Ang Pagsamba Ayon sa Islam(1)

Ito ay ang pagpapakaalipin kay Allah sa literal at totoong kahulugan. Si Allah ay Tagapaglikha at ikaw naman ay nilikha, at ikaw ay tagasamba at si Allah ay sinasamba mo. Kapag iyon ay ganoon nga, kailangang lumakad ang tao sa buhay na ito sa tuwid na landasin ni Allah, na sumusunod sa batas Niya, na tinutunton ang bakas ng mga sugo Niya. Nagsabatas nga si Allah para sa mga lingkod Niya ng mga dakilang batas gaya ng pagsasakaganapan ng paniniwala sa pagkaiisa Niya na Panginoon ng mga nilalang, ng saláh, ng zakáh, ng pag-aayuno at ng hajj.

Subalit hindi ito ang lahat ng pagsamba ayon sa Islam. Ang pagsamba ayon sa Islam ay higit na masaklaw yamang ito ay ang lahat ng naiibigan ni Allah at kinasisiyahan Niya na mga gawain at mga pahayag, na panlabas at panloob. Samakatuwid ang bawat gawa o salita na ginawa mo o sinabi mo na kabilang sa naiibigan ni Allah at kinasisiyahan Niya ay pagsamba.

Bagkus ang bawat gawing maganda na ginawa mo na may layunin ng pagpapakalapit-loob kay Allah ay pagsamba. Kaya naman ang magandang pakikisama mo sa magulang mo, pamilya mo, asawa mo, mga anak mo at mga kapitbahay mo, kapag nilayon mo roon ang ikasisiya ng mukha ni Allah ay pagsamba. Ang magandang pakikitungo mo sa bahay, pamilihan at opisina, kapag nilayon mo roon ang ikasisiya ng mukha ni Allah ay pagsamba.

Ang pagganap sa ipinagkatiwalang tungkulin, ang pagsunod sa katapatan at katarungan, ang pagpipigil sa kapinsalaan, ang pagtulong sa mahina, ang pagkita mula sa ipinahihintulot na trabaho, ang paggugol sa asawa at mga anak, ang pag-alo sa maralita, ang pagdalaw sa maysakit, ang pagpapakain sa nagugutom at ang pag-adya sa naapi, lahat ng ito ay pagsamba kapag nilayon mo roon ang ikasisiya ng mukha ni Allah ay pagsamba.

Samakatuwid ang bawat gawain na ginagawa mo para sa sarili mo, o para sa pamilya mo, o para sa lipunan mo, o para sa bayan mo, na nilalayon mo roon ang ikasisiya ng mukha ni Allah, ito ay pagsamba. Bagkus pati na ang pagtugon sa mga hilig sa laman ng sarili mo ayon sa ipinahintulot sa iyo ni Allah ay magiging isang pagsamba kapag nilakipan mo ng matuwid na layunin.

Nagsabi ang Sugo (SAS): Sa pakikipagtalik ng isa inyo ay may kawanggawa. Nagsabi sila: O Sugo ni Allah, [kapag] tutugunin ba ng isa sa amin ang hilig ng laman niya ay magkakaroon siya dahil doon ng gantimpala? Nagsabi siya: Turan ninyo sa akin, kung sakaling inilagay niya iyon sa ipinagbabawal ay nagkaroon ba siya ng kasalanan? Kaya ganoon din naman, kapag inilagay niya ito sa ipinahihintulot ay magkakaroon siya ng gantimpala.(2)

Nagsabi pa ang Sugo (SAS): Tungkulin ng bawat Muslim na magbigay ng kawanggawa. Sinabi: Ano sa tingin mo kung hindi siya nakasumpong [ng maibibigay]? Nagsabi siya: Magtrabaho siya sa pamamagitan ng mga kamay niya at madudulutan niya ng pakinabang ang sarili at magkawanggawa siya. Sinabi: Ano sa tingin mo kung hindi niya nakaya? Nagsabi siya: Tutulungan niya ang nalulumbay na may pangangailangan. Sinabi sa kanya: Ano sa tingin mo kung hindi niya nakaya? Nagsabi siya: Ipag-uutos niya ang nakabubuti o ang mabuti. Sinabi: Ano sa tingin mo kung hindi nakaya? Nagsabi ito: Ano sa tingin mo kung hindi niya ginawa. Nagsabi siya: Magpigil siya sa kasamaan sapagkat tunay na ito ay kawanggawa.(3)


  1. Para sa karagdagang pagpapalawak ay tingnan ang aklat na al-‘Ubúdíyah (Ang Pagkaalipin kay Allah), akda ni Guro ng Islam na si Ibnu Taymiyah, kaawaan siya ni Allah. 
  2.  Isinalaysay ito ni Imám Muslim sa Sahíh Muslim sa Kitáb az-Zakáh (Aklat ng Zakáh), Hadíth 1006. 
  3. Isinalaysay ito ni Imám al-Bukhárí sa Kitáb az-Zakáh (Aklat ng Zakáh), kabanata 29; at ni Imám Muslim sa Kitáb az-Zakáh (Aklat ng Zakáh), Hadíth 1008, at ang pagkakalahad ay sa kanya.