1)Ang maniwala na siya ay isang Sugo, at siya ang pinakamabuti at huli sa kawing ng mga Sugo, at wala ng Sugo pang darating pagkaraan niya.
Ang Allah ay nagsabi,
"Si Muhammad ay hindi ama ng sinuman sa inyo, datapwa't siya ang Sugo ng Allah at Sagka (Huli) sa lahat ng mga Propeta…"
Qur'an, Kabanata Al-Ahzaab, 33:40
2) Ang maniwala na siya ay walang (nagawang) pagkakamali sa mga aral na kanyang ipinalaganap mula sa Allah .
Ang Allah ay nagsabi,
"At hindi siya nagsabi (ng anuman) nang ayon sa kanyang sariling hangarin (tungkol sa Relihiyon). Ito ay isa lamang Inspirasyon (Kapahayagan) na ipinahayag sa kanya."
Qur'an, Kabanata An-Najm, 53:3-4;
At para sa mga pangyayari sa mundong ito, siya ay tao lamang, at siya ay nagsasagawa ng Ijtihaad(1) sa kanyang mga paghatol.
Ang Propeta Muhammad ay nagsabi;
"Katotohanan ako ay isang tao lamang. Maaaring ang isa sa mga nagtatalo ay maghabol ng kanyang karapatan at lumapit sa akin na dumadaing, at sapagka't higit na mahusay ang pananalita ng kanyang katunggali, maaari ako ay nakapagbigay ng pagkiling sa paghatol ko. Sinuman ang nabigyan ng pagkiling samantalang nalalaman niyang siya ay mali, ang anumang kanyang tinanggap na hindi makatuwiran ay bahagi lamang ng Impiyerno, kaya't hayaan niyang tanggapin o hindi tanggapin ito."
(Iniulat ni Imam Muslim)
3) Ang maniwala na siya ay isang Sugo para sa lahat ng nilikha, sa mga jinn at sa mga tao, hanggang sa Huling Oras.
Ang Allah ay nagsabi,
"At ikaw (O Muhammad) ay hindi Namin isinugo maliban bilang Tagapaghatid ng Magagandang Balita at Tagapagbabala sa lahat ng Sangkatauhan, subali't karamihan sa tao ay hindi nakababatid (nito)."
Qur'an, Kabanata Saba, 34:28;
4) Ang sumunod sa lahat ng ipinag-uutos ng Propeta Muhammad at ang maniwala sa lahat ng kanyang sinabi o iniulat, at lumayo o umiwas sa kanyang mga ipinagbabawal at babala.
Ang Allah ay nagsabi,
"…Kaya't inyong kunin (o sundin) ang anumang iparating (o ipinag-utos) ng Sugo (ang Propetang si Muhammad), at anumang ipagbawal niya sa inyo, ito ay inyong iwasan…"
Qur'an, Kabanata Al-Hashr, 59:7
5) Ang tumalima at panghawakan ang Sunnah ng Propeta na walang pagdaragdag o pagbabawas (pagbabago) rito.
Ang Allah ay nagsabi,
"Sabihin mo (O Muhammad sa sangkatauhan): “Kung (tunay nga na) inyong minamahal ang Allah, samakatuwid, sumunod kayo sa akin (tanggapin ang kaisahan ng Allah at sundin ang (mensahe ng) Qur’an at Sunnah14), kayo ay mamahalin ng Allah at patatawarin (Niya) ang inyong mga kasalanan. At ang Allah ay lagi nang Mapagpatawad, ang Maawain.”
Qur'an, Kabanata Al-Imraan, 3:31;
- Ijtihad: Sa kaugnayan pang-Relihiyon, ito ang pagsusumikap na umunawa sa paggawa ng pansariling pagpapasiya (batas) at paghahanap ng mga patotoo.