Kaya anong ginawa nila? Tanungin natin si Rev. Dr. George L. Robertson. Sa kanyang aklat na “Where did we get our Bible?“ isinulat niya:
“Mula sa MSS. ng Banal na Kasulatan sa Griyego, nananatili doon ang sinasabing libo-libong magkakaiba-iba ... Tatlo o apat na partikular sa mga luma, kupas na, at hindi na kaaya-ayang mga dokumento ang bumuo sa pinaka sinauna at pinakamahahalagang kayamanan ng Simbahang Kristiyano, at samakatuwid ng espesyal na interes.“ Una sa listahan ni Rev. Richardson ay ang “Codex Vaticanus“ kung saan sinabi niya: “Ito marahil ang pinaka sinauna sa lahat ng Griyegong MSS na umiiral ngayon. Ito ay itinalaga bilang Codex 'B.' Noong 1448, dinala ito ni Pope Nicholas V sa Roma kung saan ito ay nanatili na mula noon, na pinangangalagaan ng mga opisyal ng papa sa Vatican Library. Ang kasaysayan nito ay maikli: Alam ni Erasmus noong 1533 ang pag-iral nito, ngunit siya o ang kanyang mga kahalili ay hindi pinahintulutan na pag-aralan ito... naging lubos na hindi magamit ng mga iskolar, hanggang si Tischendorf noong 1843, matapos ang ilang buwan ng pagkakaantala, ay pinayagan na makita ito sa loob ng anim na oras. Ang isa pang dalubhasa, na nagngangala`ng de Muralt noong 1844 ay binigyan din ng isang nakakayamot na pagsulyap rito sa loob ng siyam na oras. Ang kwento kung paano pinayagan si Dr. Tregelles ng mga awtoridad (na walang malay sa kanilang sarili) noong 1845 na makuha ang bawat pahina nito sa pamamagitan ng pagmememorya ng teksto, ay kamangha-mangha. Nagawa ito ni Dr. Tregelles. Siya ay pinayagan na patuloy na pag-aralan ang MS, sa mahabang panahon, ngunit hindi puwedeng hawakan o magtala. Sa katunayan, araw-araw habang pinapasok niya ang silid kung saan binabantayan ang mahalagang dokumento, kinakapkap ang kanyang mga bulsa at ang panulat, papel at tinta ay kinukuha mula sa kanya, kung sakaling dala niya ang mga naturang gamit. Ganunpaman, ang pahintulot na pumasok, ay naulit, hanggang sa wakas ay nakuha na niya at naisulat sa kanyang silid ang karamihan sa mga prinsipyo ng ibang pagbabasa ng pinaka sinaunang teksto na ito. Gayunpaman, kadalasan, sa proseso, kapag napapansin ng mga awtoridad ng papa na siya ay labis nang nahuhumaling sa isang seksyon, ilalayo nila ang MS. sa kanya at itutuon ang kanyang pansin sa ibang pahina. Kalaunan ay natuklasan nila na si Tregelles ay para na ring ninakaw ang teksto, at alam na ng mundo ng Bibliya ang mga lihim ng kanilang makasaysayang MS. Alinsunod dito, inutusan ni Pope Pius IX na dapat itong mai-litrato at mailathala; at ito ay nangyari, sa limang volume na lumabas noong 1857. Ngunit ang pagsisikap ay hindi kasiya-siyang natapos. Sa panahon na iyon si Tischendorf ay gumawa ng ikatlong pagtatangka upang makakuha ng pahintulot at suriin ito. Nagtagumpay siya, at kalaunan ay naglabas ng teksto ng unang dalawampung pahina. Sa wakas noong 1889-90, sa pahintulot ng papa, ang buong teksto ay inilitrato at naglabas ng mga eksaktong kopya, at inilathala upang ang isang kopya ng mga mamahaling quartos na maaaring makuha, at sa kasalukuyan ay nasa pagmamay-ari ng lahat ng mga pangunahing silid-aklatan sa mundo ng bibliya.“[1]
Ano ang kinakatakutan ng lahat ng mga Papa? Ano ang kinakatakutan ng Vatican bilang isang kabuuhan? Bakit ang konsepto ng paglabas sa publiko ng teksto ng kanilang pinaka sinaunang kopya ng Bibliya ay lubos na katakot-takot sa kanila? Bakit pakiramdam nila'y kinakailangang ibaon ang pinaka sinaunang kopya ng inspiradong salita ng Diyos sa isang madilim na sulok ng Vatican upang hindi kailanman makita ng mga mata sa labas? Bakit? Paano ang lahat ng libu-libong sa libu-libo na iba pang mga manuskrito na hanggang ngayon ay nananatiling nakalibing sa madilim na kailaliman ng mga kahadeyero ng Vatican na hindi kailanman nakita o napag-aaralan ng pangkalahatang masa ng Kakristyanuhan?
“(At alalahanin) nang tanggapin ng Allah ang matibay na Kasunduan mula sa kanila na binigyan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano) upang gawin ito (ang balita ng pagdatal ni Propeta Muhammad at ng karunungang pangrelihiyon) na maalaman at maging maliwanag sa sangkatauhan, at ito ay huwag itago, datapuwa’t itinapon nila ito sa kanilang likuran at dito ay bumili ng ilang kaabaabang pakinabang! At katotohanang pinakamasama ang kanilang binili.” (salin ng kahulugan ng Quran 3:187)
“Ipagbadya (O Muhammad sa sangkatauhan): 'O Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano)! Huwag kayong magmalabis sa hangganan ng inyong pananampalataya (sa pamamagitan ng pananalig sa bagay) na naiiba sa katotohanan, at huwag ninyong sundin ang walang kapararakang pagnanais ng mga tao na napaligaw noong una, at naglihis sa marami, at nagligaw (sa kanilang sarili) sa Tamang Landas.'“ (salin ng kahulugan ng Quran 5:77)
Sa pagbabalik sa ating pag-aaral ng ilan sa mga “pagkakaiba“ na matatagpuan sa pagitan ng ating mga modernong Bibliya at sa pagitan ng mga pinaka sinaunang kopya ng Bibliya na magagamit ng mga piling tao, malalaman natin na ang talata sa Lucas 24:51 ay naglalaman ng di-umano'y ulat ni Lucas tungkol sa huling paglisan ni Hesus (mapasakanya ang kapayapaan at habag ng Tagapaglikha) at kung paano siya “iniakyat sa langit.“ Gayunpaman, tulad ng nakikita sa mga naunang pahina, sa Codex Sinaiticus at iba pang mga sinaunang manuskrito ang mga salitang “at dinala sa langit“ ay ganap na nawawala. Ang talata ay nagsasaad lamang na:
“At nangyari, na samantalang sila'y binabasbasan niya, ay iniwan niya sila.”
Napansin ni C.S.C. Williams, kung tama ang pagbabawas na ito, “walang anumang sanggunian sa orihinal na teksto ng Ebanghelyo ukol sa Pag-akyat sa langit.“
Ang ilan pang “inspiradong“ pagbabago ng Simbahan sa Codex Sinaiticus at ang ating mga modernong Bibliya:
· Ang Mateo 17:21 ay nawawala sa Codex Sinaiticus.
· Sa mga modernong Bibliya, mababasa sa Marcos 1:1 “Ang simula ng Magandang Balita tungkol kay Hesu-Kristo, ang snak ng Diyos;“ gayunpaman, sa pinakaluma sa lahat ng mga manuskritong Kristiyano, mababasa lamang sa talatang ito ang “Ang simula ng Magandang Balita tungkol kay Hesu-Kristo“ Nakakapagduda, ang mismong mga salita na pinaka-sumasalungat sa Qur'an ng mga Muslim, “ang anak ng Diyos,“ ay ganap na nawawala. Hindi ba iyon interesante?
· Ang mga salita ni Hesus sa Lucas 9: 55-56 ay nawawala.
· Ang orihinal na teksto sa Mateo 8: 2 na tulad ng matatagpuan sa Codex Sinaiticus ay nagsasabi sa atin na may isang ketongin na humiling kay Hesus na pagalingin siya at si Hesus ay “galit na iniunat ang kanyang kamay, at hinawakan siya, na nagsasabing, gagawin ko; maging malinis ka. ” Sa ating modernong Bibliya, ang salitang “galit“ ay kataka-takang wala.
· Ang Lucas 22:44 sa Codex Sinaiticus at ang mga modernong Bibliya ay nagsasabing isang anghel ang nagpakita sa harap ni Hesus, na pinalakas siya. Sa Codex Vaticanus, ang anghel na ito ay kataka-takang wala. Kung si Hesus ay ang “anak ng Diyos“kung gayon malinaw naman na hindi naaangkop sa kanya na mangailangan ng isang anghel upang palakasin siya. Kung gayon, ang talatang ito ay maaring pagkakamali sa pagkakasulat. Tama ba?
· Ang sinasabing mga salita ni Hesus sa krus na “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila alam kung ano ang kanilang ginagawa“ (Lucas 23:34) ay orihinal na naroroon sa Codex Sinaiticus ngunit kalaunan ay tinanggal mula sa teksto ng ibang patnugot. Tandaan kung paano itinuring at pinakitunguhan ng Simbahan ang mga Hudyo sa Middle Ages, makakaisip ba tayo ng anumang kadahilanan kung bakit ang talatang ito ay maaaring humadlang sa patakaran ng opisyal na Simbahan at sa kanilang “mga pagsisiyasat“?
· Ang Juan 5: 4 ay nawawala mula sa Codex Sinaiticus.
· Sa Marcos ika-9 na kabanata, ang mga salitang “Doo'y hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila at ang apoy“ ay muling nawawala.
· Sa Mateo 5:22, ang mga salitang “walang dahilan“ ay nawawala sa parehong codex Vaticanus at Sinaiticus.
· Ang Mateo 21:7 sa mga modernong Bibliya ay mababasa “Kinuha nila [mga disipulo] ang asnong babae at ang batang asno. Pagkatapos, ipinatong nila sa likod ng mga ito ang kanilang mga damit at [si Hesus ay] isinakay nila sa mga ito“. Sa orihinal na mga manuskrito, mababasa ang talatang ito “at [si Hesus ay] isinakay nila sa mga ito“. Gayunpaman, ang paglalarawan kay Hesus sa pag-upo sa dalawang hayop nang sabay at paghiling na sakyan sila agad ay tututulan ng ilan, kaya't ang talatang ito ay binago sa “at sila ay inilagay [si Jesus] sa kanya“ (aling “kanya“?). Di-nagtagal, ganap na naiwasan ang problemang ito ng Ingles na salin sa pamamagitan ng pagsasalin nito bilang “doon.“
· Sa Marcos 6:11, ang mga modernong Bibliya ay naglalaman ng mga salitang “Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Higit na mabigat ang parusa sa lungsod na iyon kaysa sa parusa sa Sodoma at Gomora sa araw ng paghuhukom.“ Gayunpaman, ang mga salitang ito ay hindi mahahanap sa alinman sa dalawang pinaka sinaunang mga manuskritong Kristiyanong Biblikal, ito ay ipinakilala lamang sa teksto matapos ang ilang siglo.
· Ang mga salita sa Mateo 6:13 “Sapagkat iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailanman“ Ay hindi matatagpuan sa dalawang pinaka sinaunang mga manuskrito gayun na rin ang marami pang iba. Ang mga magkakatulad na sipi sa Lucas ay may depekto din.
· Sa Mateo 27:35 sa mga modernong Bibliya ay naglalaman ng mga salitang “Ito ay upang matupad ang sinabi ng propeta na sinasabi: Pinaghati-hatian nila ang aking damit at nagpalabunutan sa aking kasuotan“ Ang talatang ito, sa muli, ay hindi matatagpuan ayon kay Rev. Merrill sa anumang Biblikal na manuskrito na bago pa ang ikasiyam na siglo.
· Sa 1 Timoteo 3:16 ay orihinal na mababasa na “At walang pagtatalo, dakila ang hiwaga ng kabanalan; Yaong nahayag sa laman.“ Ito ay kalaunang (tulad ng nakita dati), malalang pinalitan ng “At walang pagtatalo, dakila ang hiwaga ng kabanalan; Yaong nahayag sa laman....“ Sa gayon, sumibol ang doktrina ng “pagkakatawang-tao“.
TALABABA:
- “Where did we get our Bible?”, Rev. Dr. George L. Robertson. Harper and Brothers Publishers, pp.110-112