MENSAHE PARA SA NAGSASAGAWA NG HAJJ

Islamic Center in Rabwah Kapatid kong nagsasagawa ng Hajj… (Sumaiyo nawa ang kapayapaan ng Allah, ang Kanyang Habag at mga Biyaya). Nandito ka ngayon, naiapak mo na ang iyong mga paa sa kalupaan ng Al-Haramayn Ash-Sharifayn (Makkah), ito ang isang pangarap na lagi nang naglalaro sa iyong imahinasyon sa loob ng isang taon, at ito ay naging totoo na, nakikita na ng iyong mga mata, kaya sasaiyo ang isang napakabuting kapalaran at napakagandang balita, kaya maligayang pagdating para sa iyo.


Mahal kong kapatid…Ako'y nakatitiyak na ang iyong puso ay punong-puno ng pagmamahal sa Allah at sa Kanyang Sugo (e), kaya't dahil dito, ikaw ay tatanungin ko: Ayaw mo bang masilayan ang Sugo ng Allah (e) at makasama siya sa paglalakbay na ito sa Hajj? Ako ay lubos na nakatitiyak na ang iyong sasabihin ay: "Bagkus, ihahandog ko ang lahat ng aking pagmamay-ari para lamang masilayan siya at makasama". Kung gayon, ang masabi ko lamang sa iyo mahal kong kapatid: Kung imposible sa katotohanan na makasama mo siya (e) sa araw na ito, maaari mo siyang makakasama  sa pamamagitan ng iyong espiritu at imahinasyon sa pinagpalang paglalakbay na ito, sapagka't mahahawakan mo na ang mga lugar na kanyang pinuntahan, kaya pumunta ka lamang sa mga lugar na ito, at huwag kang pumunta sa mga lugar na hindi niya pinuntahan at binisita, dahil kung nagkagayon, para mo na rin siyang nakasama.


Ngayon, nais kitang paalalahanan tungkol sa mga lugar na maaari mong mapuntahan, nguni't hindi pinuntahan noon ng iyong Propeta (e), kaya kung nais mong mapalayo sa Propeta (e), puntahan mo ang mga ito, at kung ayaw mo namang mapalayo sa kanya, magkagayon pumaroon ka lamang sa mga lugar na kung saan siya pumaroon at huwag kang pumunta sa mga lugar na hindi niya pinuntahan at binisita sa Hajj o sa Umrah, at gayundin sa mga lugar na hindi niya ipinanghikayat sa mga tao ang pagpunta rito at pagbisita.


UNA: ANG MGA LUGAR NA HINDI LEHITIMONG PUNTAHAN PARA BISITAHIN SA ANYO AT PARAAN NG PAGSAMBA.
Samakatuwid, ang pagbisita rito sa anyo at paraan ng pagsamba ay tuwirang taliwas sa patnubay ng Propeta (e) sa lahat ng kalagayan at anyo nito.


Kabilang sa mga lugar na ito:

1- Ang Tinaguriang Aklatan ng Makkah:
Ito ay nasa silangan ng pagpapalawak sa Al-Masjid Al-Haram, subali't inaakala ng ilang tao na sa kinatatayuan nito mismo ang lugar na kung saan ipinanganak ang Sugo ng Allah (e), nguni't ano pa man ang tunay na pangyayari, ang iyong Propeta (e) ay hindi nagtungo sa lugar na ito sa Hajj o sa Umrah, kaya ang pagbisita rito bilang isang uri ng pagpapalapit sa Allah ay tuwirang taliwas sa patnubay ng Propeta (e) at hindi matatanggap batay sa kanyang sinabi: "Sinuman ang gumawa ng isang gawain na hindi nakabatay sa aming pag-uutos, ito ay tatanggihan". Muslim (3/1343).


Kung ang pagbisita o pagpunta sa lugar na ito ay isang Sunnah (mabuting gawa) o isang kabutihan, katiyakang binisita na sana niya ito at binisita na rin ng kanyang mga kasamahan (Sahabah) pagkatapos ng kanyang kamatayan, subali't kung ang pagbisita o pagpunta rito ay upang magsaliksik lamang ng mga aklat at magbasa, ito'y hindi naman masama, kaya't kung may nakita kang isang taong mangmang na umiikot sa palibot nito, o nagsasagawa ng Salah habang nakaharap dito, samantalang ang Kiblah (sentro ng pagdarasal) ay nasa dakong likuran niya, o di kaya'y nakita mo siyang hinihipo ito para sa pagpapabiyaya sa pamamagitan ng gusaling ito, magkagayon dapat mo siyang pagbawalan sa napakasama nitong ginagawa, at ipaliwanag mo sa kanya sa pamamagitan ng mahinahon at malumanay na paraan kung anong mayroon dito na kamalian.


2- Ang Kuwebang (tinaguriang) Hira':
Ito ang kuweba na siyang pinupunta-puntahan ng Propeta (e) upang mag-alay dito ng mga ritwal na pagsamba bago pa man siya nahirang bilang isang Sugo, at kung ang kuwebang ito ay may katangian, o ang pagbisita rito ay Sunnah, katiyakang ito ay pinuntahan na sana ng Propeta (e) pagkatapos niyang mahirang bilang isang Sugo, bagkus nanatili siya (e) nang sampung taon sa Makkah sa pagitan ng pagkahirang sa kanya bilang Propeta at sa paglikas niya patungong Madinah, nguni't hindi napatunayan na siya ay bumisita o pumunta rito, ni hindi niya ito binisita o pinuntahan sa Hajj o sa Umrah, gayundin ang kanyang mga kasamahan, ni isa sa kanila ay walang bumisita o pumunta rito. Samakatuwid, ang pagpunta rito nang may layuning mag-alay ng pagsamba ay isang maliwanag na paglabag sa patnubay ng Propeta (e), at ito ay isang pagsamba na di-tanggap mula sa gumagawa nito, at tungkol naman sa mga nagaganap dito na paghahaplos, mga gawa-gawang panalangin o pagpapabiyaya, walang pag-aalinlangan na ito'y napakasama at kabilang sa mga maliwanag na katiwalian.


3- Ang Kuwebang (tinaguriang) Thawr:
Dito sa kuwebang ito tumigil ang Sugo ng Allah (e) kasama ang kanyang matapat na kaibigan sa kanilang paglikas patungong Madinah para hindi sila maabutan ng mga di-sumasampalataya mula sa lipon ng mga Quraysh, datapuwa't ang kuwebang ito ay walang anumang angking halaga na pangrelihiyon, at hindi napatunayan na ang Sugo (e) ay naghikayat sa pagbisita o pagpunta rito, ni hindi rin niya ito pinuntahan o ng isa sa kanyang mga kasamahan (Sahabah) pagkatapos ng paglikas, samakatuwid saan kinuha ng mga tao ang ganitong mga gawa-gawang pagsamba para sa pagbisita rito?


4- Ang mga Kuweba sa Bundok ng Uhud:
Ang ilan sa mga nagsasagawa ng Hajj at Umrah ay pumupunta rito at bumibisita upang mag-alay ng mga ritwal na pagsamba, sa pag-aakalang ito ay may gantimpala, datapuwa't ito ay walang batayan sa Islam.


5- Ang Poste sa Bundok ng Arafah (Jabal Ar-Rahmah):
Maraming Muslim ang nag-aakala na ang pagtigil sa Arapah ay hindi magiging ganap maliban kung maisakatuparan ang pagtigil sa  Jabal Ar-Rahmah, kaya’t mayroon sa kanila ang nagpupumilit na makaabot sa poste na nasa tuktok ng bundok, samantalang ito ay walang batayan sa Islam at hindi nararapat, bagkus alin man sa kalupaan ng Arafah ay ipinahihintulot ang pagtigil dito maliban sa Batnu `Uranah, sa katunayan nagtayo ang mga kinauukulan ng mga maliliwanag na palatandaan sa mga hangganan ng Arafah, kaya hindi nararapat sa nagsasagawa ng Hajj na magtungo sa bundok na ito upang tumigil doon o sa may poste, sapagka't sa pamamagitan nito’y hindi siya nakapagpapalapit sa Allah, lalung-lalo na kung ang kanyang ginagawa ay nagdudulot ng pagsisiksikan at samaan ng loob sa ibang tao.


PANGALAWA: ANG MGA LUGAR NA LEHITIMONG PUNTAHAN PARA BISITAHIN SA ANYO AT PARAAN NG PAGSAMBA.
Datapuwa't ang mga ito ay hindi napatunayan na may partikular na kahigtan kaysa sa iba upang maging katangi-tangi ito sa pagbisita sa Hajj o sa Umrah, kabilang sa mga ito ay ang mga puntod; sa katotohanan ito’y isinabatas sa layuning makapag-alala sa kamatayan, makapagbigay ng aral, makapaghanda sa Kabilang Buhay sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan at pag-iwas sa mga ipinagbabawal, nguni’t ang mga nagaganap dito sa ngayon ay napakasama at napakalaking katiwalian, na kung saan ay halu-bilo rito ang lalaki't babae, bagkus ang ibang tao rito ay nananalangin sa mga patay at humihingi ng saklolo sa kanila, kung nasasaksihan lamang sila ng Sugo ng Allah (e), katiyakang pipigilan niya sila at susuwayin, kaya’t kung may kakayahan kang suwayin sila, kung gayon pumunta ka sa mga puntod na ito, iyong ipag-utos dito ang mabuti at ipagbawal ang masama, at umasa ng gantimpala mula sa Allah.
Bagama’t lehitimo ang pagbisita sa mga puntod, mayroon pa ring mga tao na nagtatalaga ng partikular na mga puntod na kanilang binibisita sa Hajj o sa Umrah, samantalang wala namang katangi-tanging katumpakan ang mga ito.

Ang Ilan sa mga Puntod na ito:

1- Ang Sementeryo sa Makkah na tinaguriang Al-Mi`alat:
Dito matatagpuan ang karamihan sa mga puntod ng mga Sahabah (Kasamahan ng Propeta), at ayon sa sabi-sabi – isa na rito ang ina ng mga sumasampalataya na si Khadiyah (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah), datapuwa't hindi pa rin napatunayan sa Propeta (e) na ginawa niya itong katangi-tangi sa pagbisita sa Hajj o sa Umrah sa kabila ng matayog nitong katayuan sa kanya.


2- Ang puntod ng ina ng mga sumasampalataya na si Maimunah (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah):
Matatagpuan ito sa unang dulo ng highway papuntang Madinah para sa lumalabas mula sa Makkah, ito’y hindi rin niya ginawang katangi-tangi sa pagbisita sa Hajj at sa Umrah, kaya ang tungkol sa usaping pagbisita rito ay katulad din ng pagbisita sa ibang mga puntod.


3- Ang Puntod ni Eba:
Ito’y isang inaakalang puntod ng ina nating si Eba, na nasa harapan mismo ng Ministry of Foreign Affairs sa Jeddah, at sino nga ba ang makapagpapatunay na ito nga ang kanyang puntod? Ito’y labis na nakapagtataka! Magkagayon pa man, ito’y hindi rin binisita ng ating Propeta, ni hindi niya ipinag-utos ang pagbisita rito, at dahil sa hindi napatunayan na ito'y isang puntod, ang pagbisita rito sa anyo at paraan ng pagsamba ay sumasalungat sa matinong pag-iisip, gayundin naman na sumasalungat ito sa patnubay ng Marangal na Propeta (Sumakanya nawa ang pinakamainam na pagpapala at pinakaganap na kapayapaan), lalo na kung iaanib sa kanya ang ilan sa mga nagaganap dito na pagsusumamo, pagpapabiyaya at iba pa, na siyang nagtutulak at naghahatid tungo sa Shirk (Pagtatambal sa Kaisahan sa Allah).


4- Ang Puntod ni Aminah, anak na babae ni Wahb, na siyang ina ng Propeta (e):
Sadyang napakaraming nagaganap dito na mga ipinagbabawal; katulad ng pagsasagawa rito ng Salah, pagtatapon ng mga pera at mga damit, pag-ikot sa palibot nito at pagpapabiyaya rito, samantalang hindi naman napatunayan sa Propeta (e), na siya'y bumisita sa puntod nito sa Hajj at sa Umrah, kaya walang nabanggit na kahigtan o kabutihan sa pagbisita ng puntod nito, bagkus ang napatunayan ay hindi ipinahintulot ng Allah sa Propeta (e) na ipanalangin siya ng kapatawaran.


Si An-Nawawi (Sumakanya nawa ang habag ng Allah)  ay nagsabi sa aklat na tinaguriang Sahih Muslim ayon sa kanyang pagpapaliwanag tungkol sa sinabi (ng Propeta e): "Ako’y nagpaalam sa aking Panginoon na ipanalangin ko ng kapatawaran ang aking ina, nguni't hindi ipinahintulot sa akin, subali't nang ipagpaalam ko sa Kanya na bisitahin ko ang kanyang puntod, ipinahintulot ito sa akin". Ito’y isang pahiwatig na ipinahihintulot ang pagbisita sa mga Pagano (hindi muslim) sa kanilang mga tahanan at sa kanilang mga puntod pagkatapos ng kanilang kamatayan, sapagka't kung ipinahintulot ang pagbisita sa kanila pagkatapos ng kanilang kamatayan, magkagayon higit na ipinahihintulot ang pagbisita sa kanila habang sila ay nabubuhay,

at tungkol naman sa sinabi ng Allah

Datapuwa't pakitunguhan mo silang dalawa (mga magulang) sa mundong ito nang mabuti

Ito’y isang pahiwatig na bawal ipanalangin ng kapatawaran ang mga hindi sumasampalataya.

Si Judge `Iyad (Sumakanya nawa ang habag ng Allah) ay nagsabi: Ang dahilan ng kanyang (e) pagbisita sa puntod (ng kanyang ina) ay upang patunayan lamang niya ang lakas ng epekto ng pangaral at paggunita na dulot ng pagtingin sa kanyang puntod, 

at ito'y sumang-ayon sa kanyang sinabi (e) sa huling bahagi ng Hadith

Kaya inyong bisitahin ang mga puntod, sapagka't ito’y nagpapaalaala sa kamatayan

Muslim (7/45)

Datapuwa't, sa kabilang dako mayroong partikular na mga puntod na kaaya-ayang bisitahin, ito ay ang mga sumusunod:

1- Ang pagbisita sa puntod ng Propeta (Muhammad e), sa ganitong paraan; tatayo ang tao sa harapan nito at siya ay babati sa kanya ng Salam habang sinasabing: Assalamu alayka ayyuhan nabiyyu wa rahmatullaahi wa barakaatuhu, sallallaahu alayka wa jazaaka `an ummatika khayran (Ang kapayapaan ay sumaiyo nawa o Propeta, gayundin ang habag ng Allah at ang kanyang mga biyaya, sumaiyo nawa ang pagpapala ng Allah at gantimpalaan ka nawa Niya ng mabuti dahil sa iyong mga tagasunod).


2- Ang pagbisita sa puntod ng kanyang mga kaibigan na si Abu Bakr at Omar (Sumakanila nawa ang kaluguran ng Allah):
Pagkatapos ng pagbati sa kanya (Muhammad e) ng Salam, hahakbang ng isang hakbang sa bahaging kanan niya o dalawang hakbang upang tumayo sa harapan ni Abu Bakr at bumati sa kanya ng Salam habang sinasabing: Assalamu alayka ya Aba Bakr Khalifatu rasoolillaah wa rahmatullaahi wa barakatuhu, radiyallaahu `anka wa jazaaka `an ummati muhammadin khayran (Ang kapayapaan ay sumaiyo nawa o Abu Bakr na tagahalili ng Sugo ng Allah (e), gayundin ang Habag ng Allah at Kanyang mga Biyaya, sumaiyo nawa ang kaluguran ng Allah, at gantimpalaan ka nawa Niya ng mabuti dahil sa mga tagasunod ni Muhammad), at pagkatapos ay humakbang siya sa bandang kanan niya ng isang hakbang o dalawang hakbang upang tumayo sa harapan ni Omar at bumati sa kanya ng Salam habang sinasabing: Assalamu alayka ya Omar Ameeral mu'mineen wa rahmatullaahi wa barakatuhu, radiyallaahu `anka wa jazaaka `an ummati muhammadin khayran (Ang kapayapaan ay sumaiyo nawa o Omar na Pinuno ng mga sumasampalataya, gayundin ang Habag ng Allah at Kanyang mga Biyaya, sumaiyo nawa ang kaluguran ng Allah, at gantimpalaan ka nawa Niya ng mabuti dahil sa mga tagasunod ni Muhammad ).


3- Ang pagbisita sa (sementeryo na  tinaguriang) Al-Baqee` at bumati sa mga muslim na nakalibing doon:
Tatayo ang tao sa harapan ng puntod ni Uthman (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah) at bumati sa kanya ng Salam habang sinasabing: Assalamu alayka ya Uthman Ameeral mu'mineen wa rahmatullaahi wa barakatuhu, radiyallaahu `anka wa jazaaka `an ummati muhammadin khayran (Ang kapayapaan ay sumaiyo nawa o Uthman na Pinuno ng mga sumasampalataya, gayundin ang Habag ng Allah at Kanyang mga Biyaya, sumaiyo nawa ang kaluguran ng Allah, at gantimpalaan ka nawa Niya ng mabuti dahil sa mga tagasunod ni Muhammad ).

4- Ang pagpunta sa Uhud para bumisita sa puntod ni Hamzah at sa mga Shuhada' (Martir) na nakalibing doon:
Sumakanilang lahat nawa ang kaluguran ng Allah, batiin sila ng Salam at ipanalangin sila sa Allah ng kapatawaran, habag at kaluguran.

PANGATLO: ANG MGA LUGAR NA LEHITIMO ANG MAG-ALAY DITO NG ANUMANG URI NG PAGSAMBA, NGUNI'T HINDI LEHITIMONG MAGSADYA RITO UPANG MAG-ALAY LAMANG NG PAGSAMBA:

Ito’y ilan lamang sa mga Masjid sa Madinah, subali't ang mga Masjid na ito ay walang angking kahigtan sa ibang mga Masjid, bagama't walang pag-aalinlangan na ang mga Masjid ang siyang tahanan ng Allah sa lupa, hindi pa rin marapat na ibigay natin sa isang partikular na Masjid ang kakaibang pagtangkilik ng wala sa ibang Masjid, na kung saan ay kusa tayong magsadya rito para sa pagpapalapit sa Allah sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Salah dito, maliban lamang kung may patunay mula sa Aklat ng Allah (sa Qur'an) o sa Sunnah ng Kanyang Propeta (e), tulad halimbawa ng Masjid sa Makkah (Al-Masjid Al-Haram), o ng Masjid sa Madinah (Al-Masjid An-Nabawiy), o ng Masjid sa Jerusalem (Al-Masjid Al-Aqsa), o ng Masjid sa Quba' (Masjid Quba'), bagkus kapag inabot ng oras ng Salah ang isang Muslim, kanyang isagawa ito sa alinmang Masjid ng mga Sunnie (Tagapagtaguyod ng Qur'an at Sunnah), kaya hindi nararapat na sadyain mismo ang mga Masjid na ito para lamang mag-alay dito ng dasal o pagsamba, sapagka't ito ay sumasalungat sa Sunnah ng Propeta (e), lalo na kung magtaguyod dito ng mga ipinagbabawal na mga gawain tulad ng pagpapabiyaya rito, paghaplos sa mga pader nito o pagtatali ng lubid at iba pa na mga ipinagbabawal, na siyang ginagawa ng mga taong mangmang sa ngayon na maaaring humantong sa Shirk (pagtatambal) o pagdadahilan ng Shirk.

Ang mga Masjid na ito ay ang pitong Masjid na isusunod nating babanggitin: anim na Masjid ang magkasunod-sunod na babanggitin, at ang ikapito ay ang Masjid ni Abu Bakr As-Siddiq na matagal nang nasira.

1- Masjid Al-Fath o Al-Ahzab:
Ito ang pinakamalaki sa pitong mga Masjid, itinayo ito sa ibabaw ng umbok sa kanlurang dalisdis ng bundok ng Sila`, may nakapag-ulat na tinawag ito sa ganitong pangalan dahil ang naging resulta ng labanang yaon ay katagumpayan ng mga Muslim.


2- Ang Masjid ni Salman  Al-Farisie:
Ito ay matatagpuan agad sa timog ng Masjid Al-Fath sa layong dalawampung metro lamang mula rito sa poste ng bundok ng Sila`, at ito’y tinawag sa pangalan ng isang Sahabi na si Salman Al-Farisie, ang may ari ng ideya sa paghukay ng Al-Khandaq upang patatagin ang Madinah laban sa pagsalakay ng mga sandatahang partido.


3- Ang Masjid ni Abu Bakr As-Siddiq:
Dati ay matatagpuan ito sa timog-kanluran ng Masjid ni Salman sa layong (15) metro mula rito, itinayo ito at binago kasama ng dalawang naunang mga Masjid, subali't di naglaon ay nasira din ito.


4- Ang Masjid ni Omar ibn Al-Khattab:
Sumunod ito sa Masjid ni Abu Bakr sa dakong timog, sa layo na sampung metro lamang mula rito, ito ay nasa hugis na parihaba-gallery at mayroon itong mga pasilyo na maluluwang na walang bubong sa hitsura nito, nakaangat ito sa lupa ng walong antas, at ang paraan ng paggawa rito ay tumugma sa paggawa sa Masjid Al-Fath, at maaring ito ay naging kasabay nito sa paggawa at pagbabago.


5- Ang Masjid ni Ali ibn Abu Thalib:
Ito ay matatagpuan sa silangan ng Masjid ni Fatimah sa isang mataas na umbok na hugis-parihaba, at naiulat na sa lugar na ito napatay ni Ali (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah) si Amr ibn Wud Al-Amerie – siya yaong nakatawid sa hukay sa labanan ng mga sandatahang partido.


6- Ang Masjid ni Fatimah, anak na babae ng Sugo (e):
Binansagan ito sa pangalang Masjid ni Saad ibn Mu`ad ayon sa mga makasaysayang pinagmumulan, ito ang pinakamaliit sa mga Masjid na ito, at ito ay matatagpuan sa kanluran ng Masjid ni Ali ibn Abu Thalib.


7- Masjid Al-Qiblatayn (Ang Masjid na may dalawang Kiblah):
Ang ilan sa kanila ay ibinibilang ito na ika-pito sa anim na naunang nabanggit, dito ibinaba ang kapahayagan sa Sugo ng Allah (e) sa paglipat ng Kiblah sa Banal na Kaabah na sa una ay nasa Jerusalem, at simula noon nakilala ang Masjid na ito sa pangalang (Masjid Al-Qiblatayn), sapagka't dito naganap ang dalawang beses na pagharap sa Kiblah ng Sugo ng Allah (e) sa kanyang pagdarasal, una sa dakong kinaroroonan ng Al-Masjid Al-Aqsa (sa Jerusalem) at ang ikalawa ay sa dakong kinaroroonan ng Al-Masjid Al-Haram (sa Makkah). Datapuwa't may isa pang Masjid na kabilang sa kaaya-ayang bisitahin upang magsagawa rito ng Salah; ito ay ang Masjid Quba', kaya’t maaaring magsadya rito ang isang tao habang nasa ganap na kalinisan  at magsagawa rito ng Salah, dahil napatunayan sa dalawang tumpak na nagtitipon ng mga Hadith (Al-Bukhari at Muslim) mula sa naiulat ni Ibn Omar (Sumakanila nawa ang kaluguran ng Allah): "Nakaugalian ng Sugo ng Allah (e) na pumunta sa Masjid Quba' nang nakasakay o naglalakad, at siya ay nagsasagawa rito ng Salah ng dalawang Rak`ah". Sahih Al-Bukhari (2/61), Sahih Muslim (2/1016).

Mahal kong kapatid…
Nabanggit ko sa iyo sa una, na ang mga lugar na ito ay walang partikular na katangian upang bisitahin o puntahan sa panahon ng Hajj o Umrah, at nabanggit ko rin sa iyo ang ilan sa mga labag sa batas na nagaganap sa mga lugar na ito,

kaya’t nais kong ipaalaala sa iyo ang sinabi ng iyong pinakamamahal na Propeta (e)

Sinuman ang magparating ng pagbabago sa katuruan naming ito na hindi kabilang nito, ito ay tatanggihan

Muslim 3/1343

ang ibig sabihin: Sinuman ang magparating ng isang uri ng pagsamba na wala namang batayan sa relihiyon, ito ay hindi tatanggapin sa kanya kahit man ang pagtingin niya rito ay isang kabutihan;

at nais ko ring ipaalaala sa iyo ang tungkol sa sinabi niyang (e)

Ang pinakamasama sa mga bagay ay ang mga ibinabago rito, sapagka't ang lahat ng pagbabago (sa relihiyon) ay Bid`ah (walang batayan), at ang lahat ng Bid`ah ay pagkaligaw, at ang lahat ng pagkaligaw ay sa Apoy ng Impiyerno

Ibnu Khuzaima 3/143

Ang huling paalaala na nais kong sabihin sa iyo: Ang mga makabago at Bid`ah na ito ang siyang pipigil sa taong gumagawa nito sa pagpasok sa Lawa ng Propeta (e) sa araw ng Pagbabangon Muli at magsisilbing dahilan ng paglayo sa kanya at pagtaboy mula rito. Batay sa sinabi ng Propeta (e): "Katotohanang mauunahan ko kayo sa Lawa, kaya ang sinumang dadaan sa akin ay makakainum nito, at sinuman ang makakainum nito ay hindi na mauuhaw kailanman, tunay na pipigilan ang ilan sa lipon ng mga tao na aking nakikilala at nakikilala rin nila ako, at pagkatapos ay magkakaroon ng halang sa pagitan namin, kaya’t ang masasabi ko: Sila ay aking mga kasamahan. Datapuwa't may magsasabi: Katotohanang hindi mo alam kung anong mga pagbabago ang kanilang ginawa pagkaraan mo. Kaya ang masasabi ko lamang: Napakalayo ng habag, napakalayo ng habag! Sa sinumang nagparating ng mga pagbabago pagkaraan ko". Al-Bukhari (5/2406).


Ngayon, nais mo bang ipagkait sa iyo ang pag-inom sa Lawa ng iyong Propeta (e)? O nais mo bang magkaroon ng halang sa pagitan ninyo ng Propeta, at tuluyang ipagtabuyan ka mula sa kanya habang sinasabi niya sa iyo: Napakalayo ng habag, napakalayo ng habag! Sa sinumang nagparating ng mga pagbabago pagkaraan ko?! – Huwag naman sana ipahintulot ito ng Allah.

Mahal kong kapatid…

Bukod pa sa pagiging masama ng lahat ng uri ng Bid`ah, ang kasamaan nito ay hindi lumalayo sa pagiging Shirk o humahantong sa Shirk, na kung saan ang kaparusahan ng malaking Shirk ay ang pagkapanatili sa Impiyerno (Nawa'y ilayo tayo ng Allah mula rito), ito ang madalas na nagaganap sa mga lugar na nabanggit, at tayo’y lumalayo lamang sa Apoy o aking kapatid, nananalangin at umaasa sa Allah ng Paraiso, kaya paano pa natin naipapahintulot sa ating sarili na gumawa ng mga gawaing ating isusunod na babanggitin?!

1- Ang pag-ikot (Tawaf) sa palibot ng mga lugar na ito, gaya ng Aklatan na nabanggit, ng mga puntod, o ng poste sa Arafat, samantalang ang isinabatas ba pag-ikot ay hindi ginagawa maliban lamang sa sinaunang tahanan (ang Kaabah sa Makkah).

2- Ang pagharap sa mga puntod upang itakda ito bilang Kiblah (sentro ng pagdarasal).

3- Ang manalangin sa iba bukod pa sa Allah at ang humingi ng mga pangangailangan mula sa kanila, tulad ng pananalangin sa Propeta (e), paghingi ng saklolo sa kanya o sa iba pa tulad ng mga nasa loob ng mga puntod.

4- Ang pagpapabiyaya sa mga pader ng Aklatan na nabanggit, sa mga puntod, sa mga kuweba o sa kalupaan ng ilan sa mga lugar.

5- Ang pagsabit ng mga pinagtali-taling sinulid sa mga puno at sa iba pang mga lugar, o ang pagtatapon dito ng mga papel na naglalaman ng mga orasyon, panalangin o katulad nito.

6- Ang paghipo sa mga pader ng puntod o sa mga baras nito, pagtatali ng mga sinulid at ang pagpapabiyaya rito.

7- Ang pagtapon ng mga pera o ang pagsaboy ng pabango sa ilang mga puntod bilang pagpapalapit sa mga nakalibing doon.

8- Ang pagtayo ng ibang tao sa harapan mismo ng puntod tulad ng pagtayo sa Salah nang taimtim at umiiyak habang nakapatong ang kanang kamay sa ibabaw ng kaliwang kamay ng tulad sa Salah.

Bilang pagtatapos, mahal kong kapatid…

Ako’y nananalangin sa Allah na ikaw ay Kanyang gabayan sa paglalakbay mong ito at sa mga susunod pang araw sa pagtaguyod ng Aklat ng iyong Panginoon at sa Sunnah ng iyong Propeta (e), nawa’y paglayuin Niya ang pagitan mo at ng mga Bid`ah, ng mga kasalanan at pagkakamali tulad ng paglayo Niya sa pagitan ng silangan at kanluran, at ikaw ay ibilang nawa Niya sa mga taong naghahangad ng katanggap-tanggap na Hajj at ng kapatawaran sa mga kasalanan, upang maging dalisay sa mga pagkakasala gaya ng araw ng pagkasilang sa kanila ng kanilang mga ina.


Ang huli ng ating panalangin: Ang lahat ng pagpupuri at pasasalamat ay sa Allah lamang, ang Panginoon ng lahat ng nilalang, ang pagpapala at kapayapaan ng Allah ay maitampok nawa sa Propeta nating si Muhammad, sa kanyang pamilya at mga kasamahan.