Ang Kawalang-hanggan ng Kabilang Buhay

         Ang kasiyahan sa mundong ito ay lumilipas habang ang mga kagalakan sa kabilang buhay ay walang katapusan at walang hanggan. Sa buhay na ito kapag ang isang tao ay nasisiyahan sa isang bagay, ito ay panandalian lamang bago sila mainip dito at magpatuloy upang maghanap ng isang bagay na sa palagay nila ay mas mabuti, o sa kabuuan ay  maaaring hindi nila naramdaman ang pangangailangan dito. Para sa mga kasiyahan sa Paraiso, ang isang tao ay hindi kailanman makakaramdam ng anumang pagka-inip, sa halip, ang kagandahan nito ay madadagdagan sa tuwing magsasagawa sila nito.

       Gayundin, ang buhay ng mundong ito ay napakaikli. Ang mga tao ay nabubuhay lamang sa mundong ito sa isang maikling panahon, at kakaunting lang ang umaabot sa edad na pitumpu.

“…Sabihin mo: Ang kasiyahan sa mundong ito ay maikli lamang.  Ang kabilang buhay ay (mas) mainam sa sinumang may takot sa Diyos...” (Quran 4:77)

At sa Paraiso, ang mga tao ay mabubuhay magpakailanman. Sinabi ng Diyos:

“...ang panustos dito ay di nasasaid at gayon din ang lilim nito…” (Quran 13:35)

“Anumang nasa iyo ay mawawala, at anumang nasa Diyos ay mananatili …” (Quran 16:96)

“(Sa kanila ay ipagbabadya): Ito ang Aming Panustos, na kailanma'y hindi magmamaliw.” (Quran 38:54)

Nakahihigit na Kasiyahan 

Ang kasiyahan ng mga tao sa Paraiso, tulad ng kanilang kasuotan, pagkain, inumin, alahas at mga palasyo, ay magiging mas higit sa kanilang kahalintulad sa mundong ito. Sa katunayan ay walang puwang para sa paghahambing, kahit na ang pinakamaliit na ispasiyo sa Paraiso ay mas mahusay kaysa sa mundong ito at lahat ng nakapaloob nito. Si Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala ng Diyos, ay nagsabi:

“Ang puwang ng pagyuko ng sinuman sa inyo sa Paraiso ay higit pa sa lahat ng sinisikatan ng araw.” (Mishkaat al-Masaabeeh 3/85, no. 5615)

Malaya mula sa lahat ng Karumihan

Ang Paraiso ay malaya mula sa lahat ng mga karumihan sa mundong ito. Ang pagkain at pag-inom sa buhay na ito ay nagreresulta sa pangangailangang magbawas at nauugnay sa hindi kanais-nais na mga amoy. Kung ang isang tao ay umiinom ng alak sa mundong ito, nawawala ang kanyang katinuan. Ang mga kababaihan sa mundong ito ay nireregla at nanganganak, na pinagmumulan ng sakit at kirot. Ang Paraiso ay malaya mula sa lahat ng mga paghihirap na ito: ang mga tao na mananahan rito ay hindi iihi, dudumi, dudura o magdurusa mula sa sipon. Ang alak sa Paraiso, tulad ng inilarawan ng Lumikha nito, ay:

“Puting animo'y kristal, masarap para sa mga umiinom (doon), walang pagkalasing, at hindi rin sila magdurusa sa pagkalasing doon.” (Quran 37:46-47)

Ang tubig ng Paraiso ay hindi nagiging maalat, at ang gatas nito ay hindi kailanman nagbabago ng lasa:

“...mga ilog ng tubig na hindi nagbabago ang lasa; mga batis ng gatas na kung saan ang lasa ay hindi nagbabago...” (Quran 47:15)

Ang mga kababaihan ng Paraiso ay dalisay at malaya mula sa buwanang pagdurugo, pagdurugo pagkatapos ng panganganak at lahat ng iba pang mga karumihan na dinanas nila sa mundong ito, lahat ay malaya mula sa dumi ng tao. Sinabi ng Diyos:

“...at magkakaroon sila ng busilak na mga kabiyak…” (Quran 2:25)

Sumagot ang propeta sa isang tao nang tanungin nila kung paano mapapaginhawa ng mga tao sa Paraiso ang kanilang sarili:

“Pinapaginhawa nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagpapawis mula sa kanilang balat, at ang halimuyak nito ay magiging kapareho ng musk, at lahat ng mga tiyan ay magiging payat.” (ibn Hibbaan)

Ang ating nabanggit ay isang simpleng paghahambing lamang upang maunawaan ang likas na katangian ng Paraiso, ngunit tulad ng sinabi ng Diyos, ang mga kasiyahan nito ay tunay na nakakubli:

“Walang sinuman ang nakakaalam kung ano ang ikinukubli para sa kanila na kagalakan, bilang gantimpala sa kanilang mga mabubuting ginawa.” (Quran 32:17)

Paraiso: Walang Katulad nito

Ang mga kasiyahan ng Paraiso ay mas higit sa imahinasyon at lampas sa paglalarawan. Ang mga ito ay wala sa kaalaman ng mga tao sa mundong ito; kahit gaano pa tayo umunlad, ang nakamit natin ay hindi maikukumpara sa mga kagalakan sa Kabilang Buhay. Tulad ng nabanggit sa maraming ulat, walang katulad ang Paraiso:

“Ito ay nagniningning na ilaw, mahalimuyak na halaman, isang matayog na palasyo, isang dumadaloy na ilog, hinog na prutas, isang magandang asawa at maraming kasuotan, sa isang walang hanggan na tahanan ng masidhing kagalakan, sa maganda't mataas na bahay na mahusay na binuo”. (Ibn Maajah, Ibn Hibbaan)

Tinanong ng mga Sahabah ang Propeta tungkol sa mga gusali ng Paraiso at tumugon siya ng may isang kahanga-hangang paglalarawan:

“Mga ladrilyo ng ginto at pilak, at pangdikdik ng mabangong musk, mga bato ng perlas at sapiro, at lupa ng asapran. Sinumang pumapasok dito ay mapupuno ng kagalakan at hindi makakaramdam ng kalungkutan; siya ay mananahan doon magpakailanman at hindi mamamatay; ang kanilang mga kasuotan ay hindi maluluma at ang kanilang kabataan ay hindi magbabago.” (Ahmad, at-Tirmidhi, ad-Daarimee)

Sabi ng Diyos:

“At kapag tumingin ka doon (sa Paraiso) makikita mo ang kasiyahan (na hindi kayang hagapin ng isipan), at isang Dakilang Paghahari.” (Quran 76:20)

Ang ikinubli ng Diyos sa atin na mga kasiyahan sa Paraiso ay higit sa kakayahan nating maunawaan. Sinabi ng Propeta na sinabi ng Diyos:

“Inihanda ko para sa Aking mga alipin ang hindi pa nakita ng mata, hindi pa narinig ng tainga at hindi pa  naisip ng tao. " Bigkasin kung nais mo:

“Walang kaluluwa ang nakakaalam kung ano ang kaginhawaan ng mga mata na inilingid sa kanila, bilang gantimpla sa kinahiratihan na nilang ginagawa.” (Quran 32:17)

Sa ibang ulat:

“Huwag alalahanin ang sinabi sa iyo ng Diyos; ang hindi Niya nasabi sa iyo ay mas higit.” (Saheeh Muslim)

Sa ibang mga artikulo, susubukan nating banggitin ang ilan sa mga tiyak na mga detalye ng Paraiso at ang mga kasiyahan na inilarawan sa atin ng Diyos at ng Kanyang huling Propeta.