"At nasa Diyos ang mga susi ng hindi nakikita, walang sinuman ang nakakaalam sa mga ito maliban sa Kanya. At batid Niya kung anuman ang nasa kalupaan at nasa karagatan; wala ni isa mang dahon ang malalaglag nang hindi Niya batid. Wala ni isa mang butil sa kadiliman ng kalupaan, o anumang bagay na sariwa o tuyo, na hindi nakasulat sa Malinaw na Talaan." (Quran 6:59)
Si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala), ang Propeta ng Islam na pumanaw noong 632, ay nagsalaysay:
"Si Gabriel ay pumarito sa akin at nagsalita, ‘O Muhammad, mamuhay ka ayon sa nais mo, sapagkat ikaw ay mamamatay kalaunan. Mahalin ang sinumang naisin mo, sapagkat sa kalaunan ay lilisan ka. Gawin ang nais mo, sapagkat ikaw ay magbabayad. Unawain mo na ang panalanging pang-gabi[1] ay karangalan ng mananampalataya, at ang kanyang dangal ay malaya sa iba.’" (Silsilah al-Saheehah)
Kung mayroon mang isang bagay na tiyak tungkol sa buhay, ay, ito ay magtatapos. Ang malinaw na katotohanang ito ay kusang nakapagbibigay ng katanungan na sa karamiha'y nakapagpapaligalig nang minsan sa kanilang buhay: Ano ba ang naghihintay sa kabila ng kamatayan?
Sa pisyolohikal na antas, ang paglalakbay ng isang namatay ay lantad upang masaksihan ng lahat. Kung ang sanhi ng pagkamatay ay sa natural na paraan lamang,[2] ang puso ay hihinto sa pagtibok, ang mga baga ay hihinto sa paghinga, at ang mga selula ng katawan ay mawawalan ng dugo at oksihena. Ang paghinto ng daloy ng dugo sa mga paa at kamay sa kalaunan ay magdudulot sa mga ito ng pamumutla. Sa pagkawala ng oksihena, ang mga selula ay bahagyang hihinga ng sandali, na makagagawa ng lactic acid na nagiging sanhi ng rigor mortis – ang paninigas ng mga kalamnan ng bangkay. Pagkatapos, habang nagsisimulang maagnas ang mga selula, ang paninigas ay mawawala, ang dila ay uusli, ang temperatura ay bababa, ang balat ay mawawalan ng kulay, ang laman ay mabubulok, at pagpipyestahan ng mga uod - hangang sa matira na lamang ang natuyong ngipin at buto.
Tungkol naman sa paglalakbay ng kaluluwa pagkatapos ng kamatayan, magkagayon hindi ito isang bagay na maaaring masaksihan, o hindi rin maaaring masuri sa pamamagitan ng pang-agham na pagtatanong. Kahit na sa isang buhay na katawan, ang kamalayan, o kaluluwa ng isang tao ay hindi maaaring mapasailalim sa eksperimentong emperikal. Ito ay hindi abot sa kakayanan lamang ng tao. Kaugnay nito, ang konsepto ng Kabilang Buhay - isang buhay na lampas pa sa kamatayan, muling pagkabuhay, at ang Araw ng Pagsusulit; bukod pa sa pag-iral ng Banal, Makapangyarihan na Tagapaglikha, ang Kanyang mga anghel, tadhana, at iba pa - ay nasa ilalim sa paksa ng paniniwala sa nakalingid. Ang tanging paraan lamang kung saan malalaman ng tao ang anuman sa hindi nakikitang mundo ay sa pamamagitan ng banal na rebelasyon.
Habang anumang dinala sa atin mula sa Torah, ang Mga Awit, ang Ebanghelyo - ang mga banal na kasulatan na ipinahayag sa mga naunang propeta - lahat ay nagsasalaysay tungkol sa Kabilang Buhay, na sa pamamagitan lamang ng Huling kapahayagan ng Diyos sa sangkatauhan, ang Banal na Quran, na ipinahayag sa Kanyang Huling Propeta, Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala), na ating natututunan ang marami patungkol sa kabilang buhay. At ang Quran ay, mananatili magpakailanman, napangalagaan at hindi nabago ng mga kamay ng tao, ang pananaw na ibinibigay nito sa atin tungkol sa nakalingid na mundo ay, para sa mananampalataya, kasing totoo, tunay at tama ng anumang maaaring matutunan sa pamamagitan ng anumang pang-agham na pagsisikap (at walang puwang ang kamalian!).
"…Wala Kaming nakaligtaan sa Aklat; at sa kanilang Panginoon silang lahat ay titipunin." (Quran 6:38)
Kasabay sa tanong kung ano ang mangyayari pagkatapos nating mamatay, ay ang tanong na: Bakit tayo narito? Sapagka't kung talagang walang higit na layunin sa buhay (iyon ay, mas higit kaysa sa simpleng pamumuhay mismo), ang tanong na kung ano ang mangyayari pagkatapos ng kamatayan ay magiging akademiko, di kaya ay walang kahulugan. Ito ay kung tatanggapin muna ng sinuman na ang ating intelihenteng disenyo, ang paglikha sa atin, ay nangangailangan ng katalinuhan at taga-disenyo sa likod nito, isang Tagapaglikha na siyang hahatol sa atin sa mga ginawa natin, na ang buhay sa mundo ay nagdadala ng anumang makabuluhang kahulugan.
"Kayo ba ay nag-aakala na Amin lamang nilikha kayo sa paglalaro at kayo ay hindi muling magbabalik sa Amin? Samakatuwid kadakilaan sa Diyos, ang Tunay na Hari, ang katotohanan; walang ibang diyos maliban sa Kanya, ang Panginoon ng Dakilang Trono." (Quran 23:115-116)
Kung mayroon man, isang taong nakakaunawa ay mapilitang ipagpalagay na ang buhay sa mundo ay puno ng kawalang-katarungan, kalupitan at pang-aapi; na ang batas ng kagubatan, na matira ang matibay, ang mahalaga; na kung ang isa ay hindi mahanap ang kaligayahan sa buhay na ito, maging dahil sa kawalan ng materyal na ginhawa, pisikal na pag-ibig, o iba pang mga masasayang karanasan, kung gayon ang buhay ay walang kwenta. Sa katunayan, ito ay tumpak sapagkat ang isang tao na nawalan ng pag-asa sa mundong ito na may maliit, wala, o di-sakdal na pananampalataya sa kabilang buhay, ay maaari silang magpakamatay. Sa kabila ng lahat, ano pa ba ang mawawala sa hindi maligaya, hindi mahal at hindi kanais-nais; ang nasiraan ng loob, (desperadong) nalulumbay at nawalan ng pag-asa?![3]
"At sino naman ang nawalan ng pag-asa sa Habag ng kanyang Panginoon maliban lamang sa mga naligaw?" (Quran 15:56)
Kaya tatanggapin ba natin na ang ating kamatayan ay limitado lamang sa pisyolohikal na pagtatapos, o ang buhay ay produkto lamang ng bulag, na makasariling ebolusyon? Katiyakan, mayroong higit pa sa kamatayan, at saka sa buhay, kaysa dito.
MGA TALABABA:
- Ang mga pormal na panalangin ( mga salah ) ay kusang-loob na panalanging isinasagawa sa gabi pagkatapos ng huli ( isha ) at bago ang una ( fajr ) ng limang pang-araw araw na panalangin. Ang pinakamainam na oras upang gawin ang panalanging ito ay nasa huling ikatlong bahagi ng gabi.
- Bagaman ang puso ay mapapanatiling tumitibok sa artipisyal na paraan , at ang dugo ay artipisyal na dadaloy, kung ang utak naman ay patay, gayundin ang kabuuan nito.
- Ayon sa ulat ng United Nations na nagmamarka ng ‘World Suicide Prevention Day’, " Mas marami pang tao ang nagpapakamatay bawat taon kaysa sa pinagsamang bilang ng namamatay mula sa mga digmaan at pagpatay ng kapwa ... Mga 20 milyon hanggang 60 milyon ang sumusubok na kitilin ang kanilang sarili bawat taon, subalit halos isang milyon lamang ang nagtatagumpay sa kanila. " (Reuters, Setyembre 8, 2006)