Sa kanyang unang sulat kay Timoteo, sinulat ni Pablo: ”Inaatasan kita sa harap ng Diyos at ni Kristo Hesus, at ng mga anghel na hinirang, na iyong sundin ang mga bagay na ito na walang kinikilingan...” (1 Timoteo 5:21).
Mula rito ay malinaw na ang titulong Diyos ay hindi para kay Kristo-Hesus, kundi sa iba. Sa mga sumusunod na kabanata, muli niyang pinakita ang kaibahan sa pagitan ng Diyos at ni Hesus nang sabihin niya: ”Sa harapan ng Diyos na nagbibigay ng buhay sa lahat ng mga bagay, at ni Kristo Hesus na nagpatotoo ng mabuting pagpapahayag sa harapan ni Poncio Pilato...” (1 Timoteo 6:13).
At nagpatuloy si Pablo sa pagsasalita patungkol sa ikalawang pagbabalik ni Hesus: "Sa pagpapakita ng ating Panginoong Hesu-Kristo; na ipahahayag ng Diyos sa takdang panahon..." (1 Timoteo 6:14-15).
Muli, ang titulong 'Diyos' ay sinasadyang ilayo mula kay Hesus. Nagkataon na, marami sa mga tao ang nag-aakala na nang si Hesus ay tinawag sa Bibliya bilang 'Panginoon', ito ay nangangahulugan na 'Diyos'. Ngunit sa Bibliya, ang titulong ito ay nangangahulugang amo o guro, at ito ay maaring gamiting pantukoy sa mga tao (tingnan sa 1 Pedro 3:6).
Magkagayunpaman, ang mas mahalaga dito, ay ang bigyang-pansin ang sinabi ni Pablo patungkol sa Diyos sa mga sumusunod na pahayag, na malinaw na nagpapakitang si Hesus ay hindi Diyos: "Ang Diyos na mapagpala at tanging Makapangyarihan, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. Siya lamang ang walang kamatayan at nananahan sa liwanag na di-malapitan! Walang taong nakakita o makakakita sa kanya. Sumakanya nawa ang karangalan at paghaharing walang hanggan." (1 Timoteo 6:15-16).
Sinabi ni Pablo na ang Diyos lamang ang walang kamatayan. Ang walang kamatayan ay nangangahulugan na hindi Siya namamatay. Suriin sa alinmang diksyonaryo. Ngayon, sinumang naniniwala na si Hesus ay namatay ay hindi maaaring naniniwala din na si Hesus ay Diyos. Ang ganitong uri ng paniniwala ay sumasalungat sa sinabi ni Pablo dito. Karagdagan pa dito, ang sabihin na ang Diyos ay namatay ay isang kalapastanganan sa Diyos. Sino ang mamamahala sa mundo kung ang Diyos ay namatay? Naniniwala si Pablo na ang Diyos ay hindi namamatay.
Sinabi rin ni Pablo sa pahayag na yaon na ang Diyos ay nananahan sa liwanag na 'di-malapitan — na wala pang sinuman ang nakakita sa Diyos o makakakita sa Kanya. Alam ni Pablo na marami sa libo-libong mga tao ang nakakita kay Hesus. Ngunit sinabi ni Pablo na wala pang sinuman ang nakakita sa Diyos, dahil sigurado si Pablo na si Hesus ay hindi Diyos. Ito ang dahilan kung bakit nagpatuloy si Pablo sa pangangaral na si Hesus ay hindi Diyos, ngunit siya ang Kristo (tignan sa Mga Gawa 9:22 at 18:5).
Noong siya ay nasa Athenas, si Pablo ay nagsalita patungkol sa Diyos bilang “Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto, siya na Panginoon ng langit at ng lupa, ay hindi tumitira sa mga templong ginawa ng tao...“ (Mga Gawa 17:24). Pagkatapos ay kanyang tinukoy si Hesus bilang “...lalaking kanyang itinalaga“ (Mga Gawa 17:31).
Malinaw, para kay Pablo, si Hesus ay hindi Diyos, at magugulat siyang makita na ang kanyang mga kasulatan ay ginagamit sa pagpapatunay sa isang bagay na kabaliktaran ng kanyang pinaniniwalaan. Si Pablo ay tumestigo pa sa husgado at nagsabi: “Pero inaamin kong sinasamba ko ang Dios ng aming mga ninuno ...“ (Mga Gawa 24:14).
Sinabi rin niya na si Hesus ay ang lingkod ng naturang Diyos, mababasa natin sa Aklat ng Mga Gawa: “Niluwalhati ng Diyos ni Abraham, ng Diyos ni Isaac, at ng Diyos ni Jacob, at ng Diyos ng ating mga ninuno ang kanyang lingkod na si Hesus...“ (Mga Gawa 3:13).
Para kay Pablo, ang Ama lamang ang Diyos. Sinabi ni Pablo na mayroong “isang Diyos at Ama ng lahat...“ (Efeso 4:6). Sinabing muli ni Pablo: “may isang Diyos, ang Ama...at may isang Panginoon, si Hesu-Kristo“ (1 Corinto 8:6).
Ang sulat ni Pablo sa mga taga-Filipos (Felipos 2:6-11) ay madalas gamitin bilang patunay na si Hesus daw ay Diyos. Ngunit ang mismong sipi ay nagpapakita na si Hesus ay hindi Diyos. Ang sipi na ito ay dapat na umayon sa nakasaad sa Isaias 45:22-24 kung saan sinabi ng Diyos na luluhod ang bawat tuhod, susumpa ang bawat dila na ang pagiging makatuwiran at kalakasan ay nasa Diyos lamang. Batid ni Pablo ang sipi na ito, dahil sa kanyang sinabi sa Roma 14:11. Sa kaalamang ito, inihayag ni Pablo: “Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama.“ (Efeso 3:14)
Ang sulat sa mga Hebreo (Hebreo 1:6) ay nagsasabi na ang mga anghel ng Diyos ay dapat sumamba sa anak. Ngunit ang sipi na ito ay nagdedepende sa Deuteronomio 32:43, sa Septuagint na bersyon ng Lumang Tipan. Ang pariralang ito ay hindi na matatagpuan sa Lumang Tipan na ginagamit ng mga Kristiyano sa panahon ngayon, at ang Septuagint na bersyon ay hindi na itinuturing na may bisa ng mga Kristiyano. Gayunpaman, maging ang Septuagint na bersyon, ay hindi nagsasaad na sumamba sa anak. Isinasaad nito na hayaan ang mga anghel ng Diyos na sumamba sa Diyos. Iginigiit ng Bibliya na ang Diyos lamang ang sasambahin: "Nang ang DIYOS ay nakipagtipan sa kanila at inutusan sila, “Kayo'y huwag matatakot sa ibang mga panginoon, o magsisiyukod man sa kanila, o maglilingkod man sa kanila, o maghahandog man sa kanila; kundi matakot kayo sa Diyos, na Siyang naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto na may dakilang kapangyarihan at may nakaunat na kamay. Luluhod kayo sa Kanya, at sa Kanya kayo maghahandog. Ang mga tuntunin, mga batas, ang kautusan, at ang utos na Kanyang sinulat para sa inyo ay lagi ninyong maingat na gawin. Huwag kayong matakot sa ibang mga panginoon, at huwag ninyong kalilimutan ang tipan na Aking ginawa sa inyo. Huwag kayong matakot sa ibang mga panginoon, kundi matakot kayo sa Diyos na inyong Panginoon at Kanyang ililigtas kayo sa kamay ng lahat ng inyong mga kaaway.” (2 Mga Hari 17:35-39).
Si Hesus, mapasakanya ang kapayapaan, ay naniniwala rito, dahil kanya rin itong binigyang-diin ayon sa Lucas 4:8. At si Hesus din ay nagpatirapa sa lupa at sumamba sa Diyos (Tingnan sa Mateo 26:39). Alam ni Pablo na si Hesus ay sumamba sa Diyos (tingnan sa Hebreo 5:7). Ipinangaral ni Pablo na si Hesus ay mananatiling tapat na lingkod ng Diyos habang-buhay (tignan sa 1 Corinto 15:28).