiyano ay itinuring na ngayon bilang mayroong tatlong mga diwa, o kalikasan, sa anyo ng Ama, Anak, at Banal na Espiritu.
Ang Simbahan ay Nanindigan
Ang usapin ay malayo pa sa kaayusan, gayunpaman, sa kabila ng malaking pag-asa para dito sa bahagi ni Constantino. Si Arius at ang bagong obispo ng Alehandriya, isang lalaki na nagngangalang Atanasio, ay nagsimulang makipagtalo tungkol sa usapin kahit na ang Kredong Niseno ay nalagdaan na; Ang "Arianismo" ay naging isang kilalang katawagan mula sa mga oras na yaon at sa mga sumunod pa para sa sinumang hindi tumanggap sa doktrina ng Trinidad.
Noon lang 451, sa Konseho ng Calcedon na, sa pagsang-ayon ng Papa, ang Niseno/Constantinoplang Kredo ay itinakda bilang may kapangyarihan. Ang debate sa usaping ito ay hindi na pinahintulutan; ang mangusap laban sa Trinidad ay itinuturing na ngayong kalapastangan, at para dito ay may matinding kaparusahan na pagpuputol-putulin ang katawan hanggang mamatay. Ang mga Kristiyano ay nakatuon ngayon sa mga kapwa Kristiyano, sa pamiminsala at pagpatay sa libu-libo dahil sa pagkakaiba ng opinyon.
Ang Debate ay Nagpatuloy
Ang brutal na mga parusa at kahit kamatayan ay hindi nagpahinto sa kontrobersya sa doktrina ng Trinidad, gayunpaman, at ang nasabing kontrobersya ay nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan.
Ang karamihan ng mga Kristiyano, kapag hiningian ng paliwanag sa pangunahing doktrinang ito ng kanilang pananampalataya, ay walang mai-alok o masabi ng higit pa sa "Naniniwala ako dito dahil sinabi sa akin na gawin ito." Ito ay ipinapaliwanag bilang "misteryo" - kahit sinasabi ng Bibliya sa 1 Corinto 14:33 na:
"... Ang Diyos ay hindi ang may akda ng kalituhan ..."
Ang Unitaryong (may iisang Diyos) denominasyon ng Kristiyanismo ay pinanatiling buhay ang mga turo ni Arius na nagsasabi na ang Diyos ay iisa; hindi sila naniniwala sa Trinidad. Dahil dito, ang pangunahing mga Kristiyano ay kinamumuhian sila, at ang Pambansang Konseho ng mga Simbahan ay tumanggi sa pagtanggap sa kanila. Sa Unitaryanismo, ang pag-asa ay pinanatiling buhay na ang mga Kristiyano balang araw ay magbabalik sa mga pangangaral ni Hesus:
"... Sa Panginoon mong Diyos sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran." (Lucas 4:8)
Ang Islam at ang Usapin ng Trinidad
Habang ang Kristiyanismo ay maaaring may suliranin sa pagtukoy sa diwa ng Diyos, hindi ganito ang usapin sa Islam:
Karapat-dapat pansining sa Arabikong wikang Bibliya ay ginagamit ang pangalang "Allah" bilang pangalan ng Diyos.
Si Suzanne Haneef, sa kanyang aklat na What Everyone Should Know About Islam and Muslims (Aklatan ng Islam, 1985), ay tinukoy ang usapin ng tila tuwiran nang kanyang sinabi:
“Ngunit ang Diyos ay hindi tulad ng isang kakanin (pie) o mansanas na maaaring hatiin sa tatlong katlo na mag-aanyong isang buo; kung ang Diyos ay tatlong persona o nagtataglay ng tatlong bahagi, Siya ay tiyak na hindi ang Iisa, Natatangi, Di-nakikitang Umiiral na Siya ngang Diyos at kung saan sinasabing pinaniniwalaan ng Kristiyanismo."[1]
Kung titingnan ito mula sa ibang anggulo, ang Trinidad ay tinutukoy ang Diyos bilang tatlong magkahiwalay na mga entidad - ang Ama, ang Anak at Banal na Espiritu. Kung ang Diyos ay ang Ama at ang Anak din, Siya sa gayon ang magiging Ama ng Kanyang Sarili sapagkat Siya ay ang Kanyang sariling Anak. Ito ay hindi ganap na lohikal.
Ang Kristiyanismo ay nag-aangking isang monoteistikong relihiyon. Ang monoteismo, gayunpaman, ay mayroong pangunahing paniniwala na ang Diyos ay Nag-iisa; ang Kristiyanong doktrina ng Trinidad - Ang Diyos na Tatlo-sa-Isa - ay nakikita ng Islam bilang isang anyo ng politeismo. Ang mga Kristiyano ay hindi sumasamba sa Nag-iisang Diyos lamang, sila ay sumasamba sa tatlo.
Ito ay isang paratang na hindi madaling tinatanggap ng mga Kristiyano, gayunpaman. Sila naman, ay nagpaparatang sa mga Muslim na hindi muna inaalam kung ano ang Trinidad, ipinupukol na ang Quran ay itinakda bilang si Allah ang Ama, si Hesus ang Anak, at Maria na kanyang ina. Habang ang pagsamba kay Maria ay isang katha ng Simbahang Katoliko mula pa noong 431 nang siya ay binigyan ng titulong "Ina ng Diyos" ng Konseho ng Efeso, isang mas masinsinang pagsusuri sa mga talata sa Quran na madalas na binabanggit ng mga Kristiyano bilang pagpapatibay sa kanilang paratang, ay nagpapakita na ang pagtatalaga kay Maria ng Quran bilang isang "miyembro" ng Trinidad, ay hindi talaga totoo.
Habang ang Quran ay kinondena ang kapwa Trinitaryanismo (ang Quran 4: 171; 5:73)[2] at ang pagsamba kay Hesus at sa kanyang ina na si Maria (ang Quran 5: 116)[3], saanman tiyak na wala ditong matutukoy na tatlong bahagi ng Kristiyanong Trinidad. Ang katayuan ng Quran ay kahit na SINO o ANO ang bumubuo ng doktrinang ito ay hindi na mahalaga; ang mahalaga ay ang tunay na paniniwala sa isang Trinidad ay isang pagsalungat laban sa konsepto ng Nag-iisang Diyos.
Sa konklusyon, nakita natin na ang doktrina ng Trinidad ay isang konseptong dala lahat ng tao; walang parusang kahit ano mula sa Diyos na matatagpuan tungkol sa ganitong usapin dahil ang buong ideya ng Trinidad ng banal na mga umiiral ay walang lugar sa monoteismo. Sa Quran, ang Huling Kapahayagan ng Diyos sa sangkatauhan, natagpuan natin ang Kanyang paninindigan na malinaw na nakasaad sa maraming mahuhusay na mga talata:
"... ang inyong Diyos ay Nag-iisang Diyos: sinumang umaasa sa pakikipagharap sa kanyang Panginoon, hayaan siyang gumawa ng mga gawaing matwid, at, sa pagsamba sa kanyang Panginoon, huwag tumanggap ng isa man bilang katambal." (Quran 18:110)
"... huwag mag-akibat sa Diyos, ng ibang bagay sa pagsamba, upang kayo ay hindi ihagis sa Impiyerno, sinumbatan at tinanggihan." (Quran 17:39)
– sapagkat, tulad ng paulit-ulit na sinasabi sa atin ng Diyos sa isang Mensahe na paulit-ulit sa LAHAT ng Kanyang Inihayag na mga Banal na Kasulatan:
"... Ako ang inyong Panginoon at Nagmamahal, samakatuwid pagsilbihan niyo Ako (at walang iba) ..." (Quran 21:92)
Mga talababa:
- What Everyone Should Know About Islam and Muslims (Aklatan ng Islam, 1985) (pp. 183-184)
- "O mga Angkan ng Kasulatan, huwag kayong gumawa ng kalabisan sa inyong relihiyon o magsabi ng anumang tungkol sa Diyos maliban sa katotohanan. Ang Mesiyas, si Hesus, na anak ni Maria, ay isang Sugo ng Diyos at Kanyang salita na Kanyang iginawad kay Maria at isang kaluluwa [na nilikha sa pag-uutos] mula sa Kanya. Kaya maniwala kayo sa Diyos at sa Kanyang mga Sugo. Huwag kayong magsabing: 'Tatlo'; magsitigil kayo—ito ay higit na makabubuti para sa inyo. Katotohanan ang Diyos ay tanging isang Diyos, Luwalhati sa Kanya na Kataas-taasan sa pagkakaroon ng anak. Sa Kanya ang pagmamay-ari ng anumang nasa mga kalangitan at anumang nasa kalupaan. At ang Diyos sapat na bilang Tagapangasiwa para sa lahat ng mga pangyayari." (Quran 4:171)
- "At [alalahanin ang Araw na] kapag ang Diyos ay magsasabi, O, Hesus, anak ni Maria, ikaw ba ay nagsabi sa mga tao, ‘Ituring ninyo ako at ang aking ina bilang mga diyos bukod sa Diyos?’ Siya ay magsasabi: “Luwalhati sa Iyo! Hindi marapat para sa akin ang magsabi ng anumang wala akong karapatan. Kung ito man ay aking nasabi, Iyo itong mababatid. Batid Mo ang anumang nasa aking kalooban, samantalang hindi ko nababatid ang anumang nasa Iyong Kalooban. Katotohanan, Ikaw ang Maalam sa mga di-nakikita." (Quran 5:116)