Nararapat paniwalaan na ang buhay sa mundong ito ay may hangganan o may katapusan.
Ang Allah ay nagsabi;
"Ang lahat ng anumang naririto (nasa kalupaan) ay maglalaho."
Qur'an, Kabanata Ar-Rahmaan, 55:26;
Kapag naisin ng Allah na ang mundong ito ay magwakas, ipag-uutos ng Allah sa Anghel Israafeel na kanyang hipan ang tambuli o trumpeta. Magkagayon, ang lahat ay mamamatay. Pagkatapos ay Kanyang ipag-uutos na kanyang muling hipan ito, at ang lahat ng tao mula sa kanilang libingan ay bubuhaying muli sa mismong sariling katawan, mula sa kapanahunan ni Adan .
Ang Allah ay nagsabi,
"At kung ang Tambuli ay hihipan, at lahat ng nasa mga kalangitan at lahat ng nasa kalupaan ay maglalaho, maliban sa kanya na ninais ng Allah. At muling hihipan sa ikalawang pagkakataon, at pagmasdan! Sila ay magsisitindig, na nakatitig (naghihintay)."
Qur'an, Kabanata Az-Zumar, 39:68;
Ang Iman (paniniwala) sa Huling Araw ay kinabibilangan ng paniniwala sa lahat ng bagay na ipinabatid ng Allah at ng Kanyang Sugo sa atin. Ang mga bagay na ito ay binubuo ng mga sumusunod;
1)Ang Paniniwala Sa Buhay Sa 'Barzakh'; ito ay magsisimula sa oras ng kamatayan ng tao hanggang sa Huling Araw na ang Takdang Oras ay magaganap. Sa panahong nasa Barzakh, ang isang mabuting Mananampalataya ay mabubuhay sa gitna ng kaligayahan at kasiyahan, samantalang ang mga walang pananampalataya ay mapaparusahan.
Ang Allah ay nagsabi,
"Sa Apoy, sila ay isasalab dito, umaga at hapon. At sa Araw na yaon kapag ang (Takdang) Oras ay inihudyat na (ito ay sasabihin sa mga anghel): “Ilagay ninyo ang mga mamamayan ni Fir’awn (Paraon) sa pinakamahapding parusa.(1)”
Qur'an; Kabanata Al-Ghaafir, 40:46;
2) Ang Paniniwala Sa Pagkabuhay Muli. Ito ang araw na bubuhaying muli ng Allah ang lahat ng kanyang mga nilikha, na walang saplot sa katawan, nakayapak at hindi tuli.
Ang Allahay nagsabi,
"Silang Kafirun ay nag-aakala na sila ay hindi bubuhaying muli (sa Araw ng Paghuhukom). “Sabihin mo (O Muhammad) ako ay sumusumpa sa aking Rabb (Panginoon), na katiyakang kayo ay bubuhaying muli: at pagkaraan, sa inyo ay ipagbibigay-alam ang anumang inyong ginawa at yaon ay sadyang napakadali sa Allah.”
Qur'an, Kabanata At-Taghaabun 64:7;
3) Ang Paniniwala Sa Araw Ng Pagtitipon. Ang lahat ng nilikha ay titipunin
ng Allah para sa pagsusulit. Ang Allah ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Kahf, 18:47; "At (alalahanin) ang Araw na Aming papangyarihin na ang kabundukan ay gumuho (na tulad ng lumulutang na alikabok), at inyong makikita ang kalupaan na tulad ng pinatag na lupa, at sila ay Aming titipunin nang sama-sama upang walang maiwan kahit ni isa."
4) Ang Paniniwala Na Ang Tao Ay Ihaharap Sa Allah Na Magkakahanay.
Ang Allahay nagsabi,
"At sila ay ihaharap sa iyong Rabb (Panginoon) sa mga hanay, (at ang Allah ay magpapahayag); 'Ngayon, katotohanang kayo ay dumating sa Amin na tulad nang unang paglikha Namin sa inyo…"
Qur'an, Kabanata Al-Kahf, 18:48;
5)Ang Paniniwala Na Bawa't Bahagi Ng Katawan ng Tao Ay Sasaksi Sa Kanyang Sariling Gawa.
Ang Allah ay nagsabi,
"Hanggang, kung kanilang marating ito (ang Apoy ng Impiyerno) ang kanilang mga pandinig (tainga) at ang kanilang mga mata, at ang kanilang mga balat ay sasaksi laban sa kanila hinggil sa anumang kanilang palagiang ginagawa. At sila ay mangungusap sa kanilang sariling balat, “Bakit kayo sumasaksi laban sa amin ? Sila (mga balat nila) ay magsasalita: “Sapagka't pinapangyari ng Allah na kami ay magsalita tulad ng lahat ng bagay na pinapangyari Niyang (magkaroon ng kakayahang) magsalita: At Siya ang lumikha sa inyo (sa unang pagkakataon) at sa Kanya (rin), kayo ay ginawang manumbalik. At hindi lamang ninyo ninais na itago ang inyong mga sarili (sa mundo), baka ang inyong mga tainga, at mga mata, at ang inyong mga balat ay sumaksi laban sa inyo; subali’t inyong inaakala na hindi gaano nababatid ng Allah ang lahat ng inyong mga gawa."
Qur'an, Kabanata Al-Fussilat, 41:20-22;
6) Ang Paniniwala Sa Pagtatanong.
Ang Allah ay nagsabi,
"Nguni't, sila ay patigilin, katotohanan, sila ay tatanungin: Ano ang nangyayari sa inyo? Bakit hindi kayo magtulungan sa isa’t isa (na tulad ng ginagawa ninyo noon sa mundo)?” Ahh, nguni't, sa Araw na yaon, sila ay mangayuyupapa."
Qur'an, Kabanata As-Saaffaat, 37:24-26;
7)Ang Paniniwala Sa Siraat ('Tulay'), na ang lahat ay tatawid sa ibabaw nito.
Ang Allah ay nagsabi,
"At walang sinuman sa inyo ang hindi magdaraan (tatawid) sa ibabaw nito (Impiyerno); ito ay nasa kapasiyahan ng iyong Rabb (Panginoon), itinakda na kapasiyahan ng iyong Rabb (Panginoon) na marapat matupad."
Qur'an, Kabanata Maryam, 19:71;
8) Ang Paniniwala Sa Timbangan Ng Mga Gawa. Ang Allah ay mananawagan sa lahat ng tao upang magsulit at bigyan ng gantimpala yaong gumawa ng kabutihan nang dahil sa kanilang Iman (pananampalataya) at pagsunod sa kanilang Sugo, at Kanyang parusahan yaong gumawa ng mga kasamaan.
Ang Allah ay nagsabi,
"At Aming itatatag ang mga timbangan ng Katarungan sa Araw ng Pagkabuhay Muli, kaya't walang sinuman ang hahatulan ng kawalang katarungan sa anupamang bagay. At kung mayroon mang (gawa) na ang timbang (ay kasingbigat) ng isang buto ng mustasa, ito ay Aming ibibigay. At Kami ay Sapat bilang Tagapagsingil."
Qur'an, Kabanata Al-Anbiyaa, 21:47;
9) Ang Paniniwala Sa Pag-abot Ng Talaan At Mga Aklat.
Ang Allah ay nagsabi,
"Kaya't sinuman ang pagkalooban ng kanyang Talaan sa kanyang kanang kamay. Siya ay tiyak na bibilangan sa pinakamagaan na pagbibilang. At siya ay magbabalik sa kanyang angkan (na kapwa nananampalataya) nang may kagalakan. Nguni't sinuman ang pagkalooban ng kanyang Talaan sa kanyang likuran. Tiyak na kanyang hihilingin (o ipakikiusap) ang sariling kapahamakan (ng kanyang kaluluwa). At (siya ay) papapasukin sa naglalagablab na Apoy (at ipalalasap sa kanya ang hapdi (ng paso) ng pagkasunog."
Qur'an, Kabanata Al-Inshiqaaq, 84:7-12;
10) Ang Paniniwala Na Ang Mga Tao Ay Gagantimpalaan Ng Jannah (Paraiso) o Ng Jahannam (Impiyerno) na doo'y mananahan nang walang hanggan.
Ang Allah ay nagsabi,
"Katotohanan, silang Kafirun mula sa mga Angkan (na pinagkalooban) ng Kasulatan (Hudyo at Kristiyano) at sa Mushrikun,(2)sila ay mamamalagi roon sa Impiyerno, sila ang pinakamasama sa mga nilikha, Katotohanan, silang naniniwala at gumagawa ng mabuti, sila ang pinakamabuti sa mga nilikha. Ang kanilang gantimpala mula sa kanilang Rabb ay ang Paraisong Ad'n (Eden, walang hanggan) na sa ilalim nito ay may mga ilog na umaagos, na kung saan sila ay mananahan doon magpakailanman. Ang Allah ay lubos na masisiyahan sa kanila at sila rin ay masisiyahan sa Kanya. Ito ay (gantimpala) para sa kanya na may takot sa kanyang Rabb."
Qur'an, Kabanata Al-Bayyinah, 98:6-8;
11) Ang Paniniwala Sa 'Hawd' (3)At Shafaa'h (Pamamagitan) ([Intercession]) at sa lahat ng bagay na ipinahayag ng Sugo ng Allah .
Ang Mga Mabubuting Bunga ng Paniniwala sa Huling Araw
1) Ang magkaroon ng paghahanda sa Huling Araw tulad ng paggawa ng tuluy-tuloy na kabutihan at pagpapaligsahan sa mga ito, pumipigil at iniiwas ang sarili sa paggawa ng mga kasalanan dahil sa takot sa kaparusahan.
2)Ang magbigay ng inspirasyon sa mga Mananampalataya; sapagka't kung sila man ay hindi nagkaroon ng magandang buhay sa mundong ito, sila ay gagantimpalaan ng Allah nang higit na kaginhawahan at kasiyahan sa Kabilang Buhay.
3)Ang makilala at bigyang pagkakaiba ang mga tapat na Mananampalataya sa mga hindi nananampalataya.
Ang Paniniwala sa 'Qadaa' at 'Qadar'(4)
Nararapat paniwalaan na nababatid ng Allah ang lahat ng bagay bago pa man likhain ang mga ito at kung ano ang mangyayari o magiging kahihinatnan nila pagkaraan. Magkagayon, nilikha Niya ang lahat ayon sa Kanyang walang hanggang Kaalaman at Kasukatan (anyo, hubog, kulay, kalagayan at iba pa).
Ang Allah ay nagsabi,
"Tunay na Aming nilikha ang lahat ng bagay na may kaukulang Qadar (tadhana na itinakda sa lahat ng bagay bago pa man sila likhain at ito ay nakatala sa Al-Lauh Al-Mahfouz, ang Iniingatang Talaan ng mga Gawa)."
Qur'an, Kabanata Al-Qamar, 54:49;
Lahat ng pangyayaring naganap sa nakaraan, ang mga nangyayari sa kasalukuyan at ang mga mangyayari sa hinaharap ay ganap na nababatid ng Allah bago pa man ito naganap. Pagkaraan, nilikha Niya ang lahat ng may buhay ayon sa Kanyang Kapahintulutan at Kasukatan.
Ang Sugo ng Allah ay nagsabi;
"Ang isang tao ay hindi itinuturing bilang Muslim maliban na siya ay maniwala sa Qadar, ang mabuti at masamang kinahinatnan. Dapat niyang malaman na anuman ang nangyari sa kanya ay nakatakda at hindi ito maiiwasan o malalagpasan (samakatuwid, sadyang nakatakdang mangyari para sa kanya), at anuman ang kanyang (inaakalang) nalagpasan o naiwasan ay sadyang hindi nakatakda na mangyayari sa kanya."
(Inilahad ni Tirmidhi)
Ang Paniniwala sa Qadar ay nangangahulugan ng Paniniwala sa apat na sumusunod;
1)Ang maniwala na lubos na nababatid ng Allah ang lahat ng bagay na nangyayari at ang Kanyang Kaalaman ay nakapalibot sa lahat ng bagay at walang nakalingid sa Kanya kailanman.
2)Ang maniwala na naitala na ng Allah ang lahat ng bagay na mangyayari at ito ay pinangangalagaan at iniingatan sa 'Al-Lawh Al-Mahfuz' (Ang Iniingatan Talaan).
Ang Propeta ay nagsabi;
"Ang unang nilikha ng Allah ay ang Panulat, at sinabi dito, "Ikaw ay magsulat…" at sumagot, 'Ano ang aking isusulat?' "Isulat mo ang lahat ng mangyayari hanggang sa Araw ng Pagkabuhay Muli."
(Iniulat ni Abu Dawood)
3)Ang maniwala na walang pangyayari ang magaganap sa mga kalangitan o maging sa kalupaan maliban na ito ay sa Kapahintulutan ng Allah at anuman ang hindi Niya pinahintulutan ay hindi magaganap o mangyayari.
4)Ang maniwala na ang Allah ang Siyang lumikha sa lahat ng bagay. Walang ibang Manlilikha bukod sa Kanya, o walang ibang Rabb (Panginoon) bukod sa Kanya (5) .
Ang paniniwalang ito ay hindi sumasalungat sa katotohanan na ang isang tao ay nararapat na magpunyagi upang makamtan niya ang kanyang minimithi. Upang maipaliwanag ito, kung ang isang tao ay nagnanais na magka-anak, kinakailangan niyang gawin ang mga bagay na nararapat upang makamtan niya ang kanyang minimithing layon; tulad halimbawa na siya ay dapat na mag-asawa. Pagkaraang magawa niya ang lahat ng nararapat gawin, siya ay maaaring pagkalooban ng anumang kanyang nais o hindi. Sa ganitong dahilan, ang tao ay makapag-iisip na kung ano ang kanyang ginawa upang makamtan ang kanyang minimithing layunin, ito ay hindi sapat o tunay na dahilan bagkus ang katuparan ng minimithing layunin ay nasa kapahintulutan ng Allah . At ang tunay na katuparan ng ating mga layunin ay nakapaloob sa Takda ng Allah .
Ang Propeta ay nagpaliwanag nang magtanong ang kanyang mga Sahaabah;
"'O Sugo ng Allah, ang mga Ayat (talata) ng Qur'an na aming binibigkas at ang aming mga panalangin at ang mga gamot na aming iniinom para sa aming lunas ay magpapabago ba sa Qadar ng Allah? Siya ay sumagot, 'Ang mga ito ay mula sa Takda (Qadar) ng Allah.'"
(Iniulat ni Hakim)
Ang Mga Mabubuting Bunga ng Paniniwala sa Qadaa at Qadar
1) Higit na maging matibay at matatag ang pagtitiwala sa Allah (sa pag-asang makamtan ang mga minimithi) pagkaraang magampanan ang lahat ng pamamaraan.
2)Matututong tanggapin nang buong puso ang anumang nangyayari at ito ang nagbibigay ng kapanatagan sa puso at kasiyahan ng kaluluwa. Walang maiiwang bagabag, pag-alaala at kalungkutan na madarama sa anumang maging bunga ng mga pangyayari.
Ang Allah ay nagsabi,
"Walang sakuna (o masamang pangyayari) ang magaganap sa mundong ito at maging sa inyong mga sarili, maliban na ito ay nauna ng naitala sa Aklat ng Tadhana (Al Lauh Al Mahfuz) bago pa Namin pahintulutang ito ay maganap. Katotohanan, ito ay sadyang magaan sa Allah.(6) Upang kayo ay hindi maghinagpis sa mga bagay na hindi ninyo nakamtan, gayon din naman, huwag ipagyabang ang (mga biyayang) ipinagkaloob sa inyo. Hindi ninanais ng Allah ang mga mayayabang (at nagmamagaling)."
Qur'an, Kabanata Al-Hadeed, 57:22-23;
3)Magiging madaling maglaho ang anumang nadaramang sakit na dulot ng mga sakuna o masasamang pangyayari.
Ang Propeta Muhammad ay nagsabi;
"Ang malakas na Mananampalataya ay higit na minamahal ng Allah kaysa sa isang mahinang Mananampalataya bagama't ang bawa't isa ay may kabutihan. Ikaw ay maging masigasig sa anumang bagay na may pakinabang at hanapin ang tulong ng Allah at huwag maging pabaya sa paggawa. At kung may pinsalang dumating sa iyo, huwag mong sabihin ang, 'kung ginawa ko sana ang ganito, walang nangyaring di-maganda'. Datapwat sabihin ang: 'Ito ang Takda (Qadaar) ng Allah, na anuman ang nais Niyang mangyari ito ay magaganap (Qadarullah wa maa shaa fa'al),' sa katotohanan, ang salitang 'kung o sana' ay magbubukas sa daan ng Satanas."
(Iniulat ni Muslim #2664)
4)Nadaragdagan ang gantimpala at nababawasan ang kasalanan.
Ang Propeta ay nagsabi;
"Walang Muslim na napapagod, nagkakasakit, nababagabag, nag-aalala o nababalisa, nalulungkot, at hindi inaalintana ang tinik na nakakatusok sa kanya maliban na ang mga ito ay nakababawas ng kasalanan."
(Iniulat ni Imam Bukhari)
Ang paniniwala sa Qadar ay hindi tulad ng iniisip ng iba na nagtitiwala (o umaasa) sa Allah nguni't hindi nagsisikap o nagtatangkang tuparin ang mga pamamaraan sapagka't
ang Propeta ng Allah ay sumagot sa isang taong nagtanong sa kanya ;
"'Hahayaan ko na lamang ba na di-nakatali ang aking kamelyo at magtiwala na lang ako sa Allah? Ang sabi ng Propeta, 'Itali mo at magtiwala ka sa Allah.'"
(Saheeh ibn Hibbaan)
- Itinala ni Imam Ahmad na isinalaysay ni Ibn ‘Umar na sinabi ng Sugo ng Allah, na: “Kapag ang isang tao ay namatay, ipakikita sa kanya ang kanyang kalagayan (sa Paraiso o sa Impiyerno) umaga at gabi; kung siya ay kabilang sa mga tao ng Paraiso, samakatuwid, siya ay isa sa kabilang sa Paraiso, at kung siya ay kabilang sa Impiyerno, samakatuwid, siya ay isa sa kabilang sa Impiyerno. Ito ang sasabihin sa kanila, “ito ang inyong magiging kalalagyan hanggang kayo ay ibabangong sa Araw ng Pagkabuhay Muli.” Ahmad 2:114, Muslim 4:2199, Tafsir Ibn Kathir vol 8 pahina bilang 485.
- Mushrikun. Sila ay kinabibilangan ng mga pagano, mga taong nang-iidolo, mga taong sumasamba sa mga diyos-diyusan tulad halimbawa ng pagsamba nila sa mga Propeta, anghel, rebulto, santo at santa, estatuwa, o maging ang satanas at tinatawag ding Mushrikun ang mga taong walang paniniwala sa Kaisahan ng Allah.
- Hawd: Ito ay isang Bukal o Lawa na ipinagkaloob ng Allah kay Propeta Muhammad na sinuman ang uminom dito nang minsanan, ay hindi na mauuhaw pa magpakailanman.
- Qadaa at Qadar: Ang Kahihinatnan o Kapalaran. (Ginamit ang orihinal na salitang Arabic upang mapanatili ang tunay na kahulugan sapagka't ang pagsalin nito sa ibang wika ay nagkakaroon ng ibang pakahulugan mula sa nagsalin nito). Ang Qadar (kahihinatnan sa pangkalahatang pananaw o kahulugan) samantalang ang Qadaa (kahihinatnan sa partikular na kahulugan o pananaw). Halimbawa ng Qadar: ang lahat ay mamamatay. Ang halimbawa naman ng Qadaa: bagamat sa pangkalahatang kahulugan na ang lahat ay mamamatay, mayroong namang partikular o kanya-kanyang paraan ng kamatayan ang bawa't isa. Ang Qadaa ng isang tao ay maaari siyang mamatay sa pamamagitan ng aksidente, o ng sakit o ng pagkahulog.
- 'Rawdat-un-Nadiyyah' Sharh 'Aqeedat-il-Waasitiyyah' p. 352-353
- Isinalaysay ni Ibn Abbas: Minsan ako ay nasa likuran ng Sugo ng Allah at sinabi niya: “O, batang lalaki, ikaw ay aking tuturuan ng ilang salita:
(a). Maging matapat at masunurin ka sa Allah (tanging Siya lamang ang dapat sambahin), alalahanin ang Allah tuwina, sundin ang Kanyang mga ipinag-uutos. Ikaw ay Kanyang ililigtas sa anumang uri ng kasamaan at ikaw ay Kanyang pangangalagaan sa lahat ng aspeto ng iyong buhay. (b). Maging matapat at masunurin sa Allah, iyong matatagpuan ang Allah na malapit sa iyo. (Kanyang diringgin ang iyong mga panalangin.) (k) Kung ikaw ay magsumamo, magsumamo sa Allah. (d) Kung ikaw ay humanap ng tulong, hanapin ang tulong mula sa Allah. (e) Dapat mong malaman na kung ang lahat ng tao ay magsama-sama upang ikaw ay magkaroon ng kapakinabangan sa isang bagay, hindi nila magagawang bigyan ka ng kapakinabangan maliban kung ano ang itinakda sa iyo. At kung sila ay magsama-sama upang ikaw ay bigyan ng pinsala, hindi nila magagawang ikaw ay pinsalain maliban kung ano ang itinakda ng Allah sa iyo. Ang mga panulat ay tumigil sa pagsulat (mga Banal na Tadhana) At ang tinta sa papel (Aklat ng Tadhana) ay natuyo na.” Ang Hadith na ito ay naitala ni At Tirmidhi.